Nilalaman ng pahina na ito ang mga graph tungkol sa mga nobelang pangkasaysayan batay sa aking disertasyong pinamagatang Katwiran ng Kasaysayan: Ang Alegoryang Pangkasaysayan at ang Diskurso ng Kasaysayan, Nasyunalismo, at Bayan sa mga Nobelang Pangkasaysayan sa Wikang Tagalog, 1905-1927. Â
Makikita sa graph sa itaas kung anong uring panlipunan bahagi ang mga pangunahing tauhan. Mahirap na ibahagi lamang sa tatlong antas ang mga uring panlipunan (Mataas, Gitna, at Mababa) kung kaya't mainam na tukuyin ang mismong mga trabaho o di kaya'y antas ng mga tauhan. Makikita ito sa susunod na graph.
Makikita sa graph sa itaas kung anong trabaho bahagi ang mga pangunahing tauhan. Sa ganito'y makikita kung ano ang pangunahing pinagkukunan ng yaman ng mga tauhan. Marami sa mga trabaho'y kaugnay sa mga gawain at industriyang nakabase sa lungsod at sa nagbabagong ekonomiya ng Pilipinas noong huling bahagi ng ika-19 na siglo. Maraming tindera/tindero, platero, nars, at sundalo.
Makikita sa graph sa itaas kung anong antas ng edukasyon ang naabot ng mga pangunahing mga tauhan. Sa pag-aaral nina John Schumacher at Jim Richardson, malaki ang naging impluwensiya ng edukasyon sa pagbubuo ng kamalayang makabayan at kontrakolonyal. Karamihan ng mga hindi edukado sa chart na ito'y galing sa mga tauhang nasa nobelang nakatagpo bago dumating ang mga Espanyol, at kung gayo'y hindi pa nabubuo ang mga institusyong pang-edukasyon na nilikha ng pamahalaang kolonyal.
Makikita sa graph sa itaas kung naging bahagi ba ng Katipunan o Himagsikan ang manunulat ng nobela. Kalahati'y naging bahagi ng Katipunan o Himagsikan. Kilalang mga Katipunero sina Roman Reyes, Aurelio Tolentino, at Carlos Ronquillo. Sinuportahan naman ni Isabelo de los Reyes ang Himagsikan at ang Pamahalaang Rebolusyunaryo ng Malolos habang nasa Europa siya. Naging sundalo sa Hukbong Rebolusyunaryo si Faustino Aguilar. Ang iba naman, bagaman hindi tuwirang naging kasapi ng Himagsikan ay may mga makabayang ugnayan dito. Pinangunahan ni Gabriel Beato Francisco ang pagtatag ng bahay-ampunan para sa mga sugatang sundalo ng himagsikan. Inaakala din na lumagda rin si GB Francisco sa manipestasyon ng 1888 na nagtatawag ng pagpapatalsik ng arsobispo ng Maynila, pagpapahina sa kapangyarihan ng mga prayle, at pagbibigay sa mga paring sekular ng mga parokya. Si Juan Arsciwals naman ay bahagi ng kilusang manggagawa. Si Precioso Palma naman ay nakababatang kalahating kapatid ni Jose Palma, kilalang manunulat at miyembro ng Katipunan.