Tungkol sa Orihinal na Akda at Pagsasalin
Gumagalugad ang talumpati bilang dagdag sa mga hindi napapansing akdang nasusuri bilang materyal panturo dagdag sa diskursong nagpapataas sa kamalayang historikal. Tumutukoy rin ang hindi na bigkas na talumpati ni dating senador Benigno "Ninoy" Simeon Aquino Jr. bilang swan song sa kanyang simbolikong pagwawakas at nagsilbing mitsa sa pagpapatalsik at pagbagsak ng diktadurang Marcos.
Sa gitna ng sistematikong disimpormasyon at misimpormasyon, paglubog ng kamalayang historikal, kabi-kabilang pagtatwa sa kasaysayan o historical denialism at/o pagyurak sa kasaysayan o historical distortion. Mahalagang bumuo ng korpus ng materyal na may kaugnayan hinggil sa Batas Militar ni Marcos Sr. bilang kontra-alaala sa kagimbal-gimbal na panahon ng diktadura na mailalahok sa mga pampublikong polisiya at kurikula.
Napili kong isalin ang hindi nabigkas o nailahad na talumpati ni dating Senador Benigno S. Aquino, Jr., noong siya ay paslangin sa tarmak ng Manila International Airport, ngayon ay Ninoy Aquino International Airport na, pagbalik niya mula sa Estados Unidos noong Agosto 21, 1983. Tuon at tugon ang salin bilang kagamitang pampagtuturo at/o pagkatuto na maaaring gamitin sa iba’t ibang institusyon lalo na sa mga asignatura sa Komunikasyon, Wika at Kultura, Agham Pampolitika, at iba pa.
Sentral ang usaping ideolohiya at pagsasalin bilang kritikal na lingguwistika sa reproduksiyon ng ideolohiya katuwang ang wika batay kay Simpson sa banggit ni Munday, na tumatalunton sa asimetrikal na relasyong pangkapangyarihang umiiral sa pagitan ng may-akda at mambabasa ayon kay Simpson sa banggit muli ni Munday, na pagtukoy sa tungkulin ng tagasalin sa partikular na proseso bilang ideolohikal na gawain sa simplipikasyon ng parehong ideolohiya at teksto.
Binabaybay naman ni Van Dijk, ang multidisiplinaryong dulog ng ideolohiya na nilalangkapan ng tatlong elemento: 1) kognisyon, 2) panlipunan, at 3) diskurso. Mahihiwatigan sa teoryang ito ang kung paano gumagana ang teksto sa partikular na panlipunan at historikal na konteksto na gamit nito.
Gayundin, tinitingnan ni Lefevere ang ideolohiya na konseptuwal na kalipunan na katanggap-tanggap na salaysay at aktityud sa parehong mambabasa at tagasalin hinggil sa teksto. Sa relasyon ng talumpati, tinitingnan nito ang historikal na kahalagan at/o kaugnayan sa kasalukuyang lipunang Pilipino.
Sa kabuoan, nangibabaw ang pagtutumbas bilang proseso sa pagsasalin bilang kontra-simplipikasyon sa parehong teksto at ideolohikang na pagpapahalaga at kahulugan nito at iwasang sakupin ang teksto bilang instrumento ng paglaya.