Ang Sportsfest sa UPHSD ay isang makulay at makabuluhang selebrasyon na nagdadala ng sigla sa komunidad ng paaralan. Dito nagtatagisan ng husay at talento ang mga mag-aaral sa iba’t ibang larangan ng sports tulad ng basketball, volleyball, esports, at marami pang iba. Ngunit higit pa sa mga kompetisyon, ang Sportsfest ay nagiging plataporma upang ipagdiwang hindi lamang ang lakas ng katawan kundi pati na rin ang talas ng isip at disiplina sa bawat larangan.
Ito rin ay sumisimbolo ng balanseng pag-unlad na kung saan pinapaalala nito na ang talino ay hindi lamang nasusukat sa akademiko kundi sa kakayahang makibahagi at magtagumpay sa iba’t ibang aspeto ng buhay, tulad ng palakasan. Sa bawat laro at pagsubok, nasusubok ang katatagan ng bawat indibidwal at ang kakayahan nilang magkaisa bilang isang komunidad. Ang pagtutulungan, pagkakaisa, at sportsmanship na ipinapamalas sa Sportsfest ang tunay na nagdadala ng diwa ng pagkakaibigan at tagumpay sa loob ng UPHSD.
"Sa kabila ng pagkakaiba-iba, nagkakaisa para magbigay ng suporta sa bawat isa."
"Kahit di nanalo, ang mahalaga'y nagkaisa, Pinaghirapan ay aming naitaguyod pa, Lahat ay ginawa nang may ngiti sa labi, Tagumpay sa puso ang tunay na nagwagi."
"Sa gitna ng selebrasyon, panalo man o talo, ang mahalaga ay may ngiti tayo sa bawat pagkakataon!"
“Huwag kalimutang sumuporta sa bawat laro, Dahil pagkakaisa ang tunay na tropeo!"
"Sa huli, kahit magkaiba tayo ng kulay na sinusuportahan, nagkakaisa tayo upang maitaguyod ang kabutihan para sa lahat. Tayo’y nagkakaisa sa kabila ng ating pagkakaiba, sapagkat iyon ang tunay na diwa ng Sportsfest—pagkakaisa, respeto, at pagsuporta para sa tagumpay ng bawat isa."
Sa huli, ang pinakaimportante ay ang mga aral na ating natutunan mga leksyon na nagpapaalala sa atin na mas makakabuti kung tayo ay nagtutulungan at nagkakaisa. Walang tatalo sa lakas ng pagkakaisa ng bawat isa, dahil dito nasusukat ang tunay na tagumpay. Dapat nating laging tandaan na sa bawat hamon, hindi tayo kailanman nag-iisa. Saan mang sulok ng mundo, may mga taong naniniwala at sumusuporta para sa atin, mga kaibigan, pamilya, at maging mga kakampi o kalaban sa laro. Ang pagkakaroon ng ganitong suporta ang nagbibigay- lakas sa atin upang magpatuloy at maging mas mabuting indibidwal. At the end of the day, ang Sportsfest ay isang kompetisyon lamang. Panandalian lamang ang laban, ngunit ang pagkakaibigan at respeto ay pangmatagalan. Magkakaiba man tayo ng koponan o kulay, iisa pa rin ang ating layunin: ang ipakita ang ating kakayahan nang may integridad, sportsmanship, at pagmamalasakit sa isa’t isa. Ito ang tunay na diwa ng tagumpay ang pagkakaisang bumuo ng mas matibay na samahan.