Matapos talakayin ang mga Konseptong Pangkomunikasyon sa nakaraang Modyul, itutuon ang atensyon sa panlipunang aplikasyon ng Komunikasyon. Sa Modyul na ito, tutungo ang talakayan sa Kakayahang Komunikatibo ng mga Pilipino. Dito babalikan ng mga estudtyane ang mga modelo ng Komunikasyon partikular ang SPEAKING ni Dell Hymes at iuugnay ito sa sitwasyong Pilipino, kung saan may tatalakaying apat na Kakayahang Komunikatibo: Linggwistiko, Sosyolinggwistiko, Pragmatik at Diskorsal.
Bagkus sa pagtalakay sa modyul na ito, inaasahan na:
Natutukoy ang mga angkop na salita, pangungusap ayon sa konteksto ng paksang napakinggan sa mga balita sa radyo at telebisyon
Nabibigyang kahulugan ang mga salitang ginamit sa talakayan
Nahihinuha ang layunin ng isang kausap batay sa paggamit ng mga salita at paraan ng pagsasalita
Napipili ang angkop na mga salita at paraan ng paggamit nito sa mga usapan o talakayan batay sa kausap, pinag-uusapan, lugar, panahon, layunin, at grupong kinabibilangan
Magbalik-tanaw sa etnograpiya ng komunikasyon at sa S.P.E.A.K.I.N.G. ni Dell Hymes. Alalahaning hindi maihihiwalay ang kultura sa wika. Maraming kailangang isaalang-alang sa pag-aaral ng wika lalo na kung nakatuon ito sa isang tiyak na lingguwistikong komunidad. Sa pamamagitan ng pagtingin at pagsusuri sa maraming salik ng wika, higit na nahahasa ang kakayahan ng indibidwal sa epektibong komunikasyon o sa pagkakaroon ng lingguwistikong kompetensi.
Bukod sa kultura, masasabing mayroong ugnayan ang wika sa lipunan na gumagamit at pinagmulan nito. Nariyan ang sosyolingguwistiko na mariing naniniwala rito. Nariyan din ang pragmatiks, sangay ng lingguwistika na inaaral ang ugnayan ng anyong lingguwistiko sa komunidad na gumagamit nito. Sa pragmatiks, kasamang bumubuo ng kahulugan ang mga bagay na sinabi at maging ang mga bagay na piniling hindi sabihin. May pagsasaalang-alang din sa pamamaraan ng pagsasabi. Sa pagkakaroon ng kakayahang galugarin ang kahulugan (inferencing), higit na nagiging epektibong mambabasa o tagapakinig ang isang indibidwal.
Bilang Pambungad, talakayin sa klase ang iba't ibang Kakayahang Komunikatibo sa Powerpoint sa ibaba.
Palawakin ang kaalaman tungkol sa balut. Maaaring kausapin ang mga kamag-anak o mga kaibigan tungkol sa sarili nilang karanasan sa pagkain ng balut. Maaari ring panoorin ang dokumentaryo ng Pinas Sarap, isang palabas ng GMA na nakatuon sa mga pagkain sa bansa, tungkol sa balut. Matatagpuan sa ibaba ang dalawang youtube video
Pag-isipan kung ano-ano ang implikasyon ng patuloy na pag-iral ng tradisyunal na paggawa ng balut at ng pagkakaroon ng iba’t ibang luto sa balut.
"Pinas Sarap: Bibingkang abnoy, ano kaya ang lasa?"
"Pinas Sarap: Pinakamatandang balutan sa Pateros,
binisita ni Kara David"
Basahin ang dyornal artikulong “Panimulang Pag-Aaral sa Varayti ng Tagalog-Pateros sa Domeyn ng Balutan” ni Voltaire Villanueva, mula sa Dalumat E-journal. Matatagpuan ang link ng artikulo sa kanan.
Sa pagbabasa ng akda:
Pansinin kung paanong nakabuo ng maraming bagong salita ang mga taga-Pateros dulot na rin ng kanilang industriya ng balutan.
Ano-ano ang sinasabi nito tungkol sa wika at kakayahang komunikatibo ng mga Pilipino?
Tandaan na nakabubuo ng mga pagkakapare-pareho o patterns ang wika na maituturing na homogenous at isang halimbawa ng homogenous na wika ang varayti ng wika. Karaniwang nagkakaroon ng varayti ng wika base sa heograpiya o ugnayang panlipunan. Sa kasong ito, heograpiya ang maituturing na dahilan ng pagkakabuo ng varayti. Nariyan din ang industriya ng balutan na talagang nagpabago sa buhay, pamumuhay, at maging sa wika ng mga taga-Pateros.
Suriin ang sinabi ni Voltaire Villanueva na "Nakatutulong ang pag-aaral sa wika sa ikauunlad ng bansa." Paano niya ito nasabi?