Hindi pa man ganap na nakakabangon mula sa mga naidulot na pinsala ng Unang Digmaang Pandaigdig ay muli na namang namuo ang tensyon sa pagitan ng mga bansa sa Europa. Dahil sa masidhing ambisyon na mapalawak pang lalo ang teritoryo, unti-unting niyanig ang mundo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Bago pa man tuluyang sumiklab ang digmaan, ang daigdig ay nahati sa dalawang ideolohiya: ang pasista at diktadurang mga bansa tulad ng Germany, Italy, at Japan; at ang demokratikong mga bansa gaya ng United States, Britain, at France. Pinasimulan ng mga pasistang diktador gaya nina Adolf Hitler at Benito Mussolini noong 1930’s ang paglusob at pangangamkamkam ng mga teritoryo sa Europa na naging sanhi ng muling pagkakaroon ng isang malawak na digmaan na kikitil sa buhay ng milyung-milyong tao.
Ang pag-aasam na magpalawak ng teritoryo ay hindi lamang naganap sa Europa kundi maging sa Asya rin. Noong 1931, nilusob ng hukbong militar ng Japan ang Manchuria, isang lalawigan sa hilagang silangan ng China na mayaman sa bakal at karbon. Ang pangyayaring ito ay mariing kinundena ng Liga ng mga Bansa ngunit wala silang nagawa upang pigilan ang agresyon ng Japan. Kinalaunan ay tumiwalag ang Japan sa Liga at ipinagpatuloy ang paglusob sa mga lugar sa Asya.
Noong Hulyo 1937, naglaban ang mga puwersang Hapon at Tsino malapit sa Peiping (Peking), China. Ang pangyayaring ito ang naging daan sa pagsiklab ng Digmaang Tsino-Hapones. Taong 1938 ay tuluyang nasakop ng Japan ang mahahalagang lugar sa China tulad ng Canton, Shanghai at mga baybaying lungsod nito.
Sumali ang Germany sa Liga ng mga Bansa at nakilahok sa mga ilang mga gawain nito upang mapanatili ang kapayapaan. Subalit, karamihan sa mga Germans ay hindi sang-ayon sa mga probisyon ng Kasunduan sa Versailles dahil nilagay nito ang Germany sa isang kahiya-hiyang posiyon. Dahil dito, tumiwalag sa Liga ang Germany at nilabag ang mga napagkasunduan sa Versailles. Itinatag ni Adolf Hitler ang Republika ng Weimar at unti-unti niyang isinakatuparan ang kaniyang mga plano para sa muling pagbangon ng Germany. Layunin ni Hitler na muling ilagay sa rurok ng kapangyarihan sa Europa ang Germany sa pamamagitan ng pagpapalawak muli ng mga teritoryo nito at pagpapalakas sa kaniyang hukbong sandatahan. Noong 1935 ay idineklara ni Hitler na ang Germany ay bubuo ng mas malakas na sandatahang lakas na binubuo ng 550,000 na sundalo, isang malaking paglabag sa Kasunduan ng Versailles.
Bilang tugon ng mga bansa sa agresyong ipinapamalas ng Germany, nakipag-alyansang muli ang France sa Russia kontra sa Germany.
Sa pangunguna ni Benito Mussolini, sinakop ng Italy ang noong-malayang kaharian ng Ethiopia sa Africa noong 1935. Humingi ng tulong si Emperador Haile Selassie sa Liga ng mga Bansa at agad naming kinundena ng Liga ang agresyon ng Italy laban sa Ethiopia. Bilang tugon sa kahilingan ng Ethiopia, hinikayat ng Liga na huwag bumili ng mga hilaw na materyales mula sa Italya at huwag din itong pagbentahan ng mga armas. Sa kasamaang palad, kakaunting bansa lamang ang tumugon sa liga at hindi nagtagal ay tuluyang nasakop ng Italya ang Ethiopia.
Nagsimula ang digmaang sibil sa Spain noong 1936 sa pagitan ng pasistang Nationalist Front at sosyalistang Popular Army. Sinuportahan nina Hitler at Mussolini ang laban ng Nationalist Front sa pangunguna ni Francisco Franco. Bagaman labag sa probisyon ng Kasunduan ang Versailles ang pagkakaroon ng mga sasakyang militar na panghimpapawid, ipinadala ni Hitler ang kaniyang pinakabagong eroplanong militar na tinawag na Luftwaffe. Dahil sa tinamong suporta mula sa dalawang pasistang bansa, nakuha ni Franco ang tagumpay sa digmaang sibil at nakapagtatag ng isa pang pasistang rehimen sa Kanlurang Europa.
Nagsimula ang digmaang sibil sa Spain noong 1936 sa pagitan ng pasistang Nationalist Front at sosyalistang Popular Army. Sinuportahan nina Hitler at Mussolini ang laban ng Nationalist Front sa pangunguna ni Francisco Franco. Bagaman labag sa probisyon ng Kasunduan ang Versailles ang pagkakaroon ng mga sasakyang militar na panghimpapawid, ipinadala ni Hitler ang kaniyang pinakabagong eroplanong militar na tinawag na Luftwaffe. Dahil sa tinamong suporta mula sa dalawang pasistang bansa, nakuha ni Franco ang tagumpay sa digmaang sibil at nakapagtatag ng isa pang pasistang rehimen sa Kanlurang Europa.
Sa 15 milyong taong naninirahan sa Czechoslavakia noong 1938, halos 3 milyon sa kanila ay German na naninirahan sa Sudetenland. Hinikayat ni Hitler ang mga German sa Sudetenland na pagsikapan ang kanilang kalayaan mula sa pamahalaang Czech. Ang hakbang na ito ni Hitler ay mariing tinutulan ng mga bansang kaalyado ng Czech gaya ng France at Great Britain. Nagpatawag ng isang pagpupulong si British Prime Minister Neville Chamberlain upang pagusapan ang kanilang hakbang na gagawin upang hindi tuluyang atakihin ni Hitler ang Czechoslovakia. Ang pagpupulong ay ginanap sa Munich, Germany at dinaluhan nina Punong Ministro Chamberlain, Hitler, Mussolini, at Premier Edouard Daladier. Bagaman kaalyado ng Czechoslovakia ang France at Great Britain, hindi tinutulan ng mga pinuno ng dalawang bansa ang kagustuhan ni Hitler na masakop ang Sudetenland. Bilang kapalit, nangako si Hitler na hindi niya lulusubin ang Czechoslovakia. Dahil sa kawalan ng suporta, isinuko na lamang ng Czechoslovakia ang Sudetenland sa Germany.
Taliwas sa kaniyang binitiwang pangako sa kumperensya sa Munich, nilusob ng hukbo ni Hitler ang Prague, kapital ng Czechoslovakia, noong Marso 1939. Dito ay tuluyang nasakop ni Hitler ang kabuuan ng Czechoslovakia.
Ang paglusob ng kampo ni Hitler sa Poland ay maituturing na huling mitsang tuluyang nagpasiklab sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ninais ni Hitler na maibalik sa kontrol ng Germany ang lungsod ng Danzig na naging daungan na kontrolado ng Poland. Maliban dito, ninais din ni Hitler na mabigyan ng daan ang Germany sa Polish Corridor. Ang Polish Corridor ay isang maliit na lupaing humihiwalay sa Silangang Prussia at Germany. Ito ay nalikha matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig.
Mariing tinutulan ng pamahalaan ng Poland ang mga kondisyong ito ni Hitler, at nangako rin ang Britain at France na tutulungan ang Poland kung sakaling ito ay salakayin ng mga puwersang Nazi. Hinikayat din ng France at Britain na makiisa sa kanila ang Russia, ngunit laking gulat ng lahat nang makipagkasundo ang Russia sa Germany noong Agosto 1939 nang pirmahan ng dalawang bansa ang Non-Aggression Pact.