by Godwin Christian Paragas, an Alumni from Batch 2017
Tandang-tanda ko pa kung papaanong ang lahat ng ito ay nagsimula.
Nag-umpisa ang lahat na narito ako at nandyan ka. Ikaw. Ako. Tayong dalawa, magkasama. Oo, marami pang iba pero sa wari ko'y wala nang iba pa. Nagtagpo ang ating mga mata. Nalunod ako sa iyong titig. Di ko alam kung ano ba dapat ang madama. Nakakakilig. Nakakatuwa. Pero mas nakakakaba. Iniisip kung kaya, kaya ba? Nagbabakasakaling sana. Sana pwede. Sana kaya. Sana ay makilala kita.
At dumating nga ang panahon, nagkaroon na ng mga pagpapakilala. Nauna ka? O nauna ako? Hindi ko na sigurado pero isa lang ang natitiyak ko, ninais kong magsalita. Sabihing ika'y sobrang ganda. Umaming ako'y nabihag mo na pero wala. Wala akong nagawa. Kaya ako'y nagpasya. Kaibigan na lang muna.
Kalaunan ay mas nagkakilala. Lumalim ang pagkakaibigan at mas lumalim ang pagtingin sa paglabas ng iyong tunay na kakayahan. Isa kang henyong tila perpekto sa bawat gawa. Isa kang artistang nagbibigay kulay at buhay sa iyong mga likha. Isa kang atletang ang bawat tira ay tila sa akin nakadirekta. Isa kang mananayaw na ang bawat sayaw ay gumigimbal sa mundong aking ginagalawan. Isang kang mang-aawit na ang bawat kanta ay binibingwit di lang ang aking mga tenga kundi pati na ata ang aking kaluluwa.
At sa pagitan ng bawat marka at bawat likha. Sa gitna ng bawat tira, bawat sayaw, bawat kanta, doon. Doon ko natagpuan ang ating tunay na pagkakakilanlan.
Kaisa mo ang langit. Isa kang bituing pinapangarap na masungkit. Hangad matamasa. Nais makuha.
Kabigkis ko ang lupa. Ako ay bato. Gaano man kataas ihagis ay babalik at babalik pa rin dito.
Kaisa mo ang langit. Isa kang estrelyang may ningning. May hawak na kinang. May angking dakila
Kabigkis ko ang lupa. Ako ay abo. Hindi mahalaga. Tira-tira na lamang ng isang pagliyab na natapos na.
Kaisa mo ang langit. Isa kang tala. Tinitignan ng kauri kong kabigkis ang lupa. Tinitingala.
Kabigkis ko ang lupa. Ako ay puno. Kahit lumaki nang lumaki, hindi ka pa rin mahahawakan ng aking mga sanga.
Pero ako, masyado akong pasaway. Sinubukan ko pa ring dumikit. Masyado akong ambisyoso. Pinilit lumapit sa isang katulad mo. Masyado akong mapaghangad. Nagtangkang paliitin ang agwat na sa ati’y humihiwalay.
Sadya atang ang tadhana natin ay ganito. Mapagbiro. Mapaglaro. Pero sino ba naman ako para mag-akalang magbabago ito. Kailanman hindi natamaan ng bato ang mga bituin. Hindi matutumbasan ng abo ang mga estrelyang nagniningning. Kailanman hindi naabot ng puno ang mga tala.
Kaya sa pagwawakas ng araw na ito, mas lalo kong napagtanto kung gaano ka kataas at gaano ako kababa.
Cover Image Reference:
misfitblue. (n.d.). Philippine Jeep vector Illustration or Jeepney Free Vector. Vecteezy. https://www.vecteezy.com/vector-art/135052-philippine-jeep-vector-illustration-or-jeepney
Article Image Reference:
Ugbinar, A. (2021). Tarlac [Online Image].
The Philippines.com. (n.d.). Beautiful Balesin Island in the philippines -- Tourist Attractions, How to Get There, and More… https://www.thephilippines.com/2016/06/beautiful-balesin-island-philippines-tourist-attractions-how-to-get-there.html
Uy, J. (2021). Coron [Online Image].
Ramos, S. (2021). Miniloc [Online Image].
Gem, S. (2015, February 17). Weekly Photo Challenge: Symmetry. Coffee Breaks and Rainy Days. https://coffeebreaksandrainydays.wordpress.com/2015/02/17/weekly-photo-challenge-symmetry/
Agoda. (n.d.). 11 best hotels in Tagaytay. https://www.agoda.com/city/tagaytay-ph.html?cid=1844104