Sabi nila, ang aming paaralan ay tapunan ng mga mag-aaral na hindi naipasa ang pagsusulit sa ilang unibersidad. Kung minsa'y, kapag naririnig ko ang salitang " Josenian" palagi itong may kasunod na salitang " lang." Paulit-ulit nang paulit-ulit. Hindi matapos-tapos na diskriminasyon ang natatanggap naming mga mag-aaral sa paaralang ito, ngunit nais kong ibida sa inyo, kung bakit katangi-tangi ang aming institusyon at bakit nga ba kailangang matigil ang pagiging utak talangka.
Ang institusyong ito ay natatangi sa iba pang paaralan. Binubuo ito ng mga mahuhusay na tagapagpanday ng karunungan, mga tauhang kayod-kalabaw matugunan lamang ang pangangailangan ng bawat mag-aaral, at mga pinuno mula sa pinakamataas na posisyon at iba't ibang organisasyong handang iunat ang kamay para sa kapuwa nila mag-aaral. Kamakailan lamang naging usapin ang populasyon ng mag-aaral na opisyal na nakapagpatala sa aming paaralan. Sa katunayan, humigit kumulang walong libo ang mag-aaral sa aming institusyon. Binato ito ng iba't ibang katanungan patungkol sa pagtanggap ng maraming bilang ng mga mag-aaral ngunit ang tugon ng Pangulo ng aming paaralan,ang siyang nagpalambot , tumunaw ng aking puso at dahilan kung bakit ko maipagmamalaki ang aking paaralan. Tugon niya'y " Anong karapatan naming tanggihan o pagsarhan ng pinto ang mga batang nais makapagtapos ng kolehiyo?
" Ano kaya ang posibleng mangyari sa mga mag-aaral na ito kung hindi tinanggap ng Pampamayanang Kolehiyo ng San Jose? Marahil sila ay huminto na sa pag-aaral, nag-asawa na, o 'di kaya'y nagtatrabaho na. Ang pangyayaring ito, ay isa lamang sa dahilan kung bakit nais ko ipangalandakan, na ako ay isang " Josenian!"