Tungkol sa Akda
Ang ‘What The Mapmaker Ought to Know’ ay kabilang sa The Cartographer Tries to Map a Way to Zion (2014), ikaapat na koleksiyon ng tula ni Miller. Ito ay binubuo ng mga tula kung saan ipinapakita ng makata ang tunggalian ng dalawang sistema ng kaalaman, at ang kanilang paraan ng pag-unawa sa isang lugar. Ang kartograpo ay katambal ng kolonisador, at ang paggawa ng mapa ay proyekto ng imperyo, sa kasong ito, ang British Empire. Sumasalungat naman ng pigura ng Rastaman sa mga mungkahi ng kartograpo, ipinapaalala nito na hindi sapat ang kanyang mga kasangkapan para lubos na maunawaan ang islang tinatangkang sakupin, sa kasong ito, ang Jamaica. Ang sagutan ng dalawang personang ito ang pinakahaligi ng koleksyon, habang ang ‘What The Mapmaker Ought to Know’ ay kabilang sa mga tula na kayang tumayo sa kanilang sarili pero sumusunod pa rin sa pangkalahatang tema ng libro. Nanalo ang The Cartographer Tries to Map a Way to Zion ng prestihiyosong Forward Prize for Poetry para sa taong 2014. Mahalagang maisalin ang mga tula ni Kei Miller sa Filipino, dahil direkta tinatalakay nito ang ugnayan ng wika at kaalaman, ng lugar at ng tao, at negosasyon o di kaya banggaan sa pagitan ng pamana ng kolonisasyon at patuloy na pag-iral ng katutubong pag-unawa sa mundo.
Tungkol sa May-Akda
Si Kei Miller ay ipinanganak sa Jamaica noong 1978. Siya ay nakapagtapos ng MA in Creative Writing sa Manchester Metropolitan University at PhD in English Literature sa University of Glasgow. Ang kanyang unang koleksyon ng mga tula ay King of Empty Bellies (Heaventree Press, 2006). Nasundan ito ng There Is an Anger That Moves (2007), A Light Song of Light (2010), The Cartographer Tries to Map a Way to Zion (2014), In Nearby Bushes (2019), at bilang editor, New Caribbean Poetry: An Anthology (2007). Lahat ay nilimbang ng Carcanet Press, isang kilalang independent publisher ng mga tula sa United Kingdom. Si Miller ay mayroon ding mga nobela at koleksiyon ng mga sanaysay.
Tungkol sa Proseso ng Pagsasalin
Ang diyalogo ng mga tula sa koleksiyon ay binibigyang-diin sa antas mismo ng wika– nakasulat sa ‘Queen’s English’ ang parte ng kartograpo at Rastaman naman ay nagpapahiwatig gamit ang Jamaican Patios. Sa isang banda, mas naging madali ang pagsasalin sa ‘What The Mapmaker Ought to Know’ dahil ito ay kabilang sa nauna. Unang mapapansin ay ang pagbibigay ni Miller ng katangian sa mga bagay na hindi naman ito kayang gawin; ang mga bagay ay hindi mapalagay, umuupo ang tanawin, ang mga palatandaan ay lumilipat. Para mas maitawid ang impresyon na buhay ang isang lugar, pinili ko ang mga pandiwa na may aktibong konotasyon o tunog; ang pose ay tindig kaysa sa postura, ang unruly ay naghihimagsik kaysa sa magulo, ang unfixed ay kumakalas kaysa sa hindi naayos, at ang slip ay puslit kaysa sa madulas o mabitawan. Sa ikalawa mula sa huling linya, isinalin ko ang place bilang bayan, dahil nagkataon na pareho itong tumutukoy sa lugar, sa mga tao, at sa relasyon sa pagitan ng mga tao. Sa tingin ko, ang desisyong ito ay naaayon sa malikhaing proyekto ni Miller.