Kung ililingon ko ang aking paningin sa unang araw ng pagtapak ko sa Pampamayanang Kolehiyo ng San Jose, naaalala ko ang isang pahayag mula sa aking kakilala na hanggang ngayon, paulit-ulit ko pa ring napakikinggan sa aking magkabilang tainga. Buhaghag niyang sabi, " Bakit Educ ang kinuha mong kurso? Wala ka namang mapapala riyan!" Nabasag ang katahimikan noon. Bilang tugon, sinuklian ko na lamang siya ng isang matamis na ngiti. Mulat ako sa reyalidad, na ang pagpasok sa ganitong propesyon ay parang paghahanap ng karayom sa talahiban. Nakapapagod at kung minsan mawawalan ng pag-asa ngunit, hindi ito ang dahilan upang huminto sa pakikibakang nasimulan. Alam kong sa simula pa lamang, totoong iniiibig ko na ang propesyong ito— ang maging isang ulirang guro sa hinaharap. 

       Noon ay may mga araw na kahili-hili at may mga araw na nagtitigis ako ng luha sa napakaraming dahilan. Sa pagtungtong ko ng kolehiyo, pinagnilay-nilay ko ang aking katayuan. Bagong mga kabalisahan, bagong mga intindihin, bagong mga balakid, at bagong mga damdamin ang nagwiwindang sa aking puso. Ang unang taon ko sa kolehiyo, ay ang taon ng pagkawasak ng aming pamilya. Nagpakalayo-layo ang aking nanay dahil sa pang-aabuso ng aking amang lulong sa masamang bisyo. Kinalaunan, ang aking nanay ay namatay dahil sa nakamamatay na kanser sa utak. Naging mahirap para sa aming magkakapatid ang pagtanggap sa sitwasyon. Mga pangyayaring lubhang mapait at malungkot kaya hindi ko sukat agad malimutan. Ang paglayo at pagkamatay ng taong siyang nagpupursige upang makapagtapos ako ng kolehiyo, ay nangangahulugang paglayo at pagkawala ng bituing nais kong abutin. Mula noon, iginapang ko ang aking pag-aaral sa pamamagitan ng " acads commission." Kayod-kalabaw at pinipilit kong kitain ang liwanag kahit ako ay nasa gitna ng kadiliman. Hindi ko na ibig magpakalawig sa pagsisiwalat o paglalarawan ng mga pagkalam ng sikmurang itiniis ko, mga lapak at sugat sa sapatos na hiniram ko, mga unang labtik ng isang pamalong manipis at naninikit. Ngunit, hindit nito mapipigilan ang kagustuhan kong mamukakad— ang kagustuhan kong sumibol sa araw na kung saan magdiriwang ang kalupaan— ang pagtatapos ng pag-aaral. Ang mga pangyayari sa aking buhay na lubhang mapapait ay hindi kailanman napigilan ang pagiging aktibo ko sa klase, pagkakaroon ng matataas na marka sa iba't ibang asignatura, pagiging pinuno at kasapi sa iba't ibang organisasyon. Naging sandigan ko noon ang aking mga guro, ilang mga kaklase at matatalik na kaibigan. Sila marahil ay isa sa dahilan kung bakit ako lumalaban. 

     Ang e-portfolio na ito ay nagpapatunay ng aking paglago bilang isang gurong mag-aaral sa Mataas na Paaralang Pambansa ng Tabaco. Ilalantad nito ang mga dahilan kung bakit ako namukadkad na para bang rosas sa hardin. Kung gaano makapangyarihan ang pagbuhos nang katamtamang init ng pagmamahal mula sa mga guro, pagbuhos nang sapat na tubig sa isang uhaw na rosas, pagprotekta at wastong pag-alaga sa isang bulaklak. 

  " Kung saan marami ang pag-ibig, ang mga bulaklak ay mamumukadkad at bibihag sa kanayunan." Malapit na ang tagsibol, bibihag sa kanayunan ang bulaklak na inalagaan nang tama at wasto. Bitbit ang kaalamang isiniksik ng kaniyang mga naging guro maging mga mag-aaral— na hindi kailanman mapipitas ninuman.