" Anumang tibay ng piling abaka, ay wala ring lakas kung nag-iisa." - Filipino proverbs
Walang hanggang pasasalamat sa lahat ng mga taong naging bahagi ng aking intership. Mga taong naging dahilan nang pagtindig ko kahit paulit-ulit subukin ng panahon, at mga taong gumising sa aking puso upang muling pag-alabin ang napaparam na apoy.
Sa Pangulo ng Sjcc, Atty. Randy Blanza at sa Dekano ng Edukasyon, Dr. Isabel P. Gabito na karapat-dapat na tukuyin dahil sa kanilang nag-aalab na suporta at pagtitiwala sa aking kakayahan na siyang dahilan ng pagkakaroon ko ng lakas ng loob upang irepresenta ang aming paaralan sa labang ito.
Sa Punongguro ng Mataas na Paaralang Pambansa ng Tabaco, Gng. Elena B. Tasic, sa pagtanggap sa amin ng walang halong pag-iimbot upang kami ay pagbuksan ng pinto sa kanilang kagalang-galang at kilalang paaralan.
Sa aking Cooperating Teacher, G. Jonas Baliwas, na naging guro ko noong ako ay nasa ika-12 taon sa Senior High School. Siyang nagsilbing inspirasyon at naghimok sa akin upang patuloy na tumindig at makibaka sa hamon ng buhay. Sa kaniyang hindi matawarang suporta at pagbibigay payo sa anumang usapin. Sa mga turong hindi nakasasakit ng damdamin, pagwasto ng mga kamalian sa mahinahon at maayos na paraan. Maraming salamat. uliran ka ng pagkamatuwid, pagsisikap at pag-ibig sa ikasusulong ng bawat mag-aaral na iyong tinuturuan.
Sa aking Coach, G. Glenn Bertillo na karapat-dapat sa kaniyang kabantugan. Walang hanggang pasasalamat sa pagmamalasakit, tulong at patnubay upang mahubog ako bilang isang guro sa hinaharap. Hindi ako nag-iisa sa labang ito sa tulong at pag gabay mo.
Sa aking mga kaklase sa Pampamayanang Kolehiyo ng San Jose at mga kapwa ko gurong mag-aaral sa Dr. Casaul S. Lanting College. Minalas ng iba kung paano tayo magtulungan. Paningasin ang liwanag ng bawat isa tuwing napaparam ang apoy, at ipagdiwang ang tagumpay ng kahit na sinuman. Alam kong sa susunod na pagkikita-kita natin, suot na natin ang uniporme ng propesyong ating tinatahak ngayon.
Sa aking mga kaibigan na sina Jhamille, Leomar , Camille, Jm, Ed, at Judy. Maraming salamat sa tulong pinansyal at moral. Kayo ang aking sandigan tuwing sinasakmal ako ng lumbay.
Sa aking mga mag-aaral mula Stem-A, B, C, D at Humss-O, maraming salamat sa pakibabahagi sa tuwing may talakayan. Hindi lang kayo ang natutututo kundi pati na rin ako. Malaki ang tulong na naibibigay niyo sa akin at kayo marahil ay isa sa dahilan ng aking paglago. Sa aking minamahal, na palaging naririyan at kailanman hindi ako nilisan. Maraming salamat sa tulong at malawakang pag-unawa . Sa aking nanay na mag-iisang taon ng namayapa, maraming salamat sa pagpupursige noon na ako ay makapagtapos sa kolehiyo. Ang iyong paglisan sa mundong ibabaw, ang siyang sanhi ng malungkot na pagkabagot sa aking buhay ngunit, sa kabilang banda siya ring dahilan ng pag-usbong ng pag-ibig at pag-asa na yumayabong na tila lalo nagpasigla sa akin sa pakikilaban sa hamon ng buhay. Hindi ko malilimutan ang huli mong pahayag bago ka humimlay, " Nuarin ka magraduate?" Ang huling pahayag na dapat sana panghugutan mo ng lakas upang ipagpatuloy pa sana ang buhay. Maraming salamat. Malapit na, aking ina. Malapit na.
Higit sa lahat, sa ating Poong Maykapal na siyang dahilan ng lahat. Marahil tatanggi ang panulat ko sa pagtitik sa papel na ito kung wala ang iyong patnubay, gabay at karunungang nagmumula sa Iyo. Maraming salamat sa iyong walang pasubaling pagmamahal, dahil dito, umaalab pang lalo ang pagmamahal ko sa pinakamarangal na propesyon— ang maging guro sa hinaharap.
Sa muli, maraming salamat. Kayo ang dahilan ng aking pamumukadkad. Sa inyong init ng pag-ibig, katwirang tunay, buhay na tigib at pagbuhos nang sapat na tubig — kaalaman. Ito ang dahilan upang hindi maluoy ang bulaklak at mamukadkad sa araw ng pagsibol.