by
Webmaster
Noong Agosto 1, 2023, ginanap ang 2023 National Learner's Convergence sa Marikina City, kung saan nagpakitang-gilas ang BERT ng Bulihan NHS sa pagpapakilala ng tatlong BERT DRRM modules na inilathala ng Save the Children Philippines (SCP) sa mahigit kumulang 300 estudyanteng kalahok. Naging maayos at maganda ang daloy ng presentasyon sa nasabing aktibidad ayon sa mga BERT presenters.
Tatlong beses itinalakay ng BERT presenters ang layunin ng bawat modules sa mga kalahok. Bawat modules ay may kalakip na aktibidad na naging dahilan para higit na maintindihan ng mga kalahok ang nilalaman ng modules. Ayon sa kanila, talagang natuwa at natuto ang mga estudyante maging ang kasama nilang mga guro.
Ayon kay Luna, BERT presenter, "Magkahalong kaba at saya ang naramdaman ko sa LearnCon dahil bagong exposure at experience ito. Mas maraming estudyante ang nakikinig sayo at handang matuto." Talaga nga namang kakabahan ka kung ang nakikinig sa iyo ay estudyante mula sa bawat paaralan sa buong bansa. Para sa kanya, "memorable and exciting" ang araw na iyon. Dagdag pa nya, may nakapagsabi raw na "mas memorable kayo sa mga bata," kaya't agad na napawi ang pagod at kabang nadarama niya at napalitan ng saya.
Dahil sa napulot nilang aral sa mga modules, ano kaya ang naging epekto nito sa kanila? Ayon sa hinuha ni James, isang BERT presenter, "Understanding DRRM has a profound impact on youth. It enhances their awareness about hazards and prepares them to respond effectively on disasters." Totoo namang bawat aral na napulot nila mula sa mga modules ay makatutulong sakanila hindi lang sa panahon ng sakuna, kundi bago, habang, at pagkatapos nito.
Sa likod ng matagumpay na roll-out ng BERT, sino-sino kaya ang dahilan ng magandang presentasyon na ito? Ano kaya ang rason kung bakit naging maayos at maganda ang daloy ng kanilang roll-out? "Binigay ng bawat isa ang best namin. Wala kaming pagod na naramdaman kasi nakita naming nag-enjoy sila. Kahit baha sa kalsada, walang makakapigil sa BERT para magbigay kaalaman at saya," ani Primo, kasalukuyang BERT President (S.Y. 2022-2023).
Iba nga naman ang nagagawa ng pagtutulungan, lahat ay nagiging madali para sa bawat isa.
Sa kabila ng kasiyahan ng bawat isa, mayroon din namang kinabahan, isa na riyan si Brix, isa sa mga presenter ng araw na iyon, ayon sa kanya "Noong nalaman kong magdidiscuss ako ng module na hindi sa akin nakatoka, siyempre nataranta ako." Kahit naman sino ay kakabahan kung on-the-spot tatalakayin ang module na hindi sa iyo nakatoka at hindi mo napaghandaan diba? "Ganoon pa man, hindi ko hinayaang lamunin ako ng takot, kaya't naglakas-loob akong magpresent kahit hindi ako prepared. Noong nakita ko na maayos naman ang flow, nakahinga ako nang maluwag" dagdag pa niya.
Halo-halong emosyon ang naramdaman nila ng araw na iyon, mayroong natuwa, may kinabahan, at higit sa lahat, may natuto. Bukod sa aral na ibinigay ng mga presenters sa mga kalahok, may napulot din silang aral at may nalamang karanasan mula sa mga kalahok. Ayon kay Hoshi, BERT presenter, "Nakakatuwa kasi willing silang mag share ng stories nila tungkol sa mga calamities na naranasan nila personally." At dahil dito, tiyak na naging magkakaibigan din ang bawat isa. Ayon kay Primo, BERT presenter, "Happy ako kasi most of them ay participative at interested, aside from that, we also meet new friends." Iba talaga ang nagagawa ng mga ganitong aktibidad, mas nagkakakila-kilala sila at nagkakaroon ng bagong karanasan at kaalaman.
Ayon kina Sir Sheg at Miss Joanne, BERT advisers, "Masaya kami dahil commitment at effort ang inilaan ng mga bata sa paghahanda para sa event na ito. Proud kami sa kanila dahil naging successful ang roll-out nila at talagang dedicated sila sa ginagawa nila." Dahil dala-dala nila ang pangalan ng kanilang paaralan, hindi maikakailang lubos nilang napahanga ang kanilang mga advisers.
Dahil sa ginanap na 2023 National Learner's Convergence, mas napalawak ng BERT ang kaalaman ng bawat kabataan. Malaking tulong ito para mapanatili nilang ligtas ang kanilang sarili't pamilya bago, habang, at pagkatapos ng sakuna. Bukod sa kasiyahan, kaalaman ang talagang naihatid nila sa lahat ng kalahok. Kaya naman lagi nilang sinasabi ang "Learn, Survive, and Be Protected."