Taong 1931 nang binuo ang College Editors Guild na isang organisasyon ng mga patnugot ng mga pahayagang pangkampus. Naging pangunahing layunin ng grupo ang pagpapakilala ng pamamahayag pangkampus sa hanay ng mga estudyante, ang pagkakaroon ng maayos na samahan sa pagitan ng mga pamantasan at ang pagsusulong ng propesyonalismo sa mga miyembrong patnugot nito upang iangat ang kalidad ng pamamahayag pangkampus (Cahiles at Madula, 2012).
Sa paglipas ng panahon, nakaranas ang organisasyon ng mga pagbabago sa tunguhin at layunin nito dahil na rin sa mga oryentasyon ng mga pinuno at mga miyembro nito. Hindi nito naiwasan ang mga politikal na pwersa sa loob at labas ng organisasyon. Lagi’t laging pinag-uusapan sa loob nito ang tunguhin at papel ng pamamahayag pangkampus na hindi lamang dapat sa loob ng mga paaralan kundi maging sa lipunang kinabibilangan nito.
Mas lalong naging matingkad ang organisasyonal, politikal, at ideolohikal na usapin sa loob ng Guild sa panahon ng panunungkulan ng dating Pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos. Bunsod ng paniniwala ng ilang miyembro nito sa mas mataas na tungkulin ng pamamahayag pangkampus sa pagsusulong ng mga panlipunang pagbabago at pakikibaka, nabuo ang League of Editors for Democracy o LEADS.
Ang LEADS
Sa mga huling taon ng dekada 60, nagpatuloy ang mga protesta at lumawak ang mga problemang panlipunan sa bansa. Dahil dito, dumami rin ang mga progresibong mamamahayag pangkampus. Nagpakalat sila ng mga mga babasahin, mga artikulo, editoryal at naglunsad ng mga pag-aaral ukol sa kasaysayan ng Pilipinas, mga problema ng lipunan at maging ang paksa ng komunismo.
At noong Marso ng 1971, itinatag ng mga progresibong miyembro ng CEGP ang League of Editors for the Advancement of a Democratic Society (LEADS), “The LEADS was regarded as a consolidation of contemporary journalistic efforts in Philippine campuses against imperialism, bureaucrat capitalism and feudalism. According to the LEADS, the combined circulation of campus newspapers under its leadership surpassed the circulation per issue of Manila Times and Manila Chronicle (Cahiles at Madula, 2012).”
Inimpluwensiyahan ng mga progresibong mamamahayag pangkampus na miyembro ng LEADS ang iba pang miyembro ng Guild. Sa komemorasyon ng Sigwa ng Unang Kwarto noong 1971, naglabas ang LEADS ng mahigit 150,000 kopya ng mga 8-pahinang tabloyd na naglalaman ng mga artikulong tumutuligsa sa gobyerno ni Marcos dahil sa mga nangyaring kaguluhan sa mga nakalipas na taon at kung ano ang mga dapat gawin ng mga mamamayan. dAt sa sumunod na Kongreso ng Guild, tuluyang nakuha ng mga progresibong miyembro ng Guild ang pamunuan nito at naimpluwensiyahan ang mga miyembrong publikasyon ng organisasyon para makilahok sa pambansa demokratikong pakikibaka.
Tungkol sa May-akda
Si Jose Maria Sison ay kilala bilang isa sa mga tagapagtatag ng Kabataang Makabayan, isang militanteng organisasyong nabuo sa panahon ng dating Pangulo at diktador na Ferdinand Marcos. Pinangunahan din niya ang reorganisasyon at pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas na nakabatay sa kaisipang Marxismo-Leninismo-Zedong. Isa rin siyang propesor, manunulat, makata, at tagapagtaguyod ng pambansa demokratikong pakikibaka hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Ang kanyang pagsuporta sa kilusang kabataan ay nagpatuloy hanggang sa kanyang pagtanda. Sa kauna-unahang Kongreso ng LEADS, binasa niya ang isang talumpati na nagbibigay ng inspirasyon at hamon sa mga mamamahayag pangkampus at kabataang manunulat na isulong ang interes ng mga sektor na marhinalisado at pinagsasamantalahan at gamitin ang kapangyarihan ng pluma sa pagsusulong ng pambansa demokratikong pakikibaka at pagpapalaya.
Narito ang salin ng kanyang talumpati.