Sa tulang “I Wandered Lonely as a Cloud” ni William Wordsworth, makikitang ulila ang nagsasalitang “ako” kaya siya naglalakbay sa labas, sa kalikasan – hanggang sa matagpuan niya ang napakaraming narsiso na nasa tabi ng isang look at ilalim ng mga puno. Para sa “ako,” inilalarawan niya ang mga pumapagaypay na narsiso bilang mga nagtatanghal ng kanilang sayaw para sa kanya. Dahil sa tagpong ito, nagkaroon ng lunas ang kanyang pag-iisa. Ginagamit ng “ako” ang kanyang imahinasyon upang magkaroon ng akses siya sa lunas na ito. Dito rin makikita ang pagtatagpo ng kalikasan, alaala, at imahinasyon – mga sangkap na lumulutas o nagbibigay-lunas sa nalulumbay na “ako,” kabilang na rin dito ang mambabasa ng tula.
Mahusay na tinatalakay ng akda ni Wordsworth ang karanasan ng pag-iisa. Bagaman simple ang wika at imahen na binubuo ng kanyang akda, makikita ang lalim ng saysay at diwa ng paksang dinadalumat ni Wordsworth, lalong-lalo na sa pagtalakay nito sa kahalagahan ng gunita at imahinasyon, maging ang relasyon nila sa pag-iisa. Para sa mga mambabasa, iskolar, at manunulat na babasa at mag-aaral nito, patuloy ang akdang ito na magbibigay ng iba-ibang ideya kung paano tatangkain ang pagdalumat sa mga nabanggit na konsepto, kasama na rin ang paggamit sa kalikasan bilang inspirasyon sa panulat ng isang awtor at pambuwelo sa paggamit ng ekokritisismo bilang balangkas teoretikal sa pagbasa ng anumang angkop na akda.
Tungkol sa Orihinal na May-akda
Si William Wordsworth ay isa sa mga tagapagtatag ng Romantisismong Ingles at isa rin sa pinakamahalagang kinatawan nito. Kilala siya bilang makata ng espiritwal at epistemolohikal na ispekulasyon. Nakatuon sa pagkakaugnay ng tao sa kalikasan ang kanyang mga tula, at naging isang maalab na tagataguyod sa paggamit ng bokabularyo at ordinaryong pananalita sa tula. Nagsimula siyang magsulat ng mga tula bilang bata na nag-aaral sa grammar school. Bago siya magtapos ng kolehiyo, naglakbay siya sa Europa na nagbigay-daan upang lumalim pa ang kanyang pag-ibig para sa kalikasan at simpatya para sa ordinaryong mamamayan: parehong mahahalagang tema sa kanyang mga tula.
Kahalagahan ng Materyal na Isinalin
Dahil sa ating kolonyal na nakaraan (at postkolonyalismong realidad), hindi maiiwasan ng Pilipinong mambabasa ang Panitikang Ingles-Amerikano. Isa sa madalas isama sa mga antolohiya o teksbuk ay ang “I Wandered Lonely as a Cloud” ni William Wordsworth.
Para magkaroon ng mas Pilipinong tuon ang pagbasa ng akda niya, magiging maigi kung may kaukulang salin ito. Dahil itinuturing na klasiko ang akdang ito, tiyak na ang benepisyo ng pagkakaroon ng kaukulang salin sa Filipino nito ay mararamdaman ng mga mag-aaral ng asignaturang Filipino sa antas hayskul, kasama rin ang mga mag-aaral sa antas andergradweyt at antas gradwado. Naniniwala rin ang mga iskolar ng Araling Timog-Silangang Asya na kailangan ng salin ang iba-ibang akda para sa aksesibilidad nila sa iba-ibang mga bansa sa rehiyon, kabilang na rin dito ang Pilipinas.
Tungkol sa Proseso ng Pagsasalin
Gaya ng bawat tagasalin, naging mahalaga para sa akin na saliksikin ang saysay at mensahe ng mismong tula ni Wordsworth. Kaya minabuti kong suriin nang mabuti ang mensahe nito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Pormalismong pagbasa nito. Kinailangan kong isaisip ang resulta ng pagbasang ito sa mga sumunod na hakbang sa pagsasalin ng tula.
Tinumbasan ko ang bawat salita sa simulaang teksto upang manatili ang mga imahen nito. Nagawa ko lamang ito sa tulong ng Google Translate, Tagalog-English Dictionary, KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino, at UP Diksiyonaryong Filipino. Pinadulas o pinakinis ko ang mismong salin ng akda ni Wordsworth sa pamamagitan ng pagtuon sa semantika nito. Dahil rito, naging pokus ng salin ang mismong saysay o mensahe ng akda ni Wordsworth; hindi naging pokus ang tiyak na pagsasalin ng sukat at/o tugma ng simulaang teksto.
Kung sa salin ng Biblia, isang pagtatangka ng saling ito na maging tulad ng New King James Version (NKJV) o New Living Translation (NLT) na hindi tumuon sa estrukturang linggwistiko ng simulaang teksto na nakasulat sa wikang Hebreo at Griyego; kung sa prosang pampanitikan naman, maihahalintulad ko ang kabuuang proseso ng salin sa paraan ng pagsasalin nina Larissa Volokhonsky at Richard Pevear (gaya ng makikita sa kanilang salin ng obra ni Leo Tolstoy na Anna Karenina na umani ng puri sa husay at galing ng kanilang salin.)