Ang kursong KPWKP o Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino ay nakapokus sa pananaliksik gamit ang mga isyung tumatalakay sa kultura, kasaysayan, at paggamit ng Wikang Filipino sa mga sitwasyong komunikatibo.
Lilinangin sa kursong ito ang pag-unawa sa konsepto, elementong kultural, kasaysayan, at gamit ng wika sa lipunang Pilipino. Layunin ding maunawaan ng estudyante ng may masusing pagsasaalang-alang ang mga panlingguwistiko, kultural na katangian at pagkakaiba-iba sa lipunang Pilipino at mga sitwasyon ng paggamit ng wika .
Ang mga modyul na ito ay inakda nina Dr. Grace Precious Tabernero, Gng. Emma Sison, G. Joshua Felicilda, at Gng. Anna Abeleda – mga guro sa Departamento ng Filipino ng De La Salle University-Manila. Upang matugunan ang mga pangangailangan ng online learning sa panahon ng quarantine, nilkha ang Online Learning Material (OLM) na ito upang magsilbing gabay sa mga mag-aaral at fakulti na magtuturo ng KPWKP.
Magsisilbing pangkalahatang gabay ang OLM na ito para sa mga estudyante ng DLSU SHS na kumukuha ng KPWKP, sapagkat nakabase sa kurikulum na inilatag ng Departamento ng Filipino ng DLSU ang mga modyul na matatagpuan sa OLM na ito. A
Tungkulin ng mga guro na bilang minimum requirement, ay matalakay ang mga pangunahing babasahin ng bawat modyul. Bagaman may academic freedom din silang magbigay ng mga suplementaryong babasahin para sa talakayan, hindi ito maaaring ipalit sa mga nakalatag na pangunahing babasahin para sa klase.
Bagaman nakahain ang mga materyal, gaya ng powerpoint at mga link, para gamitin ng guro at estudyante, maaaring gumamit ang guro ng sarili niyang powerpoint na patungkol sa parehong aralin, o dili kaya'y modipikahin ang nilalaman ng powerpoint na nakalagay sa OLM (basta't tapat pa rin ito sa paksang tinatalakay).
Tungkulin din ng mga guro na mai-facilitate hindi lamang ang pag-unawa sa mga payak na konsepto ng bawat modyul, kundi pati ang kritikal na pagninilay ng mga estudyante sa mga talakayan hindi lamang upang maintindihan nila ang mga konsepto sa Asignaturang Filipino, upang maunawaan rin ang halaga ng Kritikal na Pagsusuri sa iba't ibang sitwasyong kultural at pangwika sa kontekstong Filipino, at higit pa rito, ang halaga ng kasanayan ng mga estudyante sa Pananaliksik lalo sa Wikang Filipino tungo sa Intelektwalisasyon nito.
Ang bawat estudyante ay dapat pamilyar sa nilalaman ng DLSU SHS Student Handbook.
Tungkulin ng estudyante na pag-aralan ang mga pangangailangan/kahingian ng kurso sa bawat hati ng traymester.
Importanteng maging independiyente sa pagganap ng mga tungkuling akademik subalit ang pakikilahok sa mga kolaboratibong proyekto ay bahagi pa rin ng edukasyong Lasalyano.
Sundin ang mga ispesipikong panuntunang ibinigay ng guro sa klase. Ang mga patakaran ukol sa dedlayn ng mga gawain, attendance, at paraan ng konsultasyon ay nakadepende sa guro.