Para sa pahina na ito, matatagpuan ang ilang mga biswalisasyong inihahanda ko para isang pananaliksik na kung saan hinahambing ko ang dalawang bersiyon ng Programa Constitucional de la República Filipina ni Apolinario Mabini. Mababasa ang bersiyong Tagalog ng Panukala sa Pagkakana nang Repúblika nang Pilipinas sa Project Gutenberg. Ang unang biswalisasyon ay nilikha gamit ng Cytoscape habang ang ikalawa ay nilikha gamit ng PyViz sa Python. Narito ang mga paunang resulta ng paghahambing.
Unang Bahagi - Ang Konsepto ng Tauo
Makikita sa mga biswalisasyon na ito kung paano isinasalin ang "tauo" (o "tao" sa modernong pagbabaybay) sa pagitan ng bersiyong Espanyol at Tagalog. Makikita sa Panukala... ang paggamit ng iba't ibang salita't kataga kaugnay ng "tauo". Nariyan ang "tauo", "tauong", "catauo", "catauong" bukod pa sa mga katagang "tauong bayan", "talaan ng tauo", "tandaan ng mga tauo", "bagongtauo/bagong-tauo". Ginamamit ang salitang "tauo(ng)" bilang katumbas o kaugnay ng mga salitang "persona(s)", "individuo(s)", "hombre(s)", at "humana". May mangilan-ngilan ding pagtutumbas dito sa "humanitarios", "publico", "beneficencia", "talento", "individualmente", at "privada". Itinatapat naman ang "catauo(ng)" sa "individuos", "personas", "personal", at "individuales". Kaugnay ang "tauong bayan" sa "pueblo" ngunit madalas itong lumabas para sa "jurisdiccion" dahil bahagi ito ng katagang "capangyarihang magparusa sa tauong bayan". Ang "bagong-tauo/bagongtao" naman ay salin ng "mozos". Isinasalin naman ang salitang "censo" mula sa Espanyol bilang "talaan ng tao" o "tandaan ng mga tauo".
Sa pangkalahata'y makikita ang paggamit sa "tauo" sa dalawang paraan. Una, bilang pagtukoy sa indibidwal at sa kaniyang pakikisangkot sa proyekto ng pagtatayo ng isang bago't malayang republika. Pangalawa, tinutukoy din ang tao sa kolektibo't abstraktong paraan lalo na't patungkol sa kaniyang ikabubuti. Makikita ito sa paggamit nito para sa mga salitang "humanitarios", "publico", "beneficencia", at "talento".
Ikalawang Bahagi - Ang Konsepto ng Mamamayan
Makikita sa mga biswalisasyon na ito kung paano isinasalin ang "mamamayan". Makikita rin sa Panukala... ang paggamit ng "namamayan". Ginamamit madalas ang salitang "mamamayan" bilang katumbas o kaugnay ng mga salitang "Filipino", "vecindad", "pueblo", "individuales", "clase", "contribuyentes", at "particulares". Ginagamit naman ang "namamayan(g)" bilang "individules", "Filipino(s)", "vecino(s)", at "ciudadano".
Sa pangkalahata'y makikita ang paggamit sa "mamamayan" sa dalawang paraan. Una, bilang mamamayan na Filipino na nakikibahagi sa pagtatatag ng malayang Republika ng Pilipinas. Pangalawa, tinutukoy din nito, kasama ng "namamayan", ang pagiging residente ng Republika.
Ikatlong Bahagi - Ang Konsepto ng Bayan
Makikita sa unang sapot ng ugnayan para sa salitang "bayan(g)" ang komplikadong pagpapakahulugang iniuugnay. Sa unang kahulugan, tinutukoy ng salitang "bayan(g)" ang literal na mga bayan o "pueblo(s)", "municipio", "municipal", "poblacion" at "ciudades" na tinitirhan ng mga tao.
Ang pangalawa'y ang paggamit sa "bayan" para sa mga bagay-bagay tungkol sa pamahalaan tulad ng "estado", "oficial", "civicas" at "popular(es)". Interesante ang pag-uugnay ng "bayan" sa "popular(es)" dahil ginagamit ang "bayan" sa katagang "capulungang bayan" bilang katapat ng "consejo(s) popular(es)".
Ang pangatlo'y kaugnay sa paggamit sa "bayan" bilang pantukoy sa taumbayan na makikita sa "sociedad", "publica(s)" at "publico(s)".
Pang-apat na tumbasan sa "bayan" ay patungkol sa bansa o di kaya'y sa damdaming makabayan. Makikita ito sa "patria", "pais", "naciones", at "patriotico".
Sa pangalawang sapot, makikita naman ang mas malawak na sapot kaugnay ng "bayan" tulad ng salitang "cabayanan(g)". Tinutukoy ng salitang "cabayanan(g)" ang mga lalawigan ng bansa at makikita ito sa paggamit ng mga salitang "provincia(s)" at "provincial(es)".
Ikaapat na Bahagi - Ang Konsepto ng Capangyarihan at Catungculan
Magkaugnay na konsepto ang "capangyarihan(g)" at "catungculan(g)" sa Panukala... dahil patungkol ito, madalas, sa mga opisyal na pamahalaan. Sa kaso ng "capangyarihan(g)", tinutukoy dito ang kakayahan ng isang opisyal na gawin ang kaniyang trabaho o di kaya'y pagtukoy sa kaniyang kapangyarihan. Makikita ito sa madalas na paggamit nito bilang salin ng "autoridad(es)", "facultad(es)", "jurisdiccion", at "competente". Ginagamit din ito para sa salin ng "funciones", "functión", "elección", "razón", "derecho", "poder", at "postestad".
Tumutukoy naman ang "catungculan(g)" sa pagkuha at pag-atang ng isang tao ng responsibilidad sa pamahalaan. Ito ang dahilan kung bakit higit na ginagamit ito bilang katumbas ng salitang "cargo(s)" para sa "capangyarihan(g)". Gayundin, iniuugnay ito sa "deberes" o ang responsibilidad na inaako ng isang tao kapag maging bahagi ng pamahalaan.
Ikalimang Bahagi - Ang Konsepto ng Carapatan at Catuiran
Ang pang-apat na hanay ng mga salita ay tungkol sa "carapatan(g)" at "catuiran(g)". Iba ang gamit ng salitang "carapatan(g)" sa Panukala... kung ihahambing sa kasalukuyan. Sa kasalukuyan, ginagamit ang "karapatan" bilang katumbas ng "derecho" o "rights" sa Ingles. Dito sa Panukala..., ginagamit pangunahin ang "carapatan(g)" bilang katumbas ng "capaces" o kakayahan at abilidad na gawin ng isang tao ang isang bagay. Kaugnay din nito ang mga salitang "capacidad", "cualidades", "aptitud", "contribuyentes", at "digno".
Para sa "derecho(s)", higit na ginagamit ang salitang "catuiran(g)". Nakaugat marahil ito sa pagtatapat ng salitang "matwid" para sa "recto" na ugat ng "derecho(s)" sa Espanyol. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit itinatapat din ang salitang "catuiran(g)" para sa salitang "justicia" sa Espanyol.