Ang maikling kuwentong Say Thank You ni Jane Westaway ay nailathala sa the third century New Zealand short short stories noong 1999 ng Tandem Press, North Shore City, New Zealand, ISBN 1 877178 48 9, pp. 127-128. Nakalathala rin ito sa teksbuk na English – Year 11, Book 1 ng Departamento ng Edukasyon ng New Zealand.
Ang kuwentong Say Thank You ay umigpaw sa tradisyunal na porma ng pagsulat ng maikling kuwento. Naglalaman ito ng mga pahayag na pawang pautos. Punong-puno ito ng tila walang katapusang bilin sa anak na babae mula pagkabata hanggang sa paglaki. Mga paalala kung ano ang dapat at hindi dapat gawin sa loob at labas ng tahanan; kung ano at paano ang mga tamang kilos at gawi; kung paano makikitungo at makikipag-usap sa pamilya at sa ibang tao; at maging kung paano tatratuhin ang sarili.
Sa wakas ng kuwento’y naroon ang posibilidad sa hindi magandang pangyayaring maaaring ibunga ng mga paulit-ulit na bilin at paalala.
Tungkol sa May-akda
Si Jane Westaway ay isang kuwentista at isang nobelista. Ang kanyang kauna-unahang libro na isang koleksiyon ng maiikling kuwentong pangkabataan ay nagwagi ng Best First Book award sa 1997 NZ Post Children’s Book Awards. Tumanggap din siya ng maraming gawad at gantimpala kabilang na ang Readers Digest-PEN Stout Fellowship 1993 at mula sa Arts Council of New Zealand Children’s Authors Bursary 1994. Kalimitang rebyuwer din si Westaway ng mga libro para sa New Zealand Herald, The Dominion Post at maging sa National Radio. Siya rin ang ko-editor ng New Zealand Books.