Mga Mithiin
Rolly Delos Santos
Desiderata
Tula ni Max Ehrmann
Tungkol sa May-akda
Isa sa mga intriga, na sa aking palagay, ay nakapagdulot ng ganda sa tulang ito, ay ang hiwaga sa pinagmulan nito. Nang sumikat ito noong dekada sitenta, sinasabing hindi alam kung sino ang may-akda nito. Sinasabing likhang-anonymous ito. Malakas ang ugong na ang tulang ito ay basta na lamang nakita sa isang upuan sa loob ng isang simbahan sa Baltimore noong 1692, walang pirma kung sino ang may-akda. Dahil sa ganda ng mga salita at pananaw na nakapaloob dito, nagkaroon ng mga kuro-kuro na ito ay makalangit. Halos sabihin na ito ay gawa ng isang anghel mula sa langit na kanyang ibinigay sa sangkatauhan.
Di-kalaunan, napag-alamang ito ay likha ni Max Ehrmann, isang makatang Amerikano na nabuhay noong 1872-1945. Siya ay isang abugado mula sa Terre Haute, Illinois. Sinasabing nilikha niya ang tulang ito noong 1927. Tulad ng isang propeta na hindi kinilala sa kanyang tirahan o panahon, ang mga tula ni Max Ehrmann ay hindi nakatawag ng pansin noong siya ay nabubuhay pa. Tatlong taon makalipas ang kanyang pagpanaw, inilimbag ng kanyang balo ang kanyang mga akda.
Tungkol sa Akda
Nasa mataas na paaralan ako noong dekada sitenta nang nakahiligan ko ang musika. Tulad ng isang teenager, ang mga tenga ko ay parating nakadikit sa radyo at nakikinig ng mga makabagong tugtugin. Nakakatuwang ang isa sa mga nakagiliwan ko ay isang likha mula kay Les Crane ng Warner records, isang obra na pinaghalong awitin at tula. Ito ay ang Desiderata. Gandang-ganda ako sa obrang ito na lingid sa aking kaalaman ay isa palang lumang tula.
Ang salitang desiderata ay isang salitang latino na ang ibig sabihin ay mga bagay na ninanais. Ang porma ng tulang ito ay masasabing isang tulang tuluyan. Swabe ang lengguawahe nito, ang lalim na dulot ay ang katotohanang kinapapalooban ito ng mga paglilimi kung paano mabubuhay nang mapayapa at maligaya. Maririnig ang likhang ito ni Les Crane dito.