Bukang Liwayway
Dolores R. Taylan
Mula sa orihinal na kuwentong Bukang Liwayway
ni Hilaria Labog
Liwayway Magasin, Oktubre 24, 1928
Mula sa orihinal na kuwentong Bukang Liwayway
ni Hilaria Labog
Liwayway Magasin, Oktubre 24, 1928
Tungkol sa May-akda
Ipinanganak si Hilaria Labog noong Enero 14, 1890 sa Samal, Bataan. Kinilala at hinangaan si Labog bilang kwentista at nobelista noong kalagitnaang hati ng ikalawa hanggang ikaapat na dekada, subalit ang kanyang panitik ay nagpatuloy sa pagsulat ng mga kwento at nobela hanggang sa unang hati ng ikalimang dekada. Nailatha ang kanyang mga akda sa mga magasing Liwayway, Liwayway Extra, Aliwan, Sampaguita, Dalaga, Alitaptap, Silahis, Hiwaga, Ilang-Ilang at Bulaklak. Sumulat din siya ng mga artikulo para sa lingguhan at arawang mga pahayagan tulad ng Muling Pagsilang at Taliba.
Si Hilaria Labog, o "Aling Yayang" sa kanyang mga kaibigan ay gumamit ng sagisag-panulat na Herminia Liwanag at Ben Pantaleon sa ilang mga akdang kanyang sinulat. Isa siya sa mga tinagurian ni Fojas sa kanyang artikulong Album Biografico De Filipinas Ilustre (1909) bilang Ang Bagong Babae o Hija del Siglo XX dahil sa bahid ng feminismo sa kanyang mga akda sa panahong hindi pa nakikila ang larang ng feminista sa bansa.
Ang ilan sa kanyang mga nobela ay isinalin sa pelikula at ginampanan ng mga batikang artista. Kabilang sa mga Gawad at parangal na kanyang natamo ang Commonwealth Literary Award at Liwayway Award. Ang kanyang kuwentong “Walang Maliw” ay nakasama sa Antolohiya ng 50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista ni Pedrito
Sumakabilang buhay si Labog noong Mayo 13, 1962 sa edad na pitumpu't dalawa (72).
Tungkol sa Akda
Inilathala ang kuwentong Bukang Liwayway ni Hilaria Labog sa Liwayway Magasin noong Oktubre 24, 1928. Tungkol ito sa dalagang si Veronica na nangarap na makalaya mula sa pamumulot at pagpapahangin ng palay na tangi nilang ikinabubuhay ng kanyang Lola Sisa. Kasama ang mga kaibigan, nagpunta siya ng Maynila para sa pangarap na pagkita ng malaking pera at maipagamot ang rayuma ng kanyang Lola Sisa. Sa Maynila, nagtrabaho siya bilang attendant sa Riverview Hospital.
Nakilala niya sa ospital si Edgardo at naging kasintahan. Masaya at kontento ang buhay ni Veronica sa Maynila. Kumikita siya ng tatlumpung piso. Hindi magtatagal ang kaligayahan ni Veronica sapagkat matutuklasan niya nang hindi sinadya na may asawa at anak na si Edgardo. Magpapasya siyang bumalik sa probinsya ngunit hindi matutuloy. Malalaman niyang kapatid ni Edgardo ang babaeng napagkamalan niyang asawa nito. Magiging masaya muli ang buhay ni Veronica sapagkat binata ang lalaking minamahal niya at nakahanda siyang pakasalan.
Ipinakita sa kuwento ang isang babaeng malakas at mataas ang moral. Nagawa ni Veronica na magpasya nang tama para sa kanyang sarili. Taliwas ang ganito sa kumbensyonal na pagkatha sa mga babae sa panahong isinulat ang kuwento bilang emosyonal at madaling mabulag at matukso kapag nagmamahal. Ipinakita ni Labog na kayang harapin ng babae ang sakit na hatid ng pag-ibig. Sa katauhan ni Veronica, nailarawan ni Labog ang tatag ng isang babaeng sawi ang puso. Kahanga-hanga si Veronica sa kanyang talino sa pagpapasyang layuan si Edgardo at isakripisyo ang kanyang pag-ibig upang hindi masira ang pamilya nito at hindi makasakit ng damdamin ng kapwa niya babae at ng anak nito.