NEWS
FILIPINO
FILIPINO
Magnitude 6.9 na Lindol Yumanig sa Cebu
By: Princes Zyril Jamero
Isang malakas na lindol ang yumanig sa Cebu na may lakas na magnitude 6.9 nitong martes ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Pasado alas 9:59 ng gabi naramdaman ang malakas na pagyanig at nagdulot ito ng matinding kaba sa mga residente sa iba’t ibang bayan at lungsod.
Batay sa ulat ng PHIVOLCS, nasa karagatan ng hilagang bahagi ng Cebu, malapit sa bayan ng Bogo ang sentro ng lindol. Dahil dito, ilang lugar ang nakaranas ng pagkawaka ng kuryente matapos ang malakas na pagyanig. Marami ring mga residente ang nagsilabasan mula sa kanilang mga tahanan at establisyemento para makaiwas sa posibleng panganib.
Wala namang inilabas na malawakang tsunami warning, ngunit may paalala ang mga awtoridad na mag-ingat at maging handa sa mga posibleng aftershocks. Pinayuhan din ang publiko na sundin ang tamang safety protocols at huwag magpakampante sa mga ganitong sitwasyon.
Sa ngayon, patuloy na mino-monitor ng Phivolcs ang sitwasyon at iniimbestigahan ang pinsala na idinulot ng lindol. Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga mamamayan ng Cebu na manatiling kalmado at makinig sa mga opisyal na anunsyo para sa kanilang kaligtasan.
10/01/25
Talino at Talento, Bida sa SCIMATH 2025
By: Angel Sabutanan
Punong-puno ng talino, sigla, at kasiyahan ang SCIMATH 2025 na ipinagdiwang ng STAC noong ika-3 ng Oktubre. Sa temang “Harnessing the Unknown: Powering the Future through Science Innovation,” umapaw ang pagkamalikhain at husay ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang senior high school sa iba’t ibang patimpalak at pagtatanghal.
Naging makulay ang pagbubukas ng programa sa SciMath Costume Parade ng mga elementary students, kung saan itinampok ang kanilang malikhaing kasuotan na may kaugnayan sa agham at matematika. Sinundan ito ng masiglang Math Sayaw ng Baitang 7 at 8, at nakakaaliw na Shout Out ng Baitang 9 at 10 na nagbigay-sigla sa lahat ng manonood.
Nagpakitang-gilas din ang mga kalahok sa Extemporaneous Speech Contest, kung saan ipinakita nila ang kanilang talino at bilis ng pag-iisip.
Hindi rin nagpahuli ang mga senior high school students sa kanilang Science Skit, na parehong nakakaaliw at kapupulutan ng aral.
Naging highlight din ang espesyal na Shout Out performance ng DSTMF 2nd Placer, na naghatid dagdag-inspirasyon sa mga manonood.
Sa pagtatapos ng programa biniyang-parangal ang mga nanalo, bilang pagkilala sa kanilang husay at pagsisikap. Tunay na naging makabuluhan at masaya ang SCIMATH 2025, dahil pinagsama nito ang kaalaman, kasiyahan, at talento ng bawat Tomasino.
10/04/25
SciMath Culmination: Laro ng Talino, Hakbang sa Kinabukasan
By: Princess Zyril Jamero
Matagumpay na isinagawa ang masiglang pagdiriwang ng agham at matematika noong ika-3 ng Oktubre ang taunang SciMath Culmination na may temang “Powering the Future through Science Innovation.” Layunin ng programa na ipakita kung paano ang agham at matematika ay nagsisilbing ilaw sa paglinang ng kritikal na pag-iisip at inobasyon ng kabataan, at higit sa lahat tulay tungo sa pag-unlad ng kinabukasan.
Ibinida ng mga kalahok ang kanilang husay sa iba’t ibang patimpalak at presentasyon. Kabilang sa mga tampok na aktibidad ang shoutout contest, mad scientist skit, at extemporaneous speaking na talaga namang nagpasiklab sa entablado. Sa bawat laban at pagtatanghal, ipinakita ng mga estudyante na kayang maging masaya, kapana-panabik, at makabuluhan ang pag-aaral ng agham at matematika.
Hindi rin nagpahuli ang mga guro at tagapayo na buong pusong sumuporta sa mga kalahok. Ramdam ang samahan at inspirasyon sa bawat sigaw ng pagbati at palakpak mula sa mga kaklase at kaibigan.
Nagtapos ang programa sa isang awarding ceremony kung saan kinilala ang mga nagwagi at kalahok na nagpamalas ng galing at dedikasyon. Higit pa sa tropeo at medalya ang ipinakita ng SciMath Culmination na ang tunay na tagumpay ay ang patuloy na pagyakap ng kabataan sa agham at matematika bilang daan tungo sa isang mas maliwanag at makabagong kinabukasan.
10/04/25
San Carlo Acutis, Inspirasyon ng Kabataan sa Makabuluhang Paggamit ng Media
By: Angel Sabutanan
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ni San Carlo Acutis, isinasagawa ngayong Linggo, Oktubre 12, 2025, ang seminar na may temang “Voices That Matter in the Digital World” sa Knights of Columbus Club House, Diocesan Shrine and Parish of the Immaculate Conception, Sogod, Southern Leyte.
Layunin ng programa na mapalawak ang kamalayan ng mga kabataan tungkol sa responsableng paggamit ng media at impormasyon sa makabagong panahon. Pinangungunahan ito ng Diocesan Commission on Youth, na naglalayong itaguyod ang tamang paggamit ng teknolohiya ayon sa halimbawa ni San Carlo Acutis, patron ng mga kabataan at ng internet.
Nagsisimula ang programa sa alas-8 ng umaga para sa arrival at registration, kasunod ang launch pad at Talk I na may temang “Beyond the Feed: Media Ethics and Social Responsibility.” Pagkatapos nito ay nagkakaroon ng open forum at Holy Mass bilang paggunita sa kapistahan ni San Carlo Acutis.
Pagdating ng tanghali, isinasagawa ang Talk II na may paksang “The Power of Story: Truth, Impact, and Integrity in Media and Information.” Sinusundan ito ng workshop, giving of certificates, at pagtatapos ng programa sa ganap na 2:30 ng hapon.
Ang aktibidad na ito ay nagsisilbing paalala sa mga kabataan na maging mapanuri, makatotohanan, at may pananagutan sa paggamit ng digital media. Sapagkat tulad ni San Carlo Acutis, na gumamit ng teknolohiya upang ipalaganap ang pananampalataya, ang boses ng katotohanan at kabutihan pa rin ang tunay na mahalaga sa digital na mundo.
10/12/25
Magnitude 7.4 na Lindol, Yumanig sa Davao Orienta
By: Princess Zyril Jamero
Isang malakas na lindol ang yumanig sa karagatan ng Davao Oriental nitong Biyernes, Oktubre 10, na nagdulot ng matinding pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang lindol sa magnitude 7.4 bandang 9:43 ng umaga, ilang kilometro timog-silangan ng bayan ng Manay, Davao Oriental.
Tectonic ang pinagmulan ng naturang lindol, dahilan upang maglabas ang Phivolcs ng tsunami warning sa mga baybaying lugar ng Davao Region. Kalaunan ay binawi ang babala matapos makumpirmang hindi gaanong mapanganib ang pagtaas ng tubig sa karagatan. Gayunman, nanatiling alerto ang mga residente at marami ang kusang lumikas sa mas mataas na lugar bilang pag-iingat.
Naramdaman ang lakas ng pagyanig sa mga karatig-lalawigan tulad ng Davao de Oro, Davao del Norte, Agusan del Sur, at ilang bahagi ng General Santos City. Ilang gusali at kabahayan ang naiulat na napinsala, at may mga kalsadang pansamantalang isinara dahil sa bitak at pagguho ng lupa. Umabot naman sa 476 aftershocks ang naitala sa loob ng maghapon matapos ang lindol, ayon sa Phivolcs.
Batay sa mga ulat, umabot sa pitong katao ang nasawi habang ilan ang nasugatan dahil sa pagbagsak ng debris at pagguho ng mga pader. Patuloy ang isinasagawang assessment ng lokal na pamahalaan sa lawak ng pinsala at pangangailangan ng mga apektadong mamamayan.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng Phivolcs at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga opisyal na abiso. Inaasahan pa ang mga aftershock sa mga susunod na araw, kaya’t nananawagan ang mga awtoridad ng patuloy na pag-iingat at kahandaan ng lahat.
10/11/25
Agham at Kaalaman, Itinampok sa Science Exhibit ng STAC
By:Angel Sabutanan
Puno ng sigla at paghanga na nakibahagi ang mga Thomasians sa Interactive Science Exhibit na ginanap noong Oktubre 22, 2025 sa St. Thomas Aquinas College (STAC). Ang makabagong aktibidad na ito ay isinagawa ng Wandering Minds PH na may layuning magbigay-inspirasyon at maghatid ng kaalaman sa mga kabataan hinggil sa kamangha-manghang mundo ng agham at teknolohiya.
Layunin ng gawain na ipakita kung paano nagagamit ang mga aralin sa agham sa totoong buhay at palawakin ang interes ng mga mag-aaral sa agham sa pamamagitan ng interaktibong karanasan at pagkatuto.
Ang exhibit ay binubuo ng tatlong istasyon na nagbigay ng karagdagang impormasyon at kamalayan sa mga kalahok. Unang Istasyon: Space Exhibit, tampok ang mga modelo at impormasyong may kinalaman sa kalawakan at mga planeta. Sa Ikalawang Istasyon: Space Dome, naranasan ng mga estudyante ang isang immersive na virtual tour sa kalawakan. Samantalang sa Ikatatlong Istasyon: Climate Change, tinalakay ang mga epekto ng pagbabago ng klima at mga paraan upang mapangalagaan ang ating kapaligiran.
Ayon sa mga guro, ang Science Exhibit ay nakatulong upang mapalawak ang pag-unawa at interes ng mga kabataan sa agham at maipakita ang kahalagahan nito sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang aktibidad ay naging makabuluhang karanasan para sa mga estudyante dahil bukod sa natutunan nila ang agham, naipakita rin nila ang kanilang pagkakaisa at pagpapahalaga sa agham bilang mga Thomasians.
10/22/25
Mga Mag-aaral ng STAC Lumahok sa Wandering Minds Science Exhibit
By: Princess Zyril Jamero
Isinagawa sa Saint Thomas Aquinas College (STAC) noong Oktubre 22, 2025 ang “Wandering Minds Science Mobile Exhibit,” isang buong araw na aktibidad na nagbigay ng makabuluhang karanasan sa mga mag-aaral tungkol sa agham at teknolohiya.
Ang naturang gawain ay alinsunod sa DepEd Region VIII Advisory No. 059, s. 2025, bilang bahagi ng Space Dome Mobile Planetarium Experience na inorganisa ng Wandering Minds PH. Layunin nitong mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan sa agham sa pamamagitan ng mga aktibong pakikilahok at karanasang makapupukaw ng interes.
Tatlong pangunahing istasyon ang itinampok sa exhibit. Sa “Why Mars Station,” tinalakay ang mga kaalaman tungkol sa planetang Mars, pamumuhay ng mga astronaut, mga satelayt, at meteorite. Sa “Planet Dome” o planetarium naman, naranasan ng mga mag-aaral ang isang kakaibang paglalakbay patungo sa kalawakan habang tinatalakay ang mga bituin, planeta, teorya ng ebolusyon, at pinagmulan ng buhay. Samantala, sa ikatlong istasyon, itinampok ang mga paksang may kaugnayan sa climate change, artificial intelligence (AI), at robotics, kung saan nasaksihan ng mga mag-aaral ang mga aktwal na demonstrasyon ng makabagong teknolohiya.
Lumahok sa aktibidad ang mga mag-aaral mula elementarya hanggang senior high school, kasama ang kanilang mga guro. Bahagi rin ng programa ang planong stargazing activity, depende sa lagay ng panahon.
Sa kabuuan, layunin ng programa na linangin ang interes, pagkamalikhain, at kaalaman ng mga mag-aaral sa agham sa paraang makabuluhan at nakaaaliw. Suportado rin nito ang adbokasiya ng Department of Education na palakasin ang agham sa mga paaralan habang pinangangalagaan ang pagpapatupad ng “no-disruption-of-classes policy” alinsunod sa DepEd Order No. 9, s. 2005.
10/23/25
Top 1 Most Wanted sa Sogod, Arrestado sa kasong Rape
By: Angel Sabutanan
Matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Sogod Municipal Police Station (MPS) ang isang Most Wanted Person sa isinagawang Manhunt Operation bandang alas-5 ng hapon sa Barangay San Pedro, Sogod, Southern Leyte noong Oktubre 24, 2025.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Joseywells M. Estopin, Officer-in-Charge ng Sogod MPS.
Ang suspek ay nakalista bilang Top 1 Most Wanted Person sa antas ng munisipalidad at Top 9 sa antas ng probinsya. Siya ay naaresto sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong Rape alinsunod sa Paragraph 2 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 8353, at may kaugnayan sa Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”
Walang piyansa ang inirekomenda para sa kanyang kalayaan.
Bago dalhin sa himpilan ng pulisya, ipinaalam sa akusado ang dahilan ng kanyang pag-aresto at ang kanyang mga karapatang Miranda alinsunod sa tamang proceso. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Sogod MPS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon ng kaso.
Ang Sogod Municipal Police Station (MPS) ay patuloy na naninindigan sa kanilang layuning maihatid ang hustisya at matiyak na ang mga pinaghahanap ng batas ay mapanagot sa kanilang mga krimen.
10/28/25
Utility Worker sa Sogod, Nakaligtas sa Kagat ng King Cobra
By: Angel Sabutanan
Isang utility worker sa Sogod, Southern Leyte nakaligtas matapos makagat ng makamandag na King Cobra. Nakaligtas matapos makagat ng makamandag na king cobra si alyas “Jose,” 35 taong gulang, isang utility worker ng Southern Leyte State University – Main Campus, nito lamang Enero 14, 2026.
Ayon kay Leo Alvarez Omamalin, supervising administrative officer ng unibersidad, habang naglilinis umano sa damuhan si Jose ay nakagat siya ng ahas. Agad na inireport ni Jose sa kanyang supervisor sa General Services Office ang nangyari, hanggang sa umabot ito kay Omamalin. Agad na pinuntahan ng supervising administrative officer si Jose at kinumbinsi na magpunta sa ospital upang magpagamot, subalit siya ay nag-atubiling gawin ito.
“Dili ko magpadala sa hospital, Sir, kay mamatay ko ug magpa-hospital ko” aniya. Matapos siyang kausapin ni Omamalin ay tuloyan nang napasang-ayon si Jose. Mabilis siyang isinugod sa Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City, Leyte, ospital kung saan may suplay ng anti-venom. Kasamang dinala sa ospital ang king cobra upang isailalim sa proper species identification.
Matapos ang insidente, naglabas ang unibersidad ng paalala ukol sa pag-iingat sa mga ahas at agarang koordinasyon sa Health Services Office.
01/18/26