Si Maya Angelou o Marguerite Annie Johnson (1928 – 2014) ay edukador, aktibista, at makatang mula sa Estados Unidos na kilala sa kanyang pagtalakay sa iba’t ibang porma ng opresyon o pang-aapi lalo na yaong may kaugnayan sa lahi at kasarian (opresyong rasyal at sekswal). Bilang aktibista sa kasagsagan ng kilusang Civil Rights sa Estados Unidos, nakatrabaho ni Angelou ang mga historikal na pigura gaya nina Dr. Martin Luther King Jr. at Malcolm X. Ginawaran siya ng Presidential Medal of Freedom noong 2010. Ito ang pinakamataas na gawad parangal para sa mga sibilyan sa Estados Unidos.
Ang tulang “Still I Rise” ay marubdob na tula ng paninindigan sa sangandaan ng pakikibaka laban sa opresyong rasyal, sekswal, politikal, at maging ekonomiko – magkakaugnay na pakikibakang ipinagpapatuloy pa rin ng marami sa kasalukuyang mundong hindi pa rin mabuti para sa nakararami.