Para sa pahina na ito, matatagpuan ang ilang mga biswalisasyong inihahanda ko para isang pananaliksik na kung saan hinahambing ko ang dalawang bersiyon ng Ang ABC nang Mamamayang Filipino ni Felipe Calderon. Mababasa ang bersiyong Tagalog ng Ang ABC nang Mamamayang Filipino sa digital library ng National Library of the Philippines. Mababasa naman ang bersiyong Espanyol ng Ang ABC nang Mamamayang Filipino sa Internet Archive. Ang unang biswalisasyon ay nilikha gamit ng Cytoscape habang ang ikalawa ay nilikha gamit ng PyViz sa Python. Narito ang mga paunang resulta ng paghahambing.
Unang Bahagi - Ang Konsepto ng Tao
Makikita sa mga biswalisasyon na ito kung paano isinasalin ang "tao" sa pagitan ng bersiyong Espanyol at Tagalog. Makikita sa A. B. C.... ang paggamit ng iba't ibang salita't kataga kaugnay ng "tao". Nariyan ang "taong", at "pagcatao(ng)". Ginamamit ang salitang "tao(ng)" bilang katumbas o kaugnay ng mga salitang "persona(s)", "individuo(s)", "hombre(s)", "humana", "sujetos", "sujeta", "individual(es)", at "publica".
Makikita, sa pangkalahatan, ang tuon ng pagsasalin mula sa Espanyol tungong Tagalog/Filipino sa indibidwal karapatan ng isang tao bagaman tinutukoy din ng "tao(ng)" ang isang kolektibong pagturing sa tao.
Ikalawang Bahagi - Ang Konsepto ng Mamamayan
Makikita sa mga biswalisasyon na ito kung paano isinasalin ang "mamamayan" sa pagitan ng bersiyong Espanyol at Tagalog. Makikita sa A. B. C.... na ginagamit ang salitang "mamamayan(g)" bilang pangunahing salin ng "ciudadano(s)" habang ginagamit din ang "taong bayan", "pagcamamamayan", at "pamamayan" sa "ciudadano". Ginagamit naman ang "namamayan" bilang salin ng mga salitang "particular", "habite", "habitan", "residente(s)", "pertecener", at "publica". Ang "pagcamamamayang" ay salin ng "ciudadania".
Ikatlong Bahagi - Ang Konsepto ng Bayan
Makikita sa sapot ng ugnayan para sa salitang "bayan(g)" ang komplikadong pagpapakahulugang iniuugnay. Sa unang kahulugan, tinutukoy ng salitang "bayan(g)" ang literal na mga bayan o "pueblo(s)", "municipio", "municipal", "sitio", "poblado", "local" at "localidad", at "lugar" na tinitirhan ng mga tao.
Ang pangalawa'y ang paggamit sa "bayan" para sa mga bagay-bagay tungkol sa pamahalaan tulad ng "oficial", at "civil".
Ang pangatlo'y kaugnay sa paggamit sa "bayan" bilang pantukoy sa taumbayan na makikita sa "publica(s)" at "publico(s)".
Pang-apat na tumbasan sa "bayan" ay patungkol sa bansa o di kaya'y sa damdaming makabayan. Makikita ito sa "patria", "pais(es)", "nacion", at "patriotico".
Ikaapat na Bahagi - Ang Konsepto ng Capangyarihan at Catungculan
Para sa A. B. C. ni Calderon, makikita ang paggamit ng "capangyarihan(g)" bilang salin ng "faculta", at "facultad". Tinutukoy nito ang kakayahan ng isang mamamayan upang isakatuparan ang kaniyang mga karapatan at kalayaan. Ngunit tinutukoy din nito ang kakayahan ng isang opisyal o ng pamahalaan na gawin ang mga responsibilidad nito tulad ng "poder" at "soberenia".
Ang salitang "catungkulan(g)" naman ay akaugnay sa kakayahan ng isang mamamayan upang isakatuparan ang kaniyang mga karapatan at kalayaan na makikita sa salitang “deber(es)”. Ngunit nakaugnay din ito sa responsibilidad ng mga opisyal ng pamahalaan na makikita sa mga salitang “obliga(n)”, “obligacion”, at “cargo(s)”.
Ikalimang Bahagi - Ang Konsepto ng Carapatan at Catwiran
Sa unang biswal, ang salitang "carapatan(g)" ay salin para sa mga salitang kaugnay sa mga likas na karapatan ng isang tao tulad ng “derecho(s)”, “facultad”, at “debe”. Gayundin, ginagamit kaugnay ng kakayahan ng mga opisyal ng pamahalaan na gawin ang kanilang responsibilidad na makikita sa mga salitang “competente”, at “procedimiento”.
Sa ikalawang biswal, makikita namang may katulad na tuon ang salitang "catwiran" dahil, pangunahin, nakaugnay ito sa mga salitang tungkol sa mga likas na karapatan ng isang tao tulad ng “derecho(s)”, at “debe”. Ngunit ginagamit din ang "catwiran(g)" sa pag-iisip na makikita sa salitang “razones”.
Makikita sa ikatlong biswal ang malalim na ugnayan sa pagitan ng "carapatan" at "catwiran". Makikita dito ang unti-unting paglipat ng mga kahulugang dati'y nasa "catuiran" sa Panukala tungo sa higit na modernong paggamit ng salitang "carapatan" para sa "derecho(s)" sa Espanyol o "rights" sa Ingles.