Tungkol sa Akda
Ang nasabing sipi ay mula sa huling kabanata ng Marcos Martial Law: Never Again, libro ni Raissa Robles. Ninais kong isalin ang siping sanaysay mula sa kanyang libro dahil mahalaga ang ambag nitong karunungan at lente ng analisis sa paghahari at paggamit ng tatlong ebidensya ng karahasan: pagmamalupit, impunidad, at amnesya. Nakadaupang palad ko si Robles noong 2017 sa kasagsagan ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at doon ko siya nakausap tungkol sa kanyang bersiyon ng kasaysayan ng Batas Militar. Ipinatimo niya ang terminong impunidad bilang namamayaning sitwasyon sa kasalukuyan. Ang kawalan ng hustisya at tamang paglilitis sa mga biktima ng drug war noong rehimeng Duterte ay kahalintulad ng mekanismong ipinatupad ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. sa panahon ng Batas Militar. Kaalinsabay nito ang pagkalat ng maraming troll at mga pekeng impormasyon sa social media na siyang pinakadambuhalang impluwensyang nagpapagana sa istruktura ng paglimot sa kasalukuyang lipunan. Ito ang pinakamalaking kalaban ng kalakhang masang Pilipino sa kasalukuyan. Iniulat din ng Rappler.com na may kumalat na pekeng balita sa isang pekeng website noong Hulyo 6, 2022 na banned ang librong ito sa 18 bansa kasama ang Estados Unidos, United Kingdom, at Japan. Isa ang librong ito sa mga naging biktima ng malawakang redtagging ng mga librong kritikal sa administrasyon maski pa man may reputasyon itong nanalo sa isang patimpalak.
Marahil nakapagtataka na ang wakas ng libro ang nakasipi at isinalin dito. Pinili ang siping iyon dahil sa halaga ng ambag ng kaisipang naroon sa teksto tungkol sa mga katotohanang naganap noong Batas Militar, pagtotortyur sa detenidong politikal, malawakang korupsyon, at kawalan ng hustisya. Namamayani ayon kay Robles ang sakit sa paglimot o ang mas malalang penomena ng amnesyang historikal. Isinalin ang akdang ito sa Filipino upang makita muli at maipaliwanag sa mga kabataan at mga kapuwa ordinaryong Pilipino ang halaga ng katotohanan at ng hindi paglimot sa mga aral ng kasaysayan. Napatunayan na inianak ng demokrasya ang diktadurya at tanging sa pamamagitan ng pagbabalik at pag-unawa ng may kritikal na pagtingin sa kasaysayan, makikita ang liwanag sa dilim.
Tungkol sa May-Akda
Si Raissa Robles ang awtor ng librong Marcos Martial Law: Never Again (2016) na nagwagi ng National Book Award noong 2017 sa kategoryang Di-Katha. Siya rin ang awtor ng biyograpiya ng dating Pangulong Elpidio Quirino, ang To Fight without End: The Story of a Misunderstood President, na isang pag-aaral tungkol sa korupsiyon ng estado. Isa siyang pabliser, webmaster, awtor, investigative journalist, at manunulat ng mga balita sa blog. Siya rin ang senior Manila correspondent ng Radio Netherlands, at ng South China Morning Post (HongKong), ang pinakamatandang pahayagan sa Asya. Minsan ay lumalabas ang kanyang mga artikulo sa website ng ABS-CBN. Karamihan sa kanyang mga akda ay naisusulat niya sa kanyang opisyal na website, ang raissarobles.com – inside Philippine politics and beyond, hinirang na “Best Society and Politics Blog in the Philippines” sa 2015 Bloggy Awards, na inisponsor ng Philippine Daily Inquirer, ABS-CBN, at Rappler. Espesyalisasyon niya ang mga paksa tungkol sa politika, ugnayang pandaigdigan, negosyo, relasyong Beijing-Manila, peace talks, radikalismo ng mga Muslim, at rebelyong Moro. Naging kontributor din siya sa Times of London, The Mail Online, BBC Radio, the Economist Intelligence Unit, Reuters, Riyadh Daily Newspaper at Asiaweek. Siya rin ay aktibong naglalathala ng kanyang mga saloobin sa kanyang Twitter, ang @raissawriter.
Tungkol sa Pagsasalin
Pinili ko ang huling bahagi ng libro ni Robles dahil tumatak sa akin ang huling kabanata niya na tungkol sa impunidad at amnesya. Dito sa huling kabanata ipinaliwanag ni Robles na nagpapatuloy ang galamay ng mga Marcos sa burukrasyang iniwan nito kaya maski pa man pinatalsik sila, nanatili ang ugat ng kanilang kapangyarihan sa loob ng pamahalaan. Kung gayon, hindi na nagtataka ang mananaysay/historyador tungkol sa inaasahang pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan. Ang kanilang pagbabalik ang siyang magwawakas sa mito ng pagbabalik ng mga Marcos at kung gayon ay tatasahin at pupunahin batay sa kasalukuyan. Ang kawalan ng paghingi ng tawad sa mga biktima ng Batas Militar ng kasalukuyang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang siyang pinakaproblema sa kasalukuyan sapagkat sila rin ang naghaharing-uri at nagpapatakbo ng pamahalaan. Ipinapakita ni Robles ang kanyang pagtatasa sa kasaysayan ng Batas Militar upang matutunan ng mga susunod na henerasyon na hindi na ito maulit pang muli at hindi rin mabaon sa limot.
Pinakamahirap na proseso ang pagpipili ng sipi. Sa gana ng isang patimpalak, nasa isipan pa noon kung ano kaya ang dapat piliing sipi na siyang aangat sa dami ng mga magpapasa. Itinuturing ng tagasalin na isang malaking balakid ang pagpili ng sipi sapagkat kailangang putulin ito sa nakatakdang word count. Bilang gabay ang bilang ng salita at sa motibasyon na maitampok sa madla ang salin sa Filipino ng akdang ito ni Robles, napili ng tagasalin ang huling dalawang pahina ng huling kabanata ng kanyang kasaysayan ng Batas Militar. Dito sinusuma ni Robles ang kanyang mga punto at kung saan na patungo ang Pilipinas habang inililista at ipinapaliwanag niya ang balakid at mga malalaking hadlang upang makamit ng Pilipinas ang kasarinlan mula sa mga sugat ng nakaraan. Tinangka kong pagbalansehin sa pagsasalin ang pagtutumbas at panghihiram. Ang dalawang metodong ito ang siyang naging gabay ko, sa diwa ng tunguhing magkaroon ng madulas na pagsasalin ng mga salita mula sa simulaang wika tungo sa isinalin na wika habang ito’y pinakikinggan sa wikang Filipino. Itinuturing kong pampanitikan ang uri ng pagsasaling ito dahil hindi ko sinadyang tumbasan ito ng direktang salin mula sa Ingles tungong Filipino. Isang halimbawa ang pagtutumbas ng salitang “fairy tale” na walang direktang salin sa wikang Filipino kaya ang naisip kong gamitin ay salitang “pantasya” na hiram din mula sa wikang Ingles na “fantasy” o sa Kastila na “fantasía.” Nariyan din ang isa pang halimbawa, ang “the construction of detention camps” dahil wala tayong detention camps sa Pilipinas na tulad ng ginagawa ni Hitler sa Alemanya noong Holocaust, isinalin ko ang parirala sa pamamagitan ng paggamit ng terminong Filipino para sa mga nakukulong dahil sa politikal na dahilan kung kaya ang naging salin ay “mga kampo para sa mga detenidong politikal.” Gayundin, naging mahalaga sa akin na isalin sa wikang Filipino ang mga direktang sipi sa Ingles tulad ng sipi kay William Overholt. Pinanatili kong katumbas ng orihinal ang mga bahagi tulad ng datos sa ekonomiya.
Pinakamalalaking balakid ang bilang ng mga salita kung kaya’y napilitan din akong magbura ng mga sipi. Isang bahagi ng binurang sipi ang makikita rito: “Iminumungkahi ng ilan na ang 1972 ay halos 40 taon na ang nakalilipas, na panahon nang kalimutan ang lahat…” Sa orihinal na libro ni Robles, ito ay “Some suggest that 1972 is more than 40 years in the past, that it is time to move on, that many decades have elapsed since the atrocities happened” (Robles 220; akin ang pagbubura). Napilitan akong burahin ang sipi dahil naisip kong umuulit lamang ang ideyang ito at dahil na rin sa katipiran ng bilang ng salita na hindi dapat humigit sa isang libong mga salita, sinadya ko nang burahin ang bahagi na iyon. Isa pang hamon na hinarap sa pagsasalin ang pagtutumbas din ng mahahabang pangungusap sa Ingles o mga compound at complex sentences. Narito sa sipi ang paghahati ng dalawang pangungusap na tungkol sa mga sinungaling na loyalista ni Marcos, “Sa ngayon, ang ilang mga loyalista ni Marcos ay umaabot sa labis na pagtatanggol sa kalupitan ng pagtotortyur sa pamamagitan ng bastos at malupit na pagkikibit-balikat tuwing nagpapaliwanag. Sinasabi nila na nararapat lamang sa mga biktima ang ginawa sa kanila, na sila ay matigas ang ulo, lumalabag sa batas at terorista.” Kapag ibinalik-salin ito sa Ingles, magkaibang-magkaiba sa orihinal dahil isang pangungusap lang ang orihinal, “Today, some Marcos loyalists go as far as to defend the atrocity with the crude and viciously ignorant explanation that the torture victims had it coming to them, that they were matigas ang ulo (hardheaded), lawbreakers and troublemakers” (Robles 219). Makikita dito ang sinadyang pag-angkop sa diwa ng pangungusap sa kung paano ito ipaliliwanag sa wikang Filipino lalo na ang walang direktang salin na “crude and viciously ignorant explanation” sa Ingles kung kaya humanap na ako ng idyoma na ginagamit sa wikang Filipino. Makikita rin ito sa salin ng “troublemakers” na kung isasakonteksto sa kasalukuyang panahon ay mula sa lente ng administrasyon at naghaharing-uri kung saan naririnig lagi sa balita na itinuturing agad na “terorista” ang sinomang mag-isip ng kritikal laban sa pamahalaan.
Ginagabayan sa kabuuan ang pagsasalin ng pagiging matapat sa kultura, kasaysayan, at wikang Filipino. Maski man may mga hiram na salita sa Ingles tulad ng mga pangngalang pantangi, hindi ito nagiging sagka o balakid sa pagbabasa ng madulas sa wikang Filipino. Sa huli, ipinahihiwatig ng proseso ng pagsasalin ang halagahan ng pagtatapat sa pagsasalin. Isinasaalang-alang ng tagasalin ang pagiging tapat sa awtor, pagiging tapat sa kulturang Filipino, at pagiging tapat sa wikang Filipino. Dagdag na iisipin din ang pagtatapat sa kasiningan ng pagsasalin sapagkat isa pa rin itong anyong malikhain at ang anomang desisyon ng tagasalin ay malaki ang magiging epekto sa pagtanggap ng mga bumabasa nito. Iniisip ng tagasalin na ang panghihiram, pag-angkop, pagtutumbas, pagbubura, pagpili at pagtatapat ay mahahalagang mga gawain na nakaugat din sa diwa ng pagsasalin mismo. Ipinapakita ng salin kung paano umiiral ang kaisipang Pilipino at kung ano ang dapat gawin ng mga Pilipino sa hinaharap ngayong nalaman na ang mga katotohanang ito. Ang magkibit-balikat na lang talaga sa pagbunyag ng mga salitang ito ang siyang pinakamalaking pagtataksil sa ating bayan.
*Nagwagi ng karangalang banggit sa Timpalak Salin ng mga Artikulong Kaugnay ng Martial Law bilang bahagi ng Pagdiriwang ng Pandaigdigdigang Araw ng Pagsasalin, Setyembre 30, 2022, PATAS, Inc.