Isinulat nina Denise Richie Sy ng Grade 12 Hudson Taylor at
Gabrielle Summer Seming ng Grade 11 Matthew
Maraming magagandang tanawin na maaari nating mabisita o malakbay rito sa Pilipinas. Ang mga ito ay maaaring isang mall, o kaya ay mga makasaysayang lugar na kayang-kaya nating puntahan.
Nang nagkaroon ng malawakang lockdown, nagsara ang mga kalsada, ipinagbawal ang paglabas sa ating mga tahanan, at naapektuhan nang matindi ang turismo ng bawat bansa sa buong mundo. Ngunit ngayon, unti-unti nang nagbubukas ang mga lugar na ito at muling nanghihikayat sa mga tao na ito’y bisitahin.
Kaya dito sa artikulong ito, ako’y nangalap ng mga opinyon mula sa mga kapuwa ko Jubelians sa kanilang mga paboritong lugar sa Metro Manila at karatig bansa ng Pilipinas. Ito ang lima sa mga nangungunang sagot nila.
Robinsons Magnolia
Ito ay isa sa mga paboritong lugar na pinupuntahan ng mga Jubileans sa tuwing nagkakaroon sila ng half days kapag pasukan. Minsan ay nakasasawa na ang pumunta rito pero pinipili pa rin ng mga Jubileans na pumunta sa lugar na ito para makisama, tumambay, at makipagkuwentuhan kasama ang mga kaibigan sa mga kainan o cafe.
Image from Reyes, L. (2021). Retrieved from https://philstarlife.com/news-and-views/639914-moments-al-fresco-robinsons-malls
Caliraya
Napakarami nga naman talagang lugar na maaari nating puntahan sa Pilipinas at isa na roon ang Caliraya. Isa itong lawa na may magandang tanawin at maaaring pagbakasyunan ng mga dumarayo roon. Maaari ka ring mangisda rito o kaya nama’y maranasang mag-zipline at subukan ang iba pang gawain o recreational activities na maipagyayabang ng lugar na ito.
Image from Iko, M. (n.d.). as cited Caparas K. (2012). Retrieved from https://www.vigattintourism.com/tourism/articles/Lake-Caliraya-Bass-Fishing-Capital-of-the-Philippines
Singapore
Ano na? Tara, abroad na!
Kung ang mga tanawin at mga lugar pa lamang sa Pilipinas ay nakakamangha na, paano pa kaya kung dumayo tayo sa ibang bansa? Sa Singapore hindi lang ang mga kakaibang lugar ang dinadayo kundi pati na din ang mga masasarap na putahe katulad ng hotpot. Sa Gardens by the bay ay mapupuntahan at matatanaw mo ang Flower Dome at Cloud Forest. Sa mga lugar na iyon di mo mapagkakailang ang mga naggagandahang bulaklak at talon.
Talagang nakaka bilib ang mga maaari nating mapuntahan sa ibang bansa na katulad ng Singapore. Naipapakita rito na hindi lamang ang Pilipinas ang may napaka gandang mga lugar na maaring mapuntahan ng karamihan.
Image from Bocco, D. (2022). Retrieved from https://www.planetware.com/pictures/singapore-sin.htm
Ilocos Sur
Vigan, isa sa pinakakilalang lugar na kadalasang pinupuntahan sa Pilipinas. Samot-sari ang maaaring puntahan dito at kabilang na roon ang watch tower ng Bantay, Ilocos Sur na ilang kilometro lamang ang lapit sa Vigan. Ang watch tower na ito ang ginagamit ng mga mayayaman na Espanyol noong unang panahon. Dito ay mayroong nagbabantay at kumukuha ng mga larawan ng mga turistang nagmula pa sa iba’t ibang panig ng mundo. Isa pa sa maaari mong mapuntahan ay ang Calle Crisologo sa Vigan na kung saan ay maraming napreserbang lumang bahay at naggagandahang mga gamit noong panahon pa ng mga Espanyol.
Tunay na napakaraming makasaysayang lugar sa Ilocos Sur na hindi ka magsasawang puntahan at kamanghaan dahil sa pagkaawtentiko ng mga lugar na ito.
Image from jontotheworld. (2022). Retrieved from https://jontotheworld.com/ilocos-sur-tourist-spots/
Isla ng Balesin
Ang pagtungo sa iba’t ibang lugar kasama ang iyong mga kaibigan ay tunay na nakapagpapatibay ng inyong samahan, at isa na ang Isla ng Balesin sa mga dapat ninyong puntahan. Pitong themed villages ang mapapasyalan dito gayundin ang iba pang naggagandahang gusali. Bukod sa mga establisyimento, hindi rin mawawala ang kahali-halinang Balesin Beach kung saan ay maaari kang lumangoy, mag-kayak, at pagkatapos ay kumain sa mga kainan sa paligid nito. Pagdating ng hapon ay maaari mo ring masulyapan dito ang paglubog ng araw habang nakaupo sa buhanginan sa dalampasigan. Hindi rin magpapahuli sa mga dapat na bisitahin ang Costa Del Sol Village at ang St. Tropez Village na maihahalintulad sa picture-worthy na mga tabing-dagat na bayan sa katimugang bahagi ng Spain.
Image from Balesin Island Club (2022). Retrieved from https://balesin.com/the-balesin-regency-villas/
Ang simpleng pagpunta sa isang isla kasama ang ating mga mahal sa buhay ay daan upang makagawa tayo ng mga bagong alaala kasama sila — mga hindi malilimutang alaala sa ating buhay.