Isang popular na pigura ng panitikan, manunulat ng dula at makata si Oscar Wilde noong sinaunang Victorian ng bansang Inglatera. Nagtapos siya sa Unibersidad ng Oxford at nagturo ng panulaan, pagpapahalaga ng sining at naging pangunahing tagapagtaguyod ng mga prinsipyo ng estetikismo. Noong 1888, pitong taon makalipas niyang isulat ang koleksyon ng kanyang tula na pinangalanan niyang Poems, inilimbag naman ni Wilde ang The Happy Prince and Other Tales, isang koleksyon ng mga kuwentong pambata. Bukod sa mga tula, noong taong 1891 nailathala naman niya ang The Picture of Dorian Gray, ang kanyang tanging nobela na binansagang imoral ng mga kritiko Victorian subalit kalauna’y kinilala bilang isa sa mga natatangi niyang gawa. Bilang dramatista o manunulat ng dula, marami sa mga katha ni Wilde tulad ng Lady Windermere’s Fan (1892), A Woman of No Importance (1893), An Ideal Husband (1895) at The Importance of Being Earnest (1895), mga natatanging dula na tinaguriang mga komedyang satirikal. Naharap siya sa matinding kontrobersya noong 1895 na humantong sa pagkakakulong ng dalawang taon. Pumanaw siya sa edad na 46 sanhi ng kahirapan matapos siyang makalaya makalipas ang tatlong taon.
Isa ang kuwentong ‘Ang Masayahing Prinsipe’ sa koleksyon ng mga kuwentong pambata ni Oscar Wilde na inilathala noong Mayo, 1888. Ito ay kuwento ng isang estatwang prinsipe na nasaksihan ang hindi kaaya-ayang mukha ng lipunang kinatatayuan niya at kung paanong ang malasakit, sakripisyo at pagmamahal ay kanyang ibinahagi sa mga nakaranas ng kahirapan sa tulong ng isang ibong layang-layang. Natatangi ang paraan ng naratibong ito sa mga obra ni Wilde na humugot ng inspirasyon sa mga kuwentong pambata ni Hans Christian Andersen at isang obra na tumatalakay sa lipunang naghahari ang kawalang katarungan at hindi pagkakapantay-pantay.. Bagamat magaan at dulog-pambata ang pagkakasalaysay ng ganitong obra, naging mabisang instrumento ito ni Wilde upang ipakita ang realidad ng lipunang Victorian kung saan siya nabibilang. Mahalaga ang kuwentong ‘Ang Masayahing Prinsipe’ bilang satiriko at alegorya na estilo ng panitikan. Ito rin ay kathang nagpapamalas ng iba’t ibang paggamit ng mga istilistikong paraan na kadalasang nababasa sa mga “fairy tale” at nagpapakita ng mga ilang aspekto ng buhay ng may-akdang si Wilde sa pamamagitan kaakit-akit at mayamang imahinasyon na may tagong mga mensahe ng kahirapan, pagkaganid at kaimpokrituhan (Saadia, et.al., 1543). Tunay na isang obra maestrang hindi lamang kumikiliti sa imahinasyon ngunit pumupukaw rin sa kamulatang panlipunan sa likod ng mga naratibo ang kuwentong ito.
Biography. com. https://www.biography.com/writer/oscar-wilde