Tungkol sa Akda
Hindi maitatanggi na ang pagsasalin ay may napakalaking ambag pagdating sa pagpapalaganap ng mga kaisipan, hangarin, kultura at higit sa lahat, ng katotohanan na mauunawaan ng iba’t ibang tao sa tanging wika nila. Ang saling sanaysay na ipinasa ng tagapagsalin ay sumasalamin sa nakaraan na may napakalaking kaugnayan sa kasalukuyan. Sa gitna ng malawakang disimpormasyon at history revisionism—mabilis na kumakalat, matinding maminsala, nagdudulot ng kamatayan, at nagnanaknak sa isipan na nagsasanhi ng kamangmangan, mainam na patuloy na manindigan ang bawat isa sa pagmumulat ng mga Pilipinong tuluyan nang pinaslang sa kanilang isipan ang mga taong kinitlan ng buhay dahil lamang sa pagpaparinig sa tinig ng mga api at pinigang tinig gayundin ang mga taong nagbuwis ng kanilang mga buhay at pangarap alang-alang sa ikalalaya ng ating bansa mula sa kamay na bakal.
Sa pamamagitan ng saling sanaysay na ito, maaari itong makarating sa maraming bilang ng tao at magsisilbing pangmulat kung ano nga ba ang sitwasyon ng maraming abang Pilipino sa panahon ng Martial Law, kung gaano ito kabangis at kawalang puso, taliwas sa naririnig at nababasa nila sa kasalukuyan na gawa ng mga mapanlinlang na tao. Mapaglilimi rin ng bawat isa na ang katapangan para sa bayan ay walang pinipiling kasarian o edad, nilulusaw ng sanaysay na ito ang nakagawiang paniniwala na ang digmaan ay para lamang sa kalalakihan na yaong sila lamang ang maaaring magmaniobra ng lipunan. Sa panahong paulit-ulit na pinipiling magkamali ng nakararaming Pilipino, magsilbi nawa ang sanaysay na ito upang sumilip sa ilang kongkretong bahagi ng nakaraan at maisapuso ng bawat isa na ang kasalukuyan ay ang bunga ng nakaraang desisyon nating mga Pilipino at ang hinaharap ay mahuhubog sa mga kilos at tugon natin sa kasalukuyan.
Tungkol sa May-akda
Si Sellena Gonzales ay kasalukuyang nagtuturo ng pagbasa at pagsulat sa mga bata sa Maynila. Sa hinaharap ay umaasa siyang makarating sa mga malalayong lugar sa Pilipinas na hindi gaanong naaabot ng edukasyon at maturuan ang maraming bata na magbasa, magsulat at magkaroon ng malalim na pagpapahalaga sa mayamang kasaysayan ng kanilang sariling bansa.
Tungkol sa Proseso ng Pagsasalin
Sa totoo lamang ay wala na nga yatang mas uuna pang hakbang sa pagsasalin kung hindi ang pagbasa. Panahon kasi ng paggunita sa Martial Law nang ang sanaysay na ito ay isalin. Sinikap ng tagapagsalin na maghanap ng babasahin partikular na ng sanaysay na pumapatungkol sa panahon ng Batas Militar. Nagbasa ng mga aklat, dyornal at hanggang sa makadako sa mga website na naglalaan ng mga libreng akses sa mga sanaysay at iskolarling artikulo. Binigyang-pansin din ng tagapagsalin ang bilang ng mga salita upang masukat kung ilang araw ang gugugulin sa pagsasalin nito. Binasa at pinaghambing ang mga babasahing napatutungkol sa paksang hinahanap. Hanggang sa makita ang materyal na isinumite ngayon.
Bago ganap na sinimulan ang pagsasalin ay binasa, inunawa at nagsagawa ng masisinsing pagbasa upang maunawaan nang ganap ang babasahin. Sa gayong paraan ay maisasalin ito nang wasto at walang kamalian sa diwa. Kinonsidera din ang iba’t ibang salik, layunin at teorya ng pagsasalin. Sa pamamagitan ng mga ito ay maaaring mag-iiba-iba ang tunguhin ng salin. Sa usapin ng layunin, isa lamang ang pinakanilalayon ng tagapagsalin, at ito ay makarating sa maraming bilang ng mambabasang Pilipino, madali nilang maunawaan upang sila ay maging malay sa kung ano nga ba ang kalagayan ng mga nakararaming Pilipino sa panahon ng Batas Militar, isa na rin itong paraan upang malabanan ang disimpormasyon at history revisionism. Sa usaping salik, hindi gaanong naging mahirap ang pagsasalin, bagaman wikang Ingles ang orihinal na kinasusulatan ng akda ay Pilipino naman ang manunulat at ang nilalaman mismo ng sanaysay ay karanasang Pilipino kung kaya’t hindi gaanong naging hamon ang paggamit ng Transference Analysis o Formal Equivalence bilang metodo ng pagsasalin.
Sa yugto ng pagsasalin, mapapansin na may iba’t ibang mga pamamaraan ang inilapat sa pagsasagawa nito, muli ang kadahilanan dito ay ang pag-uugat sa layunin ng tagapagsalin. May pagkakataong naganap ang pagpapalit ng simuno at panaguri ng SL at TL dahil alam naman nating laging nauuna ang simuno sa panaguri sa wikang Ingles habang sa Filipino ay mas karaniwan ang anyong panaguri+simuno, ang ganitong paraan ay isinagawa upang mas maging natural ang salin. Naganap din ang tinatawag na Naturalisasyon ni Jamilosa-Silapan o ang pagkuha ng mga salita sa Ingles na binaybay ng pa-Filipino. Sa pag-usad ng pagsasalin ay nagkaroon din ng pagkakaltas dahil may mga bahagi ng akda na kailangang mas pasimplehin at maibibigay naman ang ganap na mensahe kahit ito ay aalisin. Ang pagdaragdag naman ay umiral din upang ang mga bahaging ito ay maging natural. Makikita ring naganap ang modulasyon, functional na katumbas, paglilipat, kumpensasyon at pagpapahusay. Matapos maisagawa ang pagsasalin ay muli itong binasa at tiniyak na ang salin ay nakuha ang tiyak na mensahe ng orihinal na akda, magbibigay ng parehong impresyon at pagtanggap sa mga mambabasa, mapairal ang prinsipyo ng ekonomiks o pagiging matipid at hindi masalita.
Sa pagsasalin sa pamagat ng akda ay hindi ito ginawang literal, dahil kung ito ay gagawin, tiyak na hindi masasapul ang mensahe ng akda. Liban pa rito ay magiging katawa-tawa ito at mawawalan ng kabuluhan. Huling isinalin ang titulo sapagkat inunawa muna ang kabuoan ng teksto upang masipat at masuri kung bakit ganito ang naging pamagat ng akda. Sa pagtatapos ng pagbasa ay tinumbasan ang pamagat batay sa kung ano ba ang nais ipunto ng manunulat, kung ano ang kanyang nais na maiparating sa mga mambabasa ngunit sa paraang lilikha ng kuryosidad sa mga makababasa ng pamagat nito sa salin. Dahil ang pagpupugay sa mga kababaihan ay malawak, maaaring unang isipin na ang dinarakila sa sanaysay ay ang kakayahan ng kababaihan na magsakripisyo, magdalantao, mag-alaga ng pamilya, o kaya naman ay kumalinga ng minamahal, ngunit sa akda ay mas malawak at malalim pa rito at may pagtitibag sa lumang imaheng ikinakabit sa mga babae na siyang nagkakahon sa kanilang kakayahan at kadakilaan sa lipunan.
*Nagwagi ng karangalang banggit sa Timpalak Salin ng mga Artikulong Kaugnay ng Martial Law bilang bahagi ng Pagdiriwang ng Pandaigdigdigang Araw ng Pagsasalin, Setyembre 30, 2022, PATAS, Inc.