Sa modernong panahon natin ngayon na kung saan ay mas malaya na tayo magpahayag at mamuhay, bitbit pa din ng ilan sa atin ang masalimuot na idinulot ng ilang daang taong pananakop ng mga banyaga sa ating bansa. Marahil sa ngayon ay ganap na nga tayong malaya sa mga armas at karahasan, ngunit tunay na nga ba tayong nakawala sa panunupil?
Tanikala, lubid, at tinik. Kung ako ang tatanungin ay ganyan ko maipapaliwanag ang naitanim ng ibang lahi sa isip nating mga Pilipino- ang colonial mentality. Uri ng pananakop na mahirap sugpuin at kalabanin dahil sa mismong pagkatao nila ito itinanim. Kilala mo pa ba si Doña Victorina? Isa sa mga tauhan sa nobela ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere. Siya ay halimbawa ng isang Pilipino na pilit tinatalikuran at inaayawan ang sariling pagkakakilanlan. Mula sa pustura hanggang sa paraan ng pamumuhay, aakalain mo na isa nga siya Europeo. Hindi pa diyan nagtatapos sapagkat Indio at mababa ang tingin niya sa kapwa Pilipino at tila nakalimutang ito rin ang kanyang pinagmulan.
Siguro sa puntong ito, napapaisip ang iba. Paano ito naging mahalaga? Bakit nga ba kailangan pa nating pag-usapan magpahanggang ngayon ito? Isa ang sa tingin ko na pinakasagot sa mga katanungang ito. Sapagkat ang colonial mentality ay parang sakit o kanser ng bansa na habang tumatagal, patuloy lumala kapag di binigyang pansin. Isa itong silent killer kumbaga, na palihim kung tumira. Totoo na hindi natin makokontrol pag-iisip ng isang tao ngunit kung hahayaan nating yumabong ang ganitong uri pananaw sa buhay, maaring maging apoy ito na lumamon sa kanyang pagkatao at tulad nga ng isang sakit, makahawa at makaapekto pa sa ibang indibidwal.
Ngunit, ano nga ba ang gamot? Ano ba ang dapat nating gawin? Simple lang. Tangkilikin ang sariling atin at pagyamanin ang mayroon tayo bilang isang tao at Pilipino. Bago tayo sumilip sa mga kahanga-hangang katangian ng isang estranghero ay diba marapat muna natin pagtibayin ang ating mga sarili? Ang pagiging Pilipino ay hindi isang kutya o tanda ng pagiging mababa. Bagkus, isa itong paalala na sa kabila ng ilang beses na pagtatangka ng ibang lahi na tayo ay lupigin, patuloy tayong namamayagpag at lumalaban. Ikaw, ako, at lahat tayo ay espesyal, matapang, at katangi-tangi. Tulad ng tatlong bituin sa ating bandila ay walang tigil tayong magniningning. Parang araw na may walong sinag, mabigyang liwanag nawa natin ang ating mga kalahi na tayo ay pwede ring ipagmalaki.