Isang Pamana ng Propaganda:
Ang Tatluhang Pananaw sa
Kasaysayan ng Pilipinas
Mark Joseph Pascua Santos
A Legacy of the Propaganda:
The Tripartite View of Philippine History
Sanaysay ni Zeus A. Salazar
A Legacy of the Propaganda:
The Tripartite View of Philippine History
Sanaysay ni Zeus A. Salazar
Tungkol sa May-akda
Tinataguriang “Ama ng Pantayong Pananaw” at “Ama ng Bagong Historiograpiyang Pilipino” si Dr. Zeus Atayza Salazar (o binabansagan ding “ZAS”). Isa siya sa tatlong haligi ng “Agham Panlipunang Pilipino,” na pagsasa-Filipino ng kasaysayan, sikolohiya, at antropolohiya/araling pang-erya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP)-Diliman mula noong 1970s (kasama sina Virgilio Enriquez ng Sikolohiyang Pilipino at Prospero Covar ng Pilipinolohiya). Nagtapos siya ng BA History (summa cum laude) sa UP, at PhD Ethnology sa University of Sorbonne-Paris. Bukod sa pagiging propesor ng kasaysayan sa UP, naglingkod din siya bilang Tagapangulo sa UP Departamento ng Kasaysayan (1987-1989), at Dekano sa UP Kolehiyo ng mga Agham Panlipunan at Pilosopiya (1989-1992). Matapos magretiro sa UP noong 2000, naimbitahan siyang maging panauhing propesor sa Department of Psychology at Department of Linguistics ng De La Salle University. May-akda at/o patnugot siya ng humigit kumulang 30 aklat at 120 artikulo. Ilan sa mga ito ay pagsasalin niya sa Filipino ng ilang akda katulad ng Ang Pagguho ng Troya ni Walter Jens (1989), Manifesto ng Partido Komunista nina Karl Marx at Friedrich Engels (2000), Pag-unlad ng Ekonomiyang Hapones ni Yoshihara Kunio (1990), “Ang Pag-aaral sa Kasaysayang Pandaigdig” ni Oswald Spengler (1974). Mayroon din siyang isang aklat ng mga tula, pinamagatang Mga Tula ng Pag-iral at Pakikibaka (Salazar, 2001), na bukod sa mga sariling katha ay naglalaman din ng mga salin niya sa tula ng mga makata mula sa iba’t ibang wika. Polyglot si Salazar na marunong ng mga wikang Ingles, Filipino, Bikolano, Espanyol, Pranses, Aleman, Ruso, at Bahasa.
Tungkol sa Akda
Ang “Isang Pamana ng Propaganda: Ang Tatluhang Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas” (“A Legacy of the Propaganda: The Tripartite View of Philippine History”) ay isang kabanata ng aklat na The Ethnic Dimension: Papers on Philippine Culture, History, and Psychology, na pinatnugutan ni Salazar at nailimbag noong 1983 sa Cologne, Germany. Isa ito sa maituturing na pinakabasikong teksto ng Pantayong Pananaw. Sa katunayan, bukod sa “Pantayong Pananaw bilang Diskursong Pangkabihasnan” at Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon, ang “Tatluhang Pananaw” ang piniling maisama sa Mga Babasahin sa Agham Panlipunang Pilipino nina Atoy Navarro at Flordeliza Lagbao-Bolante (2007), isang antolohiya ng mga piling akda nina Salazar, Covar, at Enriquez. Ayon nga kay Portia Reyes (2015), mahalaga ang artikulong ito dahil dito niya unang inilatag ang kanyang pagkaunawa sa konsepto ng “kasaysayan” ng mga Pilipino bilang salaysay na may saysay, na iba sa history/historia/histoire/geschichte ng mga Kanluranin. Narito rin ang panimulang binhi ng pagbatikos niya sa tradisyunal na paghahati ng mga historyador sa kasaysayan ng Pilipinas bilang prekolonyal-kolonyal-postkolonyal. Para sa kanya, bagaman naging kagamit-gamit ang tatluhang pananaw na ito sa panahon nina Lopez Jaena, del Pilar, at Rizal bilang pagkastigo sa kolonyalismong Espanyol, kailangan na itong igpawan sa kasalukuyang panahon. Kung tutuusin, ang pagbatikos na ito sa tatluhang pananaw (sa pamamagitan ng artikulo niyang ito) ang magbibigay-daan para sa paglikha ni Salazar (2004) kalaunan ng kanyang sariling komprehensibong peryodisasyon ng kasaysayan ng Pilipinas, na kinapapalooban ng Pamayanan (h.k. 500,000-1588), Bayan (1588-1913), at Bansa (1913-Kasalukuyan).