Ang kuwentong “Kamatayon sang Isa ka Kalye” (Ang Kamatayan ng Isang Kalye) ay nagsilbing talinghaga at tagapagdala ng kanyang aklat na Ang Kalye nga Wala sing Kamatayon: The Palanca Award-winning Short Stories of Leoncio P. Deriada na inedit ng kanyang anak na si Dulce Maria V. Deriada at nilathala ng Division of Humanities ng UP Visayas (2019) at UP Press (2022). Ang kuwento ay nanalo ng Ikalawang Gantimpala sa Palanca Memorial Awards for Literature sa kategoryang “Sugilanon” (Maikling Kuwento) sa Hiligaynon noong taong 1999 at isinalin ng may-akda bago siya nagkasakit at tuluyang namayapa noong 2019 para sa publikasyon ng kanyang koleksiyon ng mga nanalong maikling kuwento sa Palanca.
Bilang isa sa mga akdang hindi lang napasama, ngunit naging lunsaran pa ng talinghaga ng kanyang mga kuwento at gayundin ng kanyang buhay, lubhang napakahalaga ng posisyong inaako ng “Kamatayon sang Isa ka Kalye” sa mga akdang sinulat ni Deriada. Ayon nga sa isang manunulat na si John Iremil Teodoro sa kanyang Introduksiyon sa aklat na Ang Kalye nga Wala sing Kamatayon, “Deriada is the legendary writer and mentor who cleared the way for young writers especially in Western Visayas. He wrote in the five languages of the region—Aklanon, Hiligaynon, Kinaray-a, Visayan-laced Filipino, and English. He is the proverbial road that will never die, a ‘kalye nga wala sing kamatayon,’ not only for Visayan writers but also for other Filipino writers.”
Tungkol sa May-akda
Si Leoncio P. Deriada ay tubong Barotac Viejo, Iloilo ngunit lumaki at nakapag-aral sa Davao City. Nagtapos siya sa mga kursong A.B., M.A., at Ph.D. in English sa Ateneo de Davao, Xavier University, at Silliman University, ayon sa pagkabanggit. Nagsusulat siya sa mga wikang Hiligaynon, Filipino, Kinaray-a, Cebuano, at Ingles at ang kanyang mga akda ay mababasa sa iba’t ibang dyornal, antolohiya, at magasin. Siya ang may-akda ng mga koleksiyon ng maikling kuwento na The Week of the Whales and Other Stories, Night Mares and Other Stories of Fantasy and Horror, at The Road to Mawab and Other Stories. Nagtamo siya ng mga gantimpala at parangal mula sa iba’t ibang institusyon tulad ng Cultural Center of the Philippines, National Commission for Culture and the Arts, Unyon ng Manunulat ng Pilipinas, at Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Siya ay Professor Emeritus ng UP Visayas at aktibong manunulat at tagapayo ng Hubon Manunulat bago pumanaw noong 2019.
Tungkol sa Pagsasalin
Maaaring sabihin na magkalapit at magkapatid ang wikang Hiligaynon at Filipino. Sa maraming pagkakataon, maaaring panatilihin ang sintaks ng Hiligaynon sa pagsasalin ng pangungusap sa Filipino. Ito ang unang proseso na ginawa sa pagsasalin. Pansinin halimbawa ang pangungusap sa Hiligaynon na, “Natak-an na siya sa iya pangabuhi sa umá.” Maaari itong isalin sa “Nababagot na siya sa kanyang buhay sa bukid.” Sa ganitong uri ng halimbawa naitatanghal ang malapitan at salita-sa-salitang tumbasan sa gawaing pagsasalin.
Ngunit sa prosesong ito ay masasabing may nawawala sa orihinal na akda—ang kultura ng unang wika. Marahil may pagkakaiba ang “umá” sa “bukid;” ang “umá” ay nagbibigay-suhestiyon ng isang gawain—ang pag-umá o pagsasaka, samantalang ang “bukid” ay mas tumutumbok sa pisikal na katangian ng lugar—ang pagiging mataas o elevated na bahagi. Idagdag pa natin na sa isang mambabasa na mula sa Kanlurang Bisayas, ang salitang “bukid” ay katumbas ng salitang “bundok.” Sa ganitong argumento, at para mapanatili ang kultural na integridad ng salin, mas mainam na panatilihin ang mga kultural na konsepto tulad ng “umá.”
Ang pagsasalin kung ganoon ay maituturing na nagbibigay ng pagpapahalaga sa kultura ng pinaghanguang wika. Sa gayon, maaari ring idagdag ang iba pang gawain tulad ng pagpapanatili ng mga kultural na ekspresyon (hal. gid at kuno) at ng mga unlapi tulad ng mag/maga at nag/naga na maaaring ipanghalili sa unlapi/gitlapi na “um” ng Tagalog-Filipinong varyasyon. Sinunod rin ang praktis sa Hiligaynon na walang pag-uulit ng pantig sa loob ng salita tulad ng sa mga salitang “malimutan” imbes na “malilimutan” sa Filipino.
Kapansin-pansin rin ang modernisadong paggamit ni Deriada ng wikang Hiligaynon: ang pagsulat sa maiikling pangungusap at palagiang paggamit ng pangatnig na kag (at). Sa estilong ganito naipapakita niya ang ‘bilis’ ng daloy at transisyon ng naratibo sa wikang inaakala ng karamihan na nakaugat sa ‘mabagal’ na buhay ng baryo at probinsiya.
Maeengkwentro rin kung minsan ang mga matalinghagang pariralang mahirap isalin sa Filipino. Halimbawa na lamang ang pahayag na “katam-is sang lumay” na maaaring isalin sa Filipino bilang “matamis na gayuma” na hindi uubra bilang salin dahil negatibo ang pananaw ng Tagalog-Filipino sa salita; mas tumpak ang kontekstuwalisadong “malakas ang gayuma” kung ganoon. Subalit kung pinanatili ang salitang “lumay,” na mas tumutukoy sa karanasan, maaari itong umubra, kaya pananatilihin ang kultural na salita at magiging “matamis na lumay.”
Ang pagsasalin kung ganoon, ay sumasandig sa kultural na pananaw sa gawaing pagsasalin. Sinusubukan nitong panatilihin ang yamang kultural at lingguwistikong “nuances” na napapaloob sa bawat wika. Sa gayon, makikita at mararamdaman ng mambabasa kung ano ang naiiba o natatangi sa kultura at wikang nagluwal ng tekstong isinalin.