Si Sara Vui-Talitu ay University Lecturer sa Auckland University of Technology. Nagtapos ng MA (Hons) in English sa University of Auckland at ng Postgradute Diploma in Journalism sa Canterbury University. Naging international reporter (Pacific region) siya sa Radio New Zealand International, 2003-2013; freelance writer at photographer sa Achivers Magazine, 1994-2003; Media Liaison sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), Hulyo 1999-Setyembre 1999; at reporter, direktor, scriptwriter sa Television New Zealand (TVNZ), 1999-2000. Naging sports reporter siya sa Fiji TV at editorial at publications editor sa The University of the South Pacific noong 1997. Bilang mamamahayag, kasama sa mga interes ni Vui-Talitu sa kanyang mga isinusulat ang tungkol sa mga isyu sa Pacific, negosyo, kababaihan, at kalusugan. Bukod sa maikling kuwentong Ma’a, si Vui-Talitu rin ang may-akda ng maikling kuwentong Guilty Rain.
Ang maikling kuwentong Ma’a ni Sara Vui-Talitu ay nailathala sa the third century new Zealand short short stories noong 1999 ng Tandem Press, North Shore City, New Zealand, ISBN 1 877178 48 9, p. 181. Nakalathala rin ito sa teksbuk na English – Year 11, Book 1 ng Departamento ng Edukasyon ng New Zealand. Sa kuwentong Ma’a, isinasalaysay ng nareytor ang tungkol sa kaniyang kapitbahay na si Ma’a at sa ama nito. Isa itong maikling kuwentong binubuo lamang ng 504 na salita subalit naglalaman ng mahahalagang usaping panlipunan tulad ng kahirapan, pag-iral ng mga grupo o gang na kadalasang pinagmumulan ng mga gulo at suliranin sa pamayanan, at mga mamamayang walang sariling tahanan at umaasa lamang sa pabahay ng pamahalaan. Pinapaksa rin nito ang tungkol sa pagkakaroon ng mabuting relasyon sa pamilya, pagmamalasakit sa kapuwa, at kahalagahan ng edukasyon. Dahil ang kuwentong ito ay nakalathala sa isang hayskul teksbuk sa New Zealand at ipinababasa sa mga mag-aaral dahil sa mahalagang temang taglay nito na dapat matalakay at maipamulat sa mga mag-aaral, mahalagang maisalin ito upang mabasa, hindi lamang ng mga mag-aaral na Pilipino kundi ng mga mambabasang Pilipino sa kalahatan. Ang mga suliranin at danas ng mga mamamayan sa iba’t ibang bansa ay hindi nalalayo sa mga suliranin at danas ng mga Pilipino sa sariling bayan.
Graeme, Lay, ed. “Ma’a.” New Zealand short stories. Tandem Press, North Shore City. New Zealand.1999. Print.