Halos tatlong taon tayong ikinulong ng pandemya sa apat na sulok ng ating tahanan. Tatlong taong sarili at magulang ang nagsilbing tagapagturo upang magkaroon ng iba't ibang kaalaman sa iba't ibang asignatura. Ang pisara na dati'y sandigan ng karunungan, napalitan ito ng mga nagkakapalang modyul at makabagong teknolohiya na naging alternatibo bilang paraan ng daluyan ng pagkatuto ng mga mag-aaral.
Ngayong taong panuruan, ito'y marka ng simula sa pagbabalik sa nakasanayan. Kasa-kasama ang mga tagapagpanday ng pagkatuto— mga guro, at kamag-aral sa loob ng paaralan. Hudyat ito ng pagharap sa panibagong hamon sa pagbabalik-eskwela. Hamon hindi lang para sa mag-aaral bagkus, hamon pati na rin sa mga guro. Malinaw ang epektong idinulot ng pandemya sa halos lahat ng sektor ng lipunan, lalong-lalo na kung pag-uusapan ang edukasyon. Nagdulot ito ng matinding pinsala sa mga mag-aaral tulad ng pagkawala ng kasanayan sa pagbabasa, pagbibilang at pagsusulat, dagok sa kalusugang pangkaisipan, kawalan ng sapat na nutrisyon, at ilang kaso ng pang-aabuso. Alam kong mulat ang mga guro sa sakit na mas malala pa sa Covid 19— ang kakulangan ng sapat na kaalaman. Ngunit alam kong handa sila sa pakikibaka sa digmaang ito.
Muli nilang paniningasin ang liwanag ng ilaw na matagal nang napundi , at muling gigisingin ang puso upang paalabin ang apoy. Sa kalinga ng mga guro, paaralan, at iba pang komunidad na tutulong sa pagsulong ng edukasyon, anumang hamon ang kinahaharap, hindi nila mapipigilan ang gurong may hangaring maikintal ang kaalaman, makapaghubad ng karunungan habang isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga bata, at gamutin ang sakit na mas malala pa sa Covid-19. " GURO SILA, HINDI GURO LANG."
Sila ang itinuturing ng lipunan na " Pangalawang magulang." Sila ang mga guro na uliran ng pagkamatuwid, pagsisikap at pag-ibig sa ikasusulong ng kaniyang tinuturuan; at gayon na lamang ang kanilang pagmamalasakit sa mga mag-aaral. Noong naglabas ng panuntunan ang Kagawaran ng Edukasyon patungkol sa polisiya na mas mapaigting ang propesyonalismo ng mga guro sa pagbibigay nang maayos na edukasyon. Inilibas nila ang Kautusang Pangkagawarang Bilang 49, serye 22 taong 2022 na ayon sa R.A no. 6713—Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Samu't saring tugon mula sa guro at maging mga mag-aaral ang natanggap ng Kagawaran. May ilang bumatikos at may ilang sumang-ayon sa hangarin ng DEPED. Sa kagustuhan ng Kagawaran nang maayos na pakitutungo sa mga kasamahan sa eskwelahan, mag-aaral at iba pang stakeholders, ipinagbabawal ng kautusang ito ang pagkakaroon ng relasyon at ugnayan sa pagitan ng guro at mag-aaral sa labas ng klase. Bukod pa rito, ipinagbabawal ang pagkakaroon ng interaksyon sa birtwal na mundo. ( Pag follow sa Social Media) Marami ang nalungkot, umapela, tumangis at naglabas ng kanilang saloobin hinggil dito. Kailangang maintindihan ng mga guro at mag-aaral kung bakit ito ipinatupad. Sa katunayan, ang pagputok ng balita sa nangyaring pang-aabusong seksuwal ng guro sa kaniyang mag-aaral ang nag-udyok upang ipatupad ito. Kung pagtutuunan ng pansin ang kabutihang posibleng maidulot nito, totoong malilimitahan ang interaksyon sa pagitan ng mga guro at mag-aaral ngunit, mababawasan naman ang mga pangyayarint hindi kanais-nais. Maiiwasan ang pagkakaroon ng paborito , " bias" at mas tataas ang respeto at pagtingin ng mag-aaral sa kanilang guro dahil may bakod na humaharang sa pagitan nila.
Bilang magiging guro sa hinaharap, ang pagpapatupad ng kautusang ito ay yaong mga sandaling umiinom ako ng nektar na may halong mapapait na apdo. Alam kong mabuti ang hangarin ngunit, ito'y nagdulot ng kapanglawan sa kadahilanang, maraming ugnayan ang masisira at ang pakikipagkaibigan ay matatapos. Kung minsan, nagkakaroon tayo ng malalim na ugnayan sa guro dahil, siya ang nalalapitan natin sa oras ng pangangailangan, sinasalba nila tayo tuwing tayo ay dumaraan sa madilim na daanan, tinutuwid ang landas sa pamamagitan ng pagbibigay payo, at pinakikinggan tayo tuwing naghahain ng hinaing sa buhay. Maraming magagandang dahilan kung bakit may ugnayan na nabubuo sa pagitan ng guro at mga mag-aaral. Naninindigan ako, na ang isang gurong nakagawa ng nakaduduwal na pangyayari ay hindi tumutukoy sa lahat ng guro. Higit pang lalong walang kinalaman ang propesyon sa usaping ito. Kung kaya't ang pagpapatupad sa polisiyang ito ay hindi lang propesyon ang binabakuran kundi, pati na rin ang personal nilang buhay. Maari namang magkaroon ng ugnayan basta't may limitasyon at may hangganan.
" Prayoridad ang kalusugan hindi lang sa mga mag-aaral kundi, pati na rin sa mga guro at mga tao sa loob ng paaralan." - Atty. Michael Poa.
Totoong hindi natutulog ang kagawaran ng edukasyon dahil, narinig nila ang mga nag-uumpukang tinig. Ang sigaw na mas malakas pa sa bulong. Hindi biro ang init ng panahon. Sa katunayan, maaari itong magdulot hindi lamang ng sakit sa ulo kundi pati na rin ang kapahamakan. Kailangang mahubog ang mga bata ngunit mas kailangang isipin at unahin ang kaligtasang panlahat. Naalala ko ang sikat na kasabihan, " Hindi lang sa apat na sulok ng silid nahuhubog ang pagkatuto." Sa bahay, sa pamamagitan ng karanasan at kuryosidad ng mga bata. Pagsaludo sa Kagawaran ng edukasyon sa agarang pagtugon sa sitwasyong kinahaharap ng mga guro at mag-aaral patungkol sa pagtaas ng init ng temperatura sa bansa.
Walang sinuman, anong sitwasyon , pangyayari o nagngingitngit na init ng araw, ang makapipigil sa pagtuturo sa mga bata. Hindi nito mapipigilan ang mga guro at paaralan na mabigyang liwanag ang mga mag-aaral. Patuloy ang pagsilid ng karunungan kahit sila ay nasa kani-kanilang tahanan o 'di kaya'y kahit sa birtwal na paraan. At kung lumipas man itong pangyayari, may ilang tinig na sisigaw, dala ng kagalakan.
" Sinuman ang nakauunawa sa bago, pinahahalagahan ang luma, maari siyang maging isang epektibong guro." - Confucius
Ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya ay buong pusong niyayakap sa iba't ibang sektor, higit pang lalo sa larangan ng edukasyon. Mahalaga ang pag-angkas sa makabagong panahon ngunit, hindi ito nangangahulugang paglimot sa tradisyunal na pamamaraan ng pagturo. Dahil tayo ay nasa ika-21 siglo, mainam na makasabay sa makabagong henerasyon. Mabuting gumamit ng ilang makabagong teknolohiya upang mapukaw ang interes ng kabataan at magkaroon ng inobasyon. Ayon kina Abad at Ruedas (2001), ang mga kagamitang panturo, tulad ng midyang instruksyonal sapagkat, ito ay nagbibigay ng kongkretong pundasyon sa pagkatuto. Nagbubunga ito ng wastong gawi sa pag-aaral, nakagaganyak ito sa kawilihan ng mga mag-aaral sapagkat higit na napasisigla at napagagaan ang proseso ng pagtuturo at pagkatuto, at nagdudulot ito ng maayos, madali, makahulugan at mabisang pagtuturo at pagkatuto. Hindi lang mga mag-aaral ang magkakaroon ng benipesyaryo.
Ganoon na rin ang mga guro kung paiiralin ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagtuturo. Bukod sa magiging magaan, magiging kawili-wili ang pagtalakay. Samantala, hindi kinakailangang papiliin ang mga mag-aaral sa pagitan ng guro at teknolohiya dahil pareho itong mahalaga. Ngunit sa aking hinuha, higit na mahalaga ang guro, dahil hindi ito matutumbasan ng kahit anumang teknolohiya.
"Kung ang isang guro ay may pagmamahal lamang sa trabaho, siya ay magaling na guro. Kung ang guro ay may pagmamahal lamang sa mag-aaral, tulad ng isang ama, isang ina, mabuti siyang guro, kung ang guro ay nagtuturo lamang gamit ang nabasa sa mga libro, siya ay ordinaryong guro. Ngunit kung pinagsasama ng isang guro ang pagmamahal sa trabaho at para sa mga mag-aaral, siya ay isang perpektong guro..." (L. Tolstoy).
Hindi matatawaran ang serbisyo sa propesyong ito. Itinuturing na ang pagpasok sa trabahong ito ay parang pagpasok sa butas ng karayom ngunit, marami pa rin talaga ang may marubdob na pag-ibig sa pinakamarangal na propesyon — ang pagiging guro. Katulad na lamang ng ibinidang guro sa artikulong aking binasa. Minalas ng lahat kung gaano kainit ang kaniyang pagmamahal sa pagtuturo at mga bata. Maaksidente man paminsan-minsan, gumastos ng pera para sa mga bata, mapaos, kumulubot man at gumaspang ang kamay na dati'y malambot, magkahika dahil sa alikabok ng tsalk at pisara, lakarin man ang bundok, tawirin man ang dagat, lagi silang nariyan dahil mahal nila ang kanilang ginagawa at nais nilang maituwid ang landas ng mga bata na sa kanila ay umaasa. Mga batang may kaniya-kaniyang pangarap at sa pamamagitan lang ng mga guro sila ay makalilipad sa ulap. Upang maabot ang mga bituin, at masubukan man lamang nilang magningning. Apat na letra ngunit libu-libong propesyon ang kanilang nililikha.