Noong ika-28 ng Hunyo, 1914, si Archduke Francis Ferdinand, tagapagmana sa trono ng Austria ay dumalaw sa Sarajevo, Bosnia. Siya ay pataksil na pinatay ni Gavrilo Princip, isang Serbian na naninirahan sa Bosnia. Si Princip at ang kanyang kasama ay kabilang sa The Black Hand, isang grupong nagnanais na palayain ang Serbia mula sa pananakop ng Austria. Naghinala ang Austria na may kinalaman ang Serbia sa pangyayari, at agad nagpadala ng ultimatum ang Austria sa Serbia. Ang mga itinalaga sa ultimatum ay hindi naging katanggap-tanggap sa Serbia kung kayat iminungkahi nitong isangguni sa Hague Court ang suliranin. Hindi nasiyahan ang Austria sa kasagutan at noong ika-28 ng Hulyo, 1914, ito ay nagpahayag ng pakikidigma laban sa Serbia.
Ang salitang alyansa ay tumutukoy sa isang kalipunan ng mga bansa o partido na sumusuporta sa iisang programa, paniniwala at adhikain.
Matapos magtagumpay ang Germany sa Digmaang Franco-Prusso noong 1871, nakuha nila ang kontrol sa mga probinsyang Alsace at Lorraine na pawang mga bahagi ng hangganan ng sakop ng France. Upang maiwasan ang muling pagbangon ng France at upang hindi nito mabawi ang mga dati nitong nasasakupang probinsya, pinangunahan ng German Chancellor na si Otto von Bismarck ang pakikisanib-puwersa sa mga ibang bansang Europeo. Tinawag ang alyansang ito bilang Triple Alliance. Ito ay binubuo ng pagsasanib-puwersa ng mga bansang Germany, Austria-Hungary, at Italy. Nagkaroon din ng pagsasanib-puwersa sa pagitan ng Germany at Russia noong 1887 ngunit sa kalaunan ay nabuwag din ito.
MAPA NG MGA NABUONG ALYANSA SA EUROPA (Larawan mula sa https://en.wikipedia.org/wiki/Triple_Entente)
Noong 1888, naluklok sa trono si Kaiser Wilhelm II. Sa ilalim ng kaniyang pamumuno ay nagwakas ang alyansa sa pagitan ng Germany at Russia; mas pinaigting ang hukbong dagat ng bansa upang mahigitan ang hukbong dagat ng Britain; pinalakas din niya ang hukbong sandatahan ng Germany; at pagtatatag ng mga kolonya sa Asya at Aprika. Sa kabilang banda, lubos na pagkapahiya ang naramdaman ng bansang France mula sa kanilang pagkatalo laban sa Germany noong 1871 at kanilang napagtanto na hindi niya matatalo ang Germany ng magisa lamang. Dahil dito at sa patuloy na pagpapalakas ng Germany, humanap din ang France ng mga bansa na maaari niyang maging ka-alyado. Unang nakipag-alyansa ang France sa Russia noong 1894. Bagaman magkaribal sa mga usaping kolonyal, nagkasundo ang mga bansang France at Britain sa pamamagitan ng Entente Cordiale (ahn-TAHNT cor-DYAHL). Taong 1907, bunsod ng kanilang pangamba sa patuloy na paglakas ng puwersa ng Germany, tuluyan ng bumuo ng alyansa ang mga bansang France, Russia, at Britain at tinawag itong Triple Entente. Ang Triple Entente ay isang kasunduan ng pakikipagkaibigan sa pagitan ng tatlong bansa at hindi isang alyansang militar, ngunit para sa Germany, ang pagkakatatag ng alyansang ito ay isang banta sa kanilang bansa.
Ang imperyalismo ay tumutukoy sa pagpapalawak ng kapangyarihan at kayamanan ng isang bansa sa pamamagitan ng pag-okupa at pagkontrol ng mga karagdagang teritoryo. Ang pag-uunahan ng mga makapangyarihang bansa na sumakop ng mga lupain at magkaroon ng kontrol sa pinagkukunang-yaman sa Asya at Africa ay nagdulot ng alitan sa pagitan ng mga bansa sa Europa.
Ito ay tumutukoy sa paniniwala ng isang bansa sa pagkakaroon ng isang malakas na puwersang militar at sa agresibong paggamit nito. Sa pagpasok sa ika20 siglo, nagsimula na ang paligsahan ng pagkakaroon ng malakas na puwersang militar, kabilang na rin dito ang pagkakaroon ng mga malalakas at makabagong armas. Ang Germany at Great Britain ay nagpaligsahan sa pagpapalakas ng kanikanilang hukbong pandagat, habang nagkaroon naman ng impluwensiya ang militar sa mga usaping sibil sa Russia at Germany. Dahil sa patuloy na pagpapalakas ng mga bansang Europeo sa kanilang mga sari-sariling puwersang militar, mas naging madali sa kanila ang pagpasok sa digmaan.
Maituturing na nasyonalismo ang paghahangad ng kalayaang pulitikal, lalo na ng isang bansang nasa ilalim ng kapangyarihan at kontrol ng ibang bansa. Ang damdaming ito ay nagtulak para sa mga tao na maghangad ng kalayaan mula sa kamay ng mga mananakop. Masususog ang pinagmulan ng Unang Digmaang Pandaigdig sa paghahangad ng mga Slavs sa Bosnia at Herzegovina na makalaya mula sa kapangyarihan ng Austria-Hungary at maging bahagi ng Serbia. Maliban sa ninanais na kalayaan, masidhi rin ang pagkamuhi ng Serbia sa Austria-Hungary dahil sa malupit nitong pamamahala.
Kung minsan, ang masidhing pagmamahal sa bayan ay nakapagdudulot ng bulag at panatikong pagmamahal sa bansa. Patunay dito ang aristokrasyang militar ng Germany na tinawag na mga Junker. Sila ay mula sa mga pamilyang nagmamayari ng mga malalawak na lupain sa Prussia at kanlurang Germany. Dahil sa kanilang yamang taglay ay malaki ang naging ambag nila sa pagpapalakas ng mga hukbong militar ng Prussia at Germany. Dahil dito, malaki ang naging impluwensya ng mga Junkers sa pulitika ng mga nabanggit na bansa.
Nagbunsod din ang nasyonalismo ng masidhing tunggalian sa pagitan ng mga bansa. Ang tunggaliang ito ay bunga ng kompetisyon sa mga hilaw na materyales, at pagtatalo sa pangangakamkam ng mga teritoryo. Ang paghahangad ng kasarinlan at pagpapalawak ng teritoryo ang isa sa nagbigay-daan sa pagsidihi ng alitan sa pagitan ng mga bansa na tuluyang nauwi sa digmaan.
Ang mga pangunahing sanhi ng pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig ay pagkakabuo ng mga alyansa, masidhing damdaming nasyonalismo, imperyalismo, at militarismo. Subalit, liban sa mga nabanggit ay mga kaganapang tuluyang nagpasiklab sa mitsa ng digmaan.
Tinagurian ang Balkan bilang powder keg ng Europe dahil sa tensyon na namumuo rito. Pangunahing dahilan ng labis na tensyon ay ang nasyonalismong namayani sa mga pangkat-etniko sa Balkan na naghahangad ng kalayaan mula sa Imperyong Ottoman.
Upang mas madali mong maunawaan ang mga iba pang pangyayaring tuluyang nagtulak sa pagsiklab ng digmaan, tignan at unawain ang timeline sa ibaba:
Itinuturing ang pagpaslang kay Archduke Franz Ferdinand at sa kanyang asawang si Sophie bilang mitsa na tuluyang nagpasimula sa Unang Digmaang Pandaigdig. Noong Hunyo 28, 1914, habang nasa opisyal na gampanin sa Sarajevo, Bosnia ay pinaslang ang tagapagmana sa trono ng Austria-Hungary na si Archduke Franz Ferdinand at ang kanyang asawa. Ang itinuturong salarin sa malagim na pagpaslang na ito ay si Gavrilo Princip, isang Serbian na kasapi ng lihim na organisasyon na Black Hand. Nilalayon ng Black Hand na wakasan ang rehimen ng Austria-Hungary sa Bosnia-Herzegovina.
Kaugnay sa naganap na pagpaslang kay Franz Ferdinand, nagbigay ng isang ultimatum ang Austria-Hungary sa Serbia. Ang ultimatum ay nagsasaad ng mga kondisyon na dapat gawin ng Serbia. Lahat ng kondisyong nakasaad sa ultimatum ay nabigyang-katuparan ng Serbia, maliban lamang sa isa. Hiniling ng AustriaHungary na pahintulutan ang mga opisyales nito na lumahok sa imbestigasyon ng pagpaslang kay Ferdinand, ngunit hindi ito pinahintulutan ng Serbia dahil ito ay paglabag sa kanilang pambansang karapatan. Dahil hindi nasunod ang ultimatum at sa tiwala na sila ay tutulungan ng Germany, noong Hulyo 28, 1914 ay nagdeklara ng digmaan ang Austria-Hungary laban sa Serbia. Ang pangyayaring ito ang opisyal na pagsisimula ng Unang Digmaang Pandaigdig.