Si Ryan Edward Chua ay ipinanganak noong Oktubre 9, 1988. Nagtapos siya ng kursong International Journalism sa City University, London. Isa rin siyang kilalang mamamahayag at kasalukuyang prodyuser ng programang Bloomberg Television sa Hongkong. Naging bahagi din siya sa pagbuo ng award-winning na dokumentaryo at magasin tungkol sa Asya na pinamagatang “Assignment Asia” at naging reporter ng ABS-CBN sa loob ng pitong taon kung saan nag-uulat ng mga balita tungkol sa pulitika, negosyo, pangkalahatang balita ng bansa at mga kwentong pang-internasyonal. Bagamat ang akda na kanyang isinulat ay tungkol sa pagiging makabayan at pananatili sa bansa, minabuti niyang magtrabaho at mag-aral sa ibang bansa upang maging mas mahusay na mamamahayag at makabalik sa kanyang “tahanan”.
Maituturing ang akdang “Home” bilang isang akda ng makabayan na naglalarawan sa hangarin at damdamin ng awtor na maipamulat lalo na sa kabataan ang kahalagahan ng pagkilala at pagmamahal sa sariling bayan. Ang akdang ito ay nagwagi ng ikalawang puwesto sa “Kabataan Essay Carlos Palanca Awards” noong 2006. Ang Palanca Awards o Don Carlos Palanca Awards ay isang parangal para sa mga manunulat na Pilipino para pagyamanin ang kanilang pagsulat ng mga akdang pampanitikan. Ang akdang ito ay mahalagang mabasa lalo na sa panahong ito kung kailan naliligaw ang atensyon ng kabataan sa mga impluwensya ng dayuhan at tila nakakalimutang pahalagahan ang kung ano ang mayroon sa sariling bayan dahil sa kasalukuyang hinaharap ng lipunan. Sa panahon ngayon, malaking usapin ang pagkakaroon ng boses ng kabataan bilang mamamayan ng bansa, at maaaring makatulong ang akda na ito upang buhayin at gisingin ang pananaw at hangarin ng bawat Pilipino kung ano ang gampanin natin upang makatulong na maiahon ang ating bayan sa mga suliranin na hinaharap sa kasalukuyan.
Chua, R.E.(2006).Home.https://www.oocities.org/phil_essays/chua/home