Si Dean Francis Alfar ang kinikilalang Father of Philippine Speculative Fiction sa kasalukuyan. Isa siyang manunulat at mandudula sa wikang Ingles. Ang kanyang akdang The Kite of Stars ay napabilang sa The Big Book of Modern Fantasy ng Penguin Random House kahanay ang mga akda nina Gabriel Garcia Marquez, Haruki Murakami, Kelly Link, at Jeffrey Ford. Nakapaglathala din siya ng nobelang pinamagatang Salamanca. Karamihan sa kaniyang akda ay napasama sa The Year’s Best Fantasy & Horror, Strange Horizons, Rabid Transit: Menagerie, The Apex Book of World SF, at sa antolohiya ng Exotic Gothic. Kasalukuyan siyang nakatira sa Maynila, kasama ang kaniyang asawang si Nikki at kanilang dalawang anak na babae na sina Sage at Rowan.
Pamilyar tayong lahat sa kuwento ni Pinocchio, ang laruang batang lalaki na nagkaroon ng buhay at kakaibang karanasan sa mundo ng mga tao. Kung babalikan ang kuwento niya (ayon sa paglalahad ng Disney), maalalang inakala ng tagalikha ng laruan na patay o bumalik na sa pagiging laruan si Pinocchio. Habang nagdaramdam ang tagalikha ng laruan, nanumbalik sa pagiging batang lalaki si Pinocchio. Nagsaya ang lahat, nagkantahan at nagsayawan. Sa eksenang iyon, tinapos ng Disney ang paglalahad ng kuwento ni Pinocchio. Marahil kung dudugtungan ang kuwentong ito, akmang isunod dito ang akda ni Dean Francis Alfar na tumutuon sa istorya ng tagalikha ng laruan, ang The New Daughter. Kung gagalugarin ang mundo ng internet, makikita ang akdang ito sa iba’t ibang blogsites katulad ng Philippine Genre Stories, The World SF Blog, at Mithila Review.
Matapos mabasa ang The New Daughter sa website ng Philippine Genre Stories, nagkaroon ako ng ibang pagtingin sa aking mga magulang. Inisip ko kung ano nga ba ang kanilang mga lihim na dinaramdam. Ano ang kanilang batayan ng kaligayahan? Natatakot ba silang tumanda nang mag-isa? Ano-ano pa ang kanilang gustong gawin sa buhay na mabilis na lumilipas? May kakaibang damdamin at hiwaga ang hatid ng akdang ito kaya minarapat kong isalin ito sa wikang Filipino. Ang bawat salita sa orihinal na akda ay may hatid na kurot sa aking damdamin at nais ko ring maipaabot ito sa mas marami pang kabataan. Sa palagay ko rin, ang mensaheng hatid nito ay madaling maipaaabot sa pamamagitan ng wikang mas nauunawaan ng nakararami. Nawang sa pamamagitan ng salin ng akdang ito, mas maunawaan natin ang pagpapatuloy kahit masalimuot ang pag-iisa at pagtanda.
Alfar, Dean Francis. “Dean Francis Alfar: The New Daughter.” Mithila Review, 26 Dec. 2016, mithilareview.com/alfar_08_16/.