Bilang pambungad sa kursong KOMUPIL, importanteng matukoy (identify) ng estudyante ang iba't ibang Konseptong Pangwika sa konteksto ng Pilipinas. Kabilang dito ang Wika, Kasaysayan ng Wikang Pambansa, Wikang Panturo, Wikang Opisyal. Pundasyon ito upang lalong maunawaan ang iba't ibang sitwasyong pangwika sa Pilipinas na tatalakayin sa mga susunod na modyul.
Bagkus, sa pagtalakay sa modyul na ito, inaasahan na:
Natutukoy ang kahulugan at kabuluhan ng konseptong pangwika, at naiuugnay ito sa sariling kaalaman, pananaw at karanasan.
Natutukoy ang mga pinagdaanang pangyayari tungo sa pagkabuo at pag-unlad ng Wikang Pambansa.
Nasusuri ang mga pananaw ng iba’t ibang awtor sa isinulat na kasaysayan ng wika.
Natitiyak ang mga sanhi at bunga ng mga pangyayaring may kaugnayan sa pag-unlad ng Wikang Pambansa
Natatalakay ang mga domeyn ng wika, upang lubos na maunawaan ang katangian ng wikang pambansa bilang isang intelektwalisadong wika.
Bilang Introduksyon sa kurso at sa mga Pundamental na konsepto sa kursong ito, magkakaroon ng isang synchronous na diskusyon sa pamamagitan ng Zoom/ Google meet/ Webex. Bilang gabay sa diskusyon, matatagpuan sa ibaba ang powerpoint na Mga Konseptong Pangwika na hango sa Sidhaya 11.
Bago magsimula ang Talakayan...
Ipabatid sa klase ang mga sumusunod na katanungan sa ibaba. Maaaring gamitin ang Canvas Discussions para rito, o maaaring ibigay ang tanong sa simula ng talakay upang sagutan ng mga estudyante sa chat habang nakikipagtalakayan. Iugnay rin ang mga sagot ng estudyante sa nilalaman ng aralin:
Bakit mahalaga ang wika sa ating kaakuhan?
Bakit ito mahalaga sa pagbubuklod at kaunlaran ng ating bansa?
2. Panoorin ang Youtube video na "Sa Madaling Salita: Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa"
Mga Punto ng Pagninilay:
Intelektwalisado ba ang Wikang Filipino? Bakit o bakit hindi?
Dapat ba na maging Intelektwalisado ang Wikang Filipino? Kung Oo ang iyong sagot, ipaliwanag kung bakit, at kung ano ang mga susunod na hakbang upang mag-intelektwalisa ang Wikang Filipino. Kung Hindi, ipaliwanag kung bakit hindi ka sumasang-ayon sa Intelektwalisasyon nito.
3. Talakayin bilang synchronous na diskusyon ang Powerpoint na Kasaysayan ng Wikang Pambansa. Balikan ang mga napagnilayang katanungan sa nakaraang aralin. Bilang gabay sa teksto, ipabatid ang mga sumusunod na tanong:
Alin sa mga polisiya/patakaran sa kasaysayan ang pumapabor sa pagkakaroon ng Wikang Pambansa? Alin naman ang mga kumikiling sa dayuhang wika?
Ano ang mga nababatid niyong dahilang nakapaloob sa mga natukoy niyong polisiya? Anu-ano ang mga pinakahayag na impluwensya sa ating mga polisiyang pangwika?