-Isinulat ni Paula Sophia Y. Sayman
Naging mainit at maingay ang pagbati ng Department of Education (DepEd) sa muling pagbubukas ng mga paaralan. Ngunit hindi lamang ito simpleng balik-klase, buwan ng Mayo taong kasalukuyan, matatandaang sinimulan ang limitadong face-to-face class alinsunod sa DepEd Order No. 21, series of 2022.
Sang-ayon sa datos ng OCTA Research Group, unti-unti nang bumababa ang arawang kaso ng COVID-19. Hudyat sa naging kilos ng mga tao na gawin ang dating pamumuhay bago pa dumating ang pandemya: pagpunta sa pampublikong pamilihan, punuang sakay ng mga pasahero sa jeep, at balik-eskwela ng mga bata.
Sinira ng pandemya ang sistema ng edukasyon ng bansa partikular na nagdulot ng mababang kalidad na pagtuturo at pagkatuto sa mga mag-aaral. Bagamat ipinanukala ang pagsasagawa ng online classes at blended learning, hindi naging matibay na pundasyon ito ng pagkatuto ng mga bata. Nakitang salik ang naging kalayaan ng bata na kontrolin ang oras kung kaya’t kahit may klase o kailangang tapusin na module, naisasangtabi ito dahil sa iba’t ibang gawain na nakapaligid sa bata tulad ng gawaing bahay, paglalaro at paghahanap-buhay.
Ipinatupad ng alituntunin ng DepEd blg. 34, s. of 2022 alinsunod sa utos ni bise presidente at bagong talagang Department of Education Secretary na si V.P Sara Z. Duterte (Inday) dahil ani niya ay handa na ang kanilang departamento at ang mga paaralan para sa limang araw na klase (impormasyon mula sa inquirer).
Dahil dito, kaliwa’t kanan ang mainit na diskusyon ng mga mamamayan sa social media sa nagpakita ng samu’t saring opinyon, mayroong mga nagalak, may agam-agam, nadismaya, at nagdududa sa magiging sistema ng balik-eskwela.
Handa na nga ba talaga ang mga paaralan, mga guro, at mga mag-aaral?
Sa ekwelahan, mga mag-aaral ang pangunahing prayoridad. Ang pagkakaroon ng kontrolado at organisadong kapaligiran ay makakatulong sa mga mag-aaral na ibigay ang buong atensyon sa kanilang mga kinukuhang asignatura. Mas kayang pagtuunan ng atensyon ang klase na nagaganap sa apat na sulok ng eskwelahan kumpara sa bahay. Ayon naman sa ipinaskil ng Philippine Star Ngayon sa pahina ng kanilang Facebook, masasabing pangalawang bahay man ang paaralan, mas pipiliin pa rin nilang matuto rito kaysa sa sariling tahanan.
Bukod pa rito, nagkakaroon din sila ng interaksyon sa kanilang mga guro at kaklase. Ang kabataan ngayon ay hindi na sanay sa presensya ng ibang taong hindi nila nakasanayan. Marami sa mag-aaral ang nakaranas at patuloy na nakakaranas ng social anxiety dahil bihirang paglabas ng bahay at pakikisalamuha. Bagamat may mga social media, hindi lubos na nasanay ang mga tao sa pakikipagkomunikasyon sa publiko dahil may pagitan pa rin dito at naitatago ang tunay na damdamin sa likod ng mga gadyet.
Nakikitang pantulong ang pagbubukas muli ng mga paaralan para sa mga estudyante. Bagama't may iilang magulang o nakatatanda pa rin ang hindi payag dito. Ani ng iilang komento sa netizen, mas lalaki ang kanilang gastusin sa araw-araw na pagpasok sa paaralan, lalo pa't nagtataasan na ang bilihin maski ang pamasahe. Uniporme, baon, pamasahe, gamit sa eskwela at iba pang maaaring madagdag sa pang araw-araw na gastusin ng pamilya ang kanilang hinaing. Mas naiintindihan din ng mga mag-aaral na natututo sa litrato o bidyo kapag online class, at mas naeengganyo silang mag-aral sa mga magagandang palamuti at gumagalaw na presentasyon ng Guro.
Sa kabilang banda, maraming pagkakatulad ang face-to-face at online class. Pareho nitong layunin na turuan ang nakababatang henerasyon sa reyalidad ng buhay, binibigyan sila ng impormasyon na maaaring gamitin sa hinaharap, itinataas ng kamalayan tungkol sa kanilang kapaligiran, hinahanda sila para sa kanilang kinabukasan at nililinang ang kakayahan na makatutulong sa pansarili nilang kaunlaran.
Gayunpaman, kahit magkatulad ang layunin nito, ngunit masasabi nating nakalalamang pa rin ang face to face dahil mas nakatutulong ito sa pisikal, pisyolohikal, at emosyonal na pagkatuto at kalusugan ng mga guro at mag-aaral.
Malaking salik ang pera sa pagdedesisyon ng lahat na magbalik face-to-face classes ngunit pakatandaan na ang pera ay mababalik, ang kaalaman ay maaari ring balikan, ngunit ang pagkakataong matuto ay hindi palaging nariyan para sa lahat. Kaalaman, pagkakaibigan, at pagpapaunlad sa talento ang ilan lamang sa maaari nilang makamtan sa harapang klase.
Ano man ang sitwasyon, piliin natin ang dekalidad na edukasyon.