Kaugnay sa nakaraang modyul, tayo'y magtatransisyon mula sa Kasaysayan ng Wikang Pambansa, at Isyu ng Intelektwalisasyon ng Filipino, tungo sa Konseptong Kultural kaugnay sa sarili nating wika. Kung naipakilala na sa mga estudyante ang wika bilang wika, sa modyul na ito'y ipababatid naman ang mas holistiko at mas multi-dimensyonal na aspekto nito. Kailangang maunawaan ng estudyante na nakatali ang identidad ng isang tao sa kanyang wika, hindi lamang sa dimensyon ng bansa, kundi sa dimensyon ng iba't ibang sitwasyon sa lipunang kinababahagian ng estudyante.
Bagkus, sa pagtalakay sa modyul na ito, inaasahan na:
Natutukoy ang mga kahulugan at kabuluhan ng mga konseptong pangwika.
Naiuugnay ang mga konseptong pangwika sa sariling kaalaman, pananaw, at mga karanasan.
Naiuugnay ang mga konseptong pangwika sa mga napakinggang sitwasyong pangkomunikasyon sa radyo, talumpati, at mga panayam sa pamamagitan ng pagmamasid at pagninilay (masid-nilay) sa magkakaibang plataporma sa internet.
Naiuugnay ang mga konseptong pangwika sa mga sitwasyong pangkomunikasyon sa mga tiyak na plataporma sa internet.
Bago magsimula ang synchronous na miting, may maigsing pagbabaliktanaw sa mga natalakay noong unang modyul: Domeyn ng Wika, Kasaysayan ng Wikang Pambansa (partikular ang mga isyu sa mga Polisiyang Pangwika) at Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino. Babalikan ang mga tanong na napagnilayan sa nakaraang modyul at iuugnay ang mga ito sa diskusyon. Unang tatalakayin ang 2-part powerpoint (maaaring talakayin ito ng higit sa isang araw) sa ibaba:
Sa unang bahagi ng powerpoint ay ang pinagkaiba ng Linggwistikong Komunidad at Multikultural na Komunidad, at ang iba't ibang Uri ng Wika.
Sa ikalawang bahagi ng powerpoint ay ang isyu ng Unang Wika, Bilinggwalismo at Multilinggwalismo sa Konteksto ng Pilipino.
2. Pagkatapos Talakayin ito, ipapabasa sa mga estudyante ang artikulong "Sistematikong Multilinggwalismo: Lunsaran ng mas matatag na Wikang Pambansa" ni Feorillo Demeterio III (2012). Pindutin ang pangalan ng artikulo na link sa website kung saan maaaring i-download ang file.
Gabay sa Pagbabasa
Tinatalakay sa artikulong ito ang iba't ibang mga isyu na pumapaloob sa bawat polisiyang pangwika sa kasaysayan ng bansa. Dahil natalakay na sa unang modyul ang Kasaysayan ng Wikang Pambansa, makakatulong ito kapag binasa na ng estudyante ang reading.
Maaari ring tignan ng estudyante ang Powerpoint sa ibaba na buod ng mga key concepts o mga susing konsepto ng artikulo. Isa rin itong biswalisasyon ng iba't ibang peryodisasyong nabanggit ni Demeterio sa artikulo.
Magpokus sa mga sumusunod na katangan habang binabasa ang artikulo. Ang mga katanungang ito ay magiging laman ng susunod na synchronous na talakayan.
- Anu ano ang iba't ibang pwersa na nakakaimpluwensya sa iba't ibang polisiyang pangwika sa Kasaysayan ng Wikang Pambansa? Alin dito ang pumapabor sa Filipino at alin ang pumapabor sa Ingles? Sa iyong palagay, alin ang mas matimbang at bakit?
- Iugnay ang nakaraang talakayan tungkol Linggwistikong Komunidad at Multikultural na Komunidad. Paano ito nagiging isyu kapag Pambansang Wika na ang pinag-uusapan? Nararapat ba na magkaroon tayo ng isang Wikang Pambansa na nakabatay sa Lokal na Wika? Bakit o bakit hindi?
- Paano matutugunan ng pinapanukalang Sistematikong Multilinggwalismo ang suliranin ukol sa Wikang Pambansa? Sa anong paraan ito naiiba sa Monolinggwalismo? Sa Bilinggwalismo? Mas importante pa, paano ito naiiba sa unang dalawang anyo ng Multilinggwalismo?