Sa ilang linggong paghahanda ng paaralan para sa kampanya at eleksyon, nitong ika-15 ng Setyembre 2022 pormal nang nailuklok ang mga bagong opisyal na mamamahala sa Supreme Student Government (SSG) para sa panuruang taong 2022-2023 sa Mataas na Paaralan ng Dalandanan.
Matagumpay na nailuklok sina John Clifford Torregoza, ang bagong pangulo, si Myra Legencio ang ikalawang pangulo, at si Irish Avecilla ay naupo naman sa posisyon ng kalihim. Samantala, nagwagi rin sina Beatriz Hernandez bilang Ingat-yaman, Princess Joy Berano bilang Tagasuri, Ansherina Agasen bilang Public Information Officer at sa posiyon naman na Protocol Officer ay si Lea Janselle Flores. Ang mga naitalagang kinatawan mula Pitong Baitang hanggang Senior High ay sina Angela Bien Dela Cruz, Jezreel Ann Pineda, Tyrone Ponciano, Isiah Delos Santos, Jazneen Salto at Dayanara Yongco.
Ayon kay Torregoza, ang bagong pangulo ng SSG, maaasahan ng lahat na maipatutupad nang maayos ang mga platapormang inihanda nila para sa pagsasaayos ng kanilang nasasakupan. Isasakatuparan nila ang mga proyekto sa tulong at gabay ng mga guro at isasaalang-alang ang mga pananaw ng kapwa mag-aaral.
Samantala, inaasahan naman ng dating pangulong Lalota na lalong paigtingin ng mga bagong halal sa bawat posisyon ang kampanya upang lutasin ang suliranin gaya ng bullying. Nag-iwan naman ng makabuluhang mensahe ang gurong tagapayo ng SSG, si Gng. Carmela Cruz, sa bagong pamunuan, "Be a leader in anyway around”, wika niya. Inaasahang magagampanan nang maayos at makatutulong ang mga bagong naitalagang opisyal sa pagpapabuti ng paaralan at mga mag-aaral.