Sa pagpasok ng United States sa digmaan ay lumakas ang pwersa ng Allied Powers at humina naman ang puwersa ng Central Powers. Dahil sa sunod-sunod na pagkatalo sa mga bakbakan at pagkaubos ng mga sundalo, umatras ang Germany sa labanan habang ang iba nitong kapanalig ay sumuko na. Kasunod nito ang pagbaba sa trono ni Kaiser Wilhelm II noong Nobyembre 9, 1918. Tuluyang natapos ang unang digmaang pandaigdig nang malagdaan ang armistice noong Nobyembre 11, 1918.
“Big Four” David Lloyd George, Vittorio Orlando, Georges Clemenceau, At Woodrow Wilson (Larawan mula
Ilang buwan matapos ang digmaan, muling nagpulong ang mga pinuno ng mga Allied Forces at Central Powers. Pinangunahan ni Pangulong Woodrow Wilson ng United States ang naturang pagpupulong na ginanap sa palasyo ng Versailles sa France noong Hunyo 1919. Ito ay dinaluhan ng mga kinatawan ng 32 bansa na naglalayong makabuo ng isang kasunduan na tuluyang makapagwawakas sa digmaan at muling magtataguyod sa Europa. Kabilang sa mga pinunong nagsipagdalo ay sina Georges Clemenceau ng France, David Lloyd George ng Britain, at Vittorio Orlando ng Italy.
Ayon sa Tratado ng Versailles, ang Germany ang pangunahing responsable sa pagkakaroon ng digmaan. Dahil dito, pinatawan ng matinding parusa ang Germany tulad ng pagkawala ng ilan sa kanilang mga teritoryo, pagbabayad nang malaking halaga sa mga nasira dulot ng digmaan, at pagkawala ng ilan sa kanilang sandatahang lakas sa ilang lugar sa Europe.
Ang mga probisyon ng tratado ay nakabatay sa Labing-apat na Puntos ni Pangulong Woodrow Wilson na kaniyang ibinahagi sa kaniyang talumpati sa Kongreso ng Amerika noong 1918. Nilalaman ng Labing-apat na Puntos ang mga layunin ng United States sa pakikidigma, gayundin ang ideya ni Pangulong Wilson tungkol sa “kapayapaang walang talunan” (peace without victory). Narito ang ilan sa mga nilalaman ng labing-apat na puntos ni Pangulong Wilson:
1. katapusan ng lihim na pakikipag-ugnayan;
2. kalayaan sa karagatan;
3. pagbabago ng mga hangganan ng mga bansa at paglutas sa suliranin ng mga kolonya ayon sa sariling kagustuhan ng mga mamamayan;
4. pagbabawas ng mga armas;
5. pagbabawas ng taripa; at
6. pagbuo ng Liga ng mga Bansa.