Bienvenido Lumbera (April 11, 1932 – September 28, 2021) – makata, manunulat, at mandudula. Higit siyang kilala bilang isang makabayang manunulat na nagsulong ng isang kilusan sa paggamit ng wikang Filipino sa larangan ng panitikan, kultura, at edukasyon. Ginawaran ng Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature and Creative Communications noong 1993 at itinanghal bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2006. Bilang isang edukador, kinikilala ang kanyang mga pagpupunyaging ito sa pagpapaunlad ng isang larangan ng pag-aaral sa akademya na kilala bilang Araling F/Pilipino o ang Philippine Studies.
Ngunit bukod sa mga kontribusyong ito, masigasig niyang ipinagpatuloy ang tradisyon ng Kilusang Propaganda at Himagsikang 1896. Kahanay siya ng mga aktibistang artista at manunulat na nagtatag ng Panulat Para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA) at aktibong nakisangkot sa kilusang lihim sa kasagsagan ng paglaban sa Batas Militar. Naaresto siya ng militar at naging bilanggong pulitikal sa Fort Bonifacio noong 1974. Pagkalaya’y naglingkod bilang Editor ng Sagisag (1975-1979), Diliman Review (1978-1985), at naging bahagi ng kaguruan ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1976.
Sa layuning maitanghal ang kamandag at bisa ng kanyang mga mabalasik na pagsusuri habang naninibasib ang pangil ng Batas Militar, pumili ng isa niyang sanaysay na kumakatawan sa “dugo, pawis, at luha” ng dekada at nagpapahayag ng nag-uumapaw na panawagan na wakasan ang naghaharing diktadura: ang “Defining a Decade” (Lumbera, 1979).
Mahalagang maisalin ang sanaysay na ito upang maunawaan ng mambabasa sa kasalukuyang panahon ang pagsulong ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino mula 1972-1979 laban sa batas militar ng diktadurang Marcos. Isiniwalat nito ang kahungkagan ng Bagong Lipunan at ang padausdos na imahe ng Imperyalismong US na pangunahing sumusuporta sa bangkaroteng mala-kolonyal at malapyudal sistema ng naghaharing uri sa panahong iyon. Tinalakay ang iba-ibang antas at lalim na naabot ng kilusang masa – ng MNLF, NPA, ng kilusang manggagawa at magsasaka, ng maralitang taga lungsod, ang politikal na oposisyon ng mga Filipinong nakabase sa US, at ang aktibong pakikisangkot ng mga pari at madre sa mga usaping panlipunan.
Makabuluhan ang sanaysay na ito dahil pinatunayan ni Lumbera ang katotohanang pangkasaysayan na mula sa Unang Sigwa -- nagpatuloy sa pamumuo ang unos sa loob ng pitong taon at tatlong buwan ng dekada sitenta. Ang sigwang ito ang nagkondisyon sa pagbabangon ng sambayanan upang wakasan ang paghaharing militar at mapatalsik ang diktador na si Marcos sa abanteng bahagi ng dekada otsenta.
Anuman ang hangarin, naglilingkod ang pagsasalin sa isang tiyak na ideolohiya, estetika, at interes ng mga institusyon at kilusan na kumakatawan sa isang takdang kaayusang pampanitikan at panlipunan.
Ngunit hindi nananatili sa isang hungkag o nyutral na espasyo ang gawain sa pagsasalin. Upang maigpawan ang mga limitasyon ng umiiral na kumbensyon, dapat magsulong ng mga radikal aktibistang hakbangin ang tagasalin upang igiit ang mas mulat at kritikal na pag-unawa sa lipunang ginagalawan. Kaya’t mula sa antas ng pagpili ng akda, nakasandig ang pagsasalin ng sanaysay ni Lumbera sa adbokasiya ng “aktibismo sa pagsasalin”:
a movement which is critical of the traditional assumption of the neutrality of translators and interpreters and calls for social political engagement in both the theory and practice of translation and interpreting, placing them all at the service of the whole society and not just of those who wield power and control.” (John Laver and Ian Mason, 2020).
Naninindigan ang adbokasiyang ito sa mapagpalayang tungkulin ng wika at naggigiit ng espasyo ng pagbabalikwas laban sa arbitraryo-simbolikong restriksiyon ng global na dominasyon ng Ingles at pulitika ng wika.
Sa pangkalahatan, sa pagsisikap na mapanatili ang estetikong katangian, maiwasan ang distorsyon, at maipahayag ang wika at nilalaman ng orihinal na teksto -- inilapat sa kalakhan ng teksto ang mga kumbensyunal na hakbangin ng literal, malaya, at idyomatikong paraan ng pagsasalin. Nangangahulugan ito ng pagsasalin batay sa pinakamalapit na katumbas na leksikal, semantikal, at gramatikal na konstruksyon mula wikang Ingles tungo sa wikang Filipino.
*Nagwagi ng unang gantimpala sa Timpalak Salin ng mga Artikulong Kaugnay ng Martial Law bilang bahagi ng Pagdiriwang ng Pandaigdigdigang Araw ng Pagsasalin, Setyembre 30, 2022, PATAS, Inc.