COLUMN
FILIPINO
FILIPINO
Matatag na Kurikulum, Matatag na Kinabukasan
By: Kent Narbonita
Ang edukasyon ng Pilipinas ay matagal nang may kinakaharap na problema tulad ng kakulangan sa pasilidad, kulang na suporta sa mga guro, at higit sa lahat, ang hirap ng mga estudyante na matuto nang husto. Sa dami ng taon na inilalaan nila sa pag-aaral nakakalungkot isipin na marami pa rin ang hindi marunong bumasa o umunawa sa kanilang binabasa.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) may tinatayang nasa 18 milyong nagtapos ng junior at senior high school katumbas ng humigit-kumulang 21% ng lahat ng SHS (Senior Highschool) graduates ang napatunayang hindi pa rin “functionally literate” o hindi marunong bumasa, magsulat, o umunawa ng simpleng teksto kahit nakatapos na ng batayang edukasyon.
Sa totoo lang, hindi na bago ang balitang maraming kabataan ang nahihirapang bumasa o umunawa ng aralin, at sa ngayon isa na itong nakakaalarmang sitwasyon. Hindi na ito simpleng problema sa pag-aaral, kundi maaari nitong maapektuhan ang paglaki at pag-unlad ng isang bata. Dapat itong bigyan ng pansin dahil apektado na ang kinabukasan ng maraming kabataan.
Kaya isinusulong ng DepEd (Department of Education) ang Matatag Curriculum o “Revised K – 10 Curriculum” na naglalayong itaas ang kalidad ng edukasyon, lalo na sa kindgarten hanggang elementarya, sa pamamagitan ng pagbibigay diin sa mahahalagang kasanayan tulad ng literacy (pagbabasa) at numeracy (pagbibilang).
Edukasyon ang susi sa ttagumpay Kaya’t kung nais nating makita ang isang bansang maunlad, dapat ay simulan natin sa pagbibigay ng dekalidad at makabuluhang pagkatuto sa mga kabataan at dito nagsisimula ang tunay na pagbabago.
(07/11/2025)
Walang Edad Ang Pananagutan: Kung Mabigat ang Krimen
By: Kent Narbonita
Hindi inaasahan ang trahedyang yumanig sa isang tahimik na barangay sa La Filipina, Tagum City. Sa tahanang dapat sana’y ligtas at payapa, isang inosenteng dalaga ang pinaslang. Si Sophia Marie G. Coquilla, labing siyam (19) na taong gulang, ay walang awang pinatay ng dalawang menor de edad na balak lang daw magnakaw. Pero hindi lang gamit ang nawala, pati buhay ang kinuha nila.
Habang tulog ang kanyang mga magulang sa kabilang kwarto, nagising si Sophia at doon nataranta ang mga suspek. Imbes na sila’y tumakas, sinaksak nila ang dalagita ng tatlumpu’t walo (38) na beses hanggang mamatay.
Ang mas nakakagulat, nang mahuli ang mga suspek, hindi sila nakulong, hindi dahil inosente kundi dahil menor de edad daw. Dinala lang sila sa DSWD at protektado ng Republic Act 9344, isang batas na naglalagay ng mga kabataang sangkot sa krimen sa rehabilitasyon imbes na kulungan, kahit gaano kabigat ang ginawa.
Kung ganito kabigat ang krimen at halatang alam nila ang ginagawa, bakit hindi sila pwedeng panagutin? Walang edad sa pananagutan kung buhay ang kinuha. Hindi sapat ang pagiging menor de edad para makaiwas sa batas.
May Republic Act 10630 na nagsasabing kung ang menor de edad ay may sapat na pag-iisip para malaman ang tama at mali, maaari siyang managot sa batas. Isinabatas ito para linawin na hindi lahat ng minor ay basta makakalusot. Sa kaso ni Sophia, halatang pinagplanuhan ang pagnanakaw at marahas siyang sinaksak ng tatlumpu’t walo (38) na beses. Sa ganitong klase ng krimen, hindi ba’t sapat na patunay na alam nila ang ginagawa nila?
Hanggang kailan natin palalampasin ang ganitong klaseng sistema? Isang buhay na inosente ang nawala, at ang kapalit ay ilang taon lang sa kustodiya? Hindi ito hustisya. Panahon na para pairalin ang tunay na katarungan, hindi lang para sa mga may edad, kundi para sa lahat ng biktima, bata man o matanda ang gumawa, dapat may pananagutan. Hustisya para kay Sophia. Hustisya para sa lahat ng biktima ng karahasang pinagtatakpan ng batas.
(07/12/2025)
Teknolohiyang Marunong Magsinungaling
By: Kent Narbonita
Sa panahong ito, mabilis ang pag-unlad ng teknolohiya at halos lahat ng tao ay gumagamit nito araw-araw. Mula sa pag-aaral, trabaho, balita, hanggang sa social media, karamihan ng ginagawa natin araw-araw ay dumadaan na sa teknolohiya.
Ngunit habang lumalawak ang paggamit ng makabagong teknolohiya, kasabay din ang pagdami ng panlilinlang lalo na sa social media.
Dahil sa artificial intelligence (AI), mas madali na ngayong gumawa ng mga pekeng larawan, boses, at video. Hindi lang ito basta edited, ito ay tinatawag na “deepfake”, kung saan ginagaya ang anyo at galaw ng isang tao upang palabasin na may sinabi o ginawa siya kahit hindi naman totoo. Sa isang tingin, parang totoo. Sa isang click, libo-libong tao ang naniniwala. At sa isang maling paniniwala, puwedeng masira ang reputasyon o pagkatao ng isang indibidwal.
Lalo itong nagiging delikado sa panahong maraming tao ang hindi na nagsusuri bago maniwala. Sa bilis ng takbo ng impormasyon sa social media, kadalasan, nauuna ang reaksyon bago ang pag-iisip. Isang maling post lang, puwede nang magdulot ng galit, takot, o pagkalito sa maraming tao at madalas, hindi na ito agad naititama.
Hindi masama ang teknolohiya. Sa katunayan, malaki ang naitutulong nito sa edukasyon, komunikasyon, at kabuhayan. Pero kapag ginamit sa maling paraan, nagiging kasangkapan ito ng kasinungalingan at paninira.
Kaya habang patuloy tayong nakikisabay sa makabagong mundo, mahalagang huwag nating kalimutang maging mapanuri, responsible, at maingat. Hindi lahat ng nakikita natin online ay totoo. At sa panahong marunong nang magsinungaling ang teknolohiya, tayo mismo ang dapat matutong magsuri ng katotohanan.
(07/19/2025)
Kaligtasan ng Mag-aaral: Huwag Kalimutan sa Panahon ng Kalamidad
By: Kent Narbonita
Sa isang bansa gaya ng Pilipinas na taon-taon ay binibisita ng matinding init at sunod-sunod na bagyo, hindi na bago sa atin ang mga ganitong sakuna. Pero ang nakakalungkot, kahit alam nating dumarating ito kada taon, tila lagi pa rin tayong nahuhuli sa paghahanda.
Kamakailan lang, dinala sa pagamutan ang halos dalawang daan (200) estudyante at dalawang guro sa isang paaralan sa Isabela City, Basilan, matapos silang mahilo at mawalan ng malay habang sumasali sa grand parade ng intramurals. Ang sanhi? Matinding init. Isipin mong isang aktibidad na dapat sana’y masaya, nauwi sa pagkakasakit. Sa bilang na iyon, 35 ang nanatiling inoobserbahan sa ospital. Ito ba ang epekto ng edukasyong dapat ay nagtataguyod ng kapakanan at kaligtasan ng mag-aaral?
Hindi lang ito nangyayari tuwing tag-init. Pati na rin sa tag-ulan, may mga paaralang pinipiling ituloy pa rin ang klase kahit malakas na ang ulan at lumulubog na sa baha ang paligid. Para bang kailangang may mangyari munang masama bago pa sila gumawa ng aksyon.
At habang pinipilit pa rin nating ituloy ang lahat na parang normal lang, unti-unti namang napapabayaan ang kaligtasan ng mga estudyante na dapat sana’y iniingatan ng mga namumuno. May mga estudyanteng kailangang lumusong sa baha, mabasa ang damit, at tiisin ang ginaw habang papasok. Lahat ng iyan tiniis nila para lang hindi mamarkahan ng “late” o “absent”. Minsan pa, pati mga guro napipilitang pumasok at magturo kahit delikado na sa kalusugan at kaligtasan nila.
Sa ganitong mga sitwasyon, malinaw ang tanong kung ano ba talaga ang inuuna. Events ba, iskedyul, attendance o ang kapakanan ng mga tao? Oo, mahalaga ang pagpasok sa paaralan at ang edukasyon, pero kapag kaligtasan na ang nakataya, hindi na ito dapat pinipilit. Hindi dapat kailanganin pang may masaktan, magkasakit, o malagay sa panganib bago tayo kumilos.
Kung taon-taon tayong binabaha at nakakaranas ng sobrang init, dapat taon-taon din tayong nagiging mas handa, hindi mas pabaya.
(07/29/2025)
Mabigat ang Trabaho: Magaan ang Sweldo
By: Kent Narbonita
Araw-araw, milyon ang gumigising nang madaling-araw para magtrabaho. Bitbit ang baong pag-asa at kaunting pamasahe, sumasakay ng jeep, tricycle, bus. Lahat tiniis para lang makarating sa trabaho nang hindi late. Kahit puyat, kahit may iniindang sakit, tuloy pa rin. Kasi kailangan. Kasi walang ibang aasahan kundi sarili.
Pero sa dami ng oras at lakas na binibigay ng bawat Pilipino sa trabaho, bakit parang laging kapos?
Sakto lang sa bayarin ang sahod, minsan kulang pa. Walang natitira para sa sarili, para sa pahinga, para sa pamilya. Pagod sa trabaho, pagod pa sa pag-iisip kung paano pagkakasyahin ang kita.
Hindi lang ito kwento ng iilan. Kwento ito ng karamihan sa ating mga Pilipino. Mula sa janitor hanggang sa guro, mula sa tindera sa palengke hanggang sa call center agent. Lahat nagsusumikap, pero pare-parehong nagkakasya sa kulang. Kahit anong tipid, kahit anong overtime, hindi pa rin sapat. May sweldo nga, pero wala namang pahinga. May trabaho, pero walang katiyakan kung hanggang kailan.
At habang patuloy na tumataas ang presyo ng bigas, kuryente, pamasahe, at mga bilihin, nananatiling mababa ang sahod. Para bang taon-taon, tumataas ang lahat maliban sa tingin ng lipunan sa halaga ng manggagawa. Isang linggong trabaho, pero dalawang araw lang sapat ang kita. Kaya kahit pagod na, sige lang. Kahit may sakit, papasok pa rin. Kasi kung hindi kikilos, walang kakain. Kung hihinto, wala nang aasahan.
Sa ganitong sistema, kahit anong sipag, hindi ito sapat para makaahon sa hirap. Sa halip na umangat, lalo pang nalulubog sa hirap. Marami ang napipilitang magsabay ng dalawang trabaho o higit pa, pero kahit anong kayod, hindi pa rin makausad. Ang mas masakit pa, kapalit ng sobrang pagtatrabaho ay ang oras na sana’y para sa pamilya, para sa sarili, at para sa pahinga. Lahat isinasakripisyo para lang mabuhay sa araw-araw.
Ito ang realidad ng maraming Pilipino, Mabigat ang trabaho, pero magaan ang sweldo. Mabigat ang responsibilidad, pero kulang ang pagkilala. Lahat ng pagod at sakripisyo, ang kapalit ay kulang, minsan pa nga wala talaga.
(08/02/2025)
Acquaintance Party: Simula ng Bagong Koneksyon
By: Kent Narbonita
Tuwing pasimula ng taon, isa sa mga inaabangan ng maraming estudyante ang Acquaintance Party. Sino ba naman ang hindi matutuwa? May tugtugan, sayawan, pagkain, at siyempre, pagkakataon para makilala ang mga iba’t ibang estudyante at guro. Para sa ilan, ito ang pinaka inaabangang gabi na nagsisilbing pahinga mula sa tambak ng gawain at pagkakataong magpakasaya.
Pero hindi lang ito basta isang “party”. Layunin ng okasyong ito na magbuo ng koneksyon. Sa simpleng pakikipag-usap, pagtawa, o pagsasayaw kasama ang mga bago at dating kakilala, dito nagsisimula ang mas matibay na samahan. Sa ganitong mga pagkakataon, natutuklasan natin na ang paaralan ay hindi lamang lugar para mag-aral kundi isang komunidad na nagbibigay ng suporta at inspirasyon.
Sa gabing ito, nagiging pantay-pantay ang lahat. Walang iniintinding antas o pagkakaiba, at bawat isa ay nagkakaroon ng pagkakataong makihalubilo at magbahagi ng saya. Ang mga simpleng sandaling tulad ng pagkuha ng litrato, paghiyawan, pagsasayaw, tawanan, at kuwentuhan ay nagiging mga alaala na mananatili at babalik-balikan sa mga susunod na taon. Mga tagpong muling dadalawin sa isipan sa paglipas ng panahon, mga imaheng mananatiling buhay sa isipan at puso, na magsisilbing palatandaan na minsan, sa gitna ng mga pagsubok at gawain, may mga araw o gabi na puno ng kasiyahan at pagkakaibigan na walang kapantay.
Sa huli, ang Acquaintance Party ay higit pa sa simpleng pagtitipon. Kahit hindi natin agad makilala ang lahat, ang maliit na interaksyon ay maaaring maging simula ng isang pagkakaibigang tatagal. Patunay ito na sa isang komunidad, mahalaga ang mga sandaling nagpapalapit sa atin sa isa’t isa. Sa bawat tawa at kwento, nabubuo ang ugnayang nagbibigay-lakas sa pagharap sa mga hamon. Kapag binalikan ang gabing ito, hindi lang saya ang maaalala kundi ang damdaming tayo ay kabilang at konektado. Ang tunay na diwa ng Acquaintance Party ay ang pagiging bukas sa bagong koneksyon at pagbibigay halaga sa samahan.
(08/10/2025)
West Philippine Sea: Ating Dagat, Ating Ipagtatanggol
By: Kent Narbonita
Isang araw baka magising na lang tayo na wala na ang West Philippine Sea at wala man lang tayong nagawa. Bawat alon nito ay may dalang kabuhayan para sa ating mga mangingisda, yaman para sa bansa at karangalan bilang Pilipino. Ngunit habang patuloy ang panghihimasok at pang-aabuso ng ibang bansa tila mas nasasanay tayong magtiis kaysa lumaban. Hanggang kailan tayo mananahimik habang unti unting inaangkin ang ating teritoryo?
Araw-araw may balitang may humaharang, nagtataboy, o nang-aapi sa ating mga kababayan sa dagat. Nitong huli nga, nagbanggaan pa ang dalawang barko ng China habang hinahabol ang barko natin sa Scarborough Shoal. Imbes na magpakita ng respeto, mas lalong pinatigas ang panggigipit. Para bang gusto nilang iparamdam na wala tayong lugar sa sarili nating karagatan.
Hindi na ito simpleng away sa dagat. Malinaw na pambabastos na ito sa bansa natin. Mas mabigat isipin, parang kulang at mabagal pa rin ang ginagawa ng mga lider na dapat nangunguna sa pagtatanggol sa atin. Oo, may mga press release at protesta, pero hanggang salita lang ba talaga tayo? Habang abala tayo sa pakikipag-usap at pag-iisip kung anong gagawin, ang mga barko at tauhan ng China ay walang tigil sa pagkilos araw-araw para unti-unting lamunin ang mas malaking bahagi ng ating karagatan. Kapag patuloy tayong ganito, darating ang araw na huli na ang lahat at wala na tayong babalikan.
Kung mahal talaga natin ang bansa, hindi pwedeng puro salita lang at hintay ng aksyon ng iba. Kailangang maramdaman ng lahat na handa tayong tumayo at ipaglaban ang atin. Ang West Philippine Sea ay hindi lang basta tubig sa mapa, ito ay kabuhayan ng ating mga mangingisda, yaman ng bayan, at siguridad ng ating bansa. Kapag patuloy nating hinahayaan ang pang-aangkin at pananakot, darating ang panahon na wala na ang ating teritoryo at mawalan tayo ng kontrol sa sariling karagatan. Panahon na para kumilos at ipakita ang tapang. Ipaglaban ang ating karapatan at teritoryo bago huli na.
(08/15/2025)
Flood Control o Fund Control
By: Kent Narbonita
Baha na ang naging simbolo ng Pilipinas tuwing tag-ulan. Kahit konting buhos lang, agad nang lubog ang mga kalsada at kabahayan. Paulit-ulit na lang ang eksena, paulit-ulit na rin ang pangako ng gobyerno na maaayos ito. Pero bakit hanggang ngayon, parehong problema pa rin ang ating hinaharap?
Bilyon-bilyon na ang inilalaan ng gobyerno para sa mga flood control projects gaya ng drainage, pumping stations, dike at dredging ng mga ilog. Taon-taon may inilalabas na pondo pero hanggang ngayon, hindi pa rin ramdam ang pagbabago. Sa halip na guminhawa, mas mabilis pang umapaw ang tubig kaysa makita ang resulta ng mga proyektong ito.
Ang totoo, hindi sapat ang proyekto kung hindi maayos ang pagpapatupad. Hindi sapat ang pondo kung hindi tapat ang paggamit. Hindi sapat ang pangako kung hindi nakikita ang resulta. Sa bandang huli, ang ordinaryong Pilipino pa rin ang nagdurusa habang ang ilang opisyal ay nagtatago sa tarp at litrato.
Habang ang mga tao ay lumulusong sa baha para makapasok sa trabaho o makauwi sa pamilya, may mga opisyal namang nakikinabang sa pondong inilaan para sa flood control. Imbes na mapakinabangan ng lahat, napupunta sa bulsa ng iilan. Kaya imbes na mabawasan ang baha, lalong lumulubog sa problema ang taumbayan.
Kung patuloy na mauuna ang bulsa kaysa serbisyo, walang katapusan ang baha sa bansa. Hindi lang ito tungkol sa tubig na pumapasok sa kalsada at bahay kundi sa kawalan ng malasakit at tunay na aksyon. Hangga’t walang tapat na pamumuno at maayos na paggamit ng pondo, mananatiling nakalubog ang Pilipinas hindi lang sa baha kundi sa parehong lumang problema na paulit-ulit na lang inuulan ng pangako.
Sobrang lala ng korapsyon sa Pilipinas, at halos dito nagmumula ang lahat ng pagdurusa ng tao. Ito ang totoong dahilan kung bakit hindi matapos-tapos ang problema sa baha, dahil mas malalim pa ang pagkakalubog natin sa pagnanakaw at kasakiman ng ilang opisyal at negosyanteng kumikita sa mga proyekto kaysa sa baha mismo.
(08/23/2025)
Bayan na Ninakawan
By: Kent Narbonita
Sa bawat sulok ng Pilipinas ramdam ang bigat ng korapsyon. Hindi matapos tapos ang mga kalsada, overpriced ang mga proyekto, at may mga flood control na tila walang silbi dahil tuwing umuulan ay lumulubog pa rin ang mga kalsada. Hindi lang pera ang nawawala kundi pati tiwala at pag-asa ng mamamayan.
Nakakagalit isipin na ang buwis na pinaghirapan ng bawat Pilipino ang pinagkukunan ng pondo ngunit ang balik ay kulang na kulang na serbisyo. May mga batang hindi makapasok sa paaralan dahil walang sapat na silid aralan. May mga pasyente na namamatay dahil kulang ang gamot at maayos na pasilidad sa ospital. Taon taon may mga pamilyang binabaha at nawawalan ng tirahan dahil sa palpak na mga proyekto sa flood control. Samantalang ang ilan ay nagpapakasasa sa perang dapat ay para sa kapakanan ng bayan.
Korapsyon ang tunay na ugat ng kahirapan. Hindi tayo kulang sa yaman, kulang tayo sa mga lider na inuuna ang bayan bago ang sarili. Kung walang magnanakaw sa kaban ng bayan mas marami sanang paaralan, ospital, trabaho, at mga proyektong pakikinabangan ng mamamayan ang naitatayo.
Hindi lamang gobyerno ang may tungkulin sa laban na ito. Kasama tayong lahat. Kapag nanahimik tayo patuloy tayong mananakawan. Kailangan nating maging mapanuri, maningil, at magsalita kapag may mali. Ang bawat boto ay sandata at ang bawat boses ay sigaw para sa pagbabago. Bumoto tayo nang matalino at huwag magpaloko sa mga bumibili ng boto sapagkat ang kinabukasan ng bayan ang nakataya sa bawat halalan.
Huwag nating hayaang maging normal ang mali. Bawat pisong ninakaw ay katumbas ng buhay na hindi nailigtas, pangarap na hindi natupad, at kinabukasang ninakaw sa susunod na henerasyon.
Panahon na upang ipaglaban ang bayan na ninakawan. Sama-sama tayong bumangon at tapusin ang pagnanakaw na unti-unting sumisira sa pag-asa ng sambayanan.
(9/5/2025)
Basurang Iniwan, Kinabukasang Tinapon
By: Kent Narbonita
Sa kanto ng barangay, nakatambak ang mga plastik. Sa kanal, nakabara ang supot. Kapag umulan, baha agad. Araw-araw natin itong nakikita, pero parang wala pa ring natututo.
Sabi ng mga eksperto, isa ang Pilipinas sa pinakamalaking nagtatapon ng plastik sa dagat. Sanay na tayo sa tinatawag na sachet economy, kung saan kahit isang maliit na produkto ay karaniwang nakabalot sa plastik. Halimbawa, isang pakete ng kape o shampoo, ginagamit natin ito sandali lang, tapos itinatapon. Murang bilhin, madaling gamitin, pero hindi madaling mawala sa kalikasan.
Ang problema, hindi lang kalikasan ang naapektuhan. Buhay din ng tao. Kapag barado ang estero, babaha. Kapag nalulon ng isda ang plastik, sa huli, tao rin ang kakain nito. Ang dating simpleng basura, nagiging panganib sa kaligtasan at kalusugan.
May mga batas at ordinansa tungkol sa pagbabawas ng plastik, pero kulang ang pagpapatupad. Kadalasan, puro pahayag at kampanya lang. Ang totoo, hindi lang gobyerno ang may responsibilidad. Kailangan din kumilos ang bawat isa.
Kaya naman nakaka-inspire ang ilang komunidad na gumagawa ng paraan. May mga gumagamit ng plastik para gawing ecobricks. May mga lugar na may sariling plastic ban. May mga tindahan na nag-o-offer ng refill system para hindi laging bagong plastik ang gamit. Ipinapakita lang na posible kung gugustuhin.
Simple lang ang punto. Kung basura ang iiwan natin ngayon, basura rin ang kakaharapin ng susunod na henerasyon. Plastik man ang problema sa paningin natin, ang tunay na ugat ay ang kulturang nagtuturing sa lahat bilang disposable pati ang kalikasan. Kung hindi tayo kikilos ngayon, baka bukas ay wala na tayong kinabukasang maiiwan.
(09/26/2025)
Mukhang Totoo Pero Hindi
By: Kent Narbonita
Sa panahon ngayon, mahirap nang malaman kung alin ang totoo at alin ang gawa-gawa lang. Lalo na ngayon na mabilis na ang pag-usbong ng artificial intelligence o AI. Isang video lang na mukhang totoo, at kayang baguhin ang pananaw ng libo-libong tao. Pero ang tanong, totoo nga ba?
Marami na tayong nakikitang video sa social media na halos hindi mo na mapagkaiba kung gawa ng tao o gawa ng AI. May mga mukha na ginagaya, mga boses na kinokopya, at mga eksenang parang totoo, pero peke pala. Nakakatakot isipin na kaya na ngayong manipulahin ang katotohanan gamit lang ang teknolohiya.
Ang mas delikado, nagagamit ito para sa panlilinlang. Maaaring gumawa ng video na nagpapakita ng isang tao na nagsasabi o gumagawa ng bagay na hindi naman niya talaga ginawa. Pwedeng masira ang reputasyon ng tao, o mas malala, magamit sa politika o panloloko. Sa ganitong panahon, hindi na sapat ang basta maniwala sa nakikita.
Dapat maging mapanuri ang bawat isa sa atin. Huwag agad maniniwala sa bawat video o post na nakikita sa internet. Mas mainam na magtanong muna, maghanap ng pinagmulan, at alamin kung verified ang impormasyon. Dahil sa mundong ginagalawan natin ngayon, ang totoo at peke ay halos magkapareho na lang ng itsura.
Hindi masamang gamitin ang AI kung tama ang paggamit. Nakakatulong ito sa edukasyon, trabaho, at teknolohiya. Pero kung gagamitin ito para magpakalat ng kasinungalingan, nagiging sandata ito laban sa katotohanan.
Sa dulo, hindi ang AI ang tunay na problema, kundi ang tao pa rin na gumagamit nito. Kung may malasakit tayo sa katotohanan, dapat may pananagutan din tayo sa paggamit ng ganitong teknolohiya. Sa panahon ngayon, hindi na sapat na basta maniwala sa nakikita. Kailangan din nating matutong tumingin nang mas malalim at unawain kung ano ang totoo.
(09/30/2025)
SciMath, Siyensiya at Matematika para sa Bagong Kinabukasan
By: Kent Narbonita
Kapag pinag-uusapan ang kinabukasan, lagi tayong may tanong kung ano ang mangyayari. Walang nakaaalam, ngunit tiyak na ang siyensiya at inobasyon ang patuloy na huhubog sa mundo. Ang siyensiya ay nakatuon sa pagtuklas ng mga bagay na hindi pa natin alam, habang ang matematika naman ang nagbibigay ng kaayusan at istruktura upang masukat at maisakatuparan ang mga ideya. Kapag pinagsama, nagiging makapangyarihang puwersa ang SciMath na hindi lamang nagpapaliwanag ng kasalukuyan kundi lumilikha rin ng kinabukasan.
Sa ating paligid, makikita ang kongkretong bunga ng siyensiya at matematika tulad ng renewable energy, artificial intelligence, medisina, at paglalakbay sa kalawakan. Hindi mabubuo ang solar panel at wind turbine kung walang kaalaman sa pisika at tamang paggamit ng matematika. Ang AI at robotics ay umaandar sa tulong ng mga algorithm. Maging sa laban kontra COVID-19, napatunayang mahalaga ang datos, estadistika, at bioteknolohiya.
Ngunit hindi lamang imbensyon ang layunin ng SciMath. Mas malalim ang misyon nito, at ito ay ang maging kasangkapan sa paglutas ng mga suliranin ng daigdig tulad ng climate change, kakulangan ng likas na yaman, at mga krisis sa kalusugan. Ang inobasyon ay hindi bunga ng takot kundi ng tapang na tuklasin ang bago.
Ang kinabukasan ay hindi basta hinihintay. Ito ay binubuo. Sa tulong ng siyensiya bilang gabay at matematika bilang direksyon, hawak natin ang mga kasangkapan upang lumikha ng mas matalino, mas malinis, at mas makataong bukas. Maaaring marami pa tayong hindi alam, ngunit sa gabay ng SciMath, nagiging landas ito tungo sa mas maunlad na kinabukasan.
(10/03/2025)
Bagong Taon, Bagong Simula
By: Kent Narbonita
Tuwing Enero, tila may kakaibang hangin sa paligid. Ang daming tao sa lansangan, may bitbit na plano, pangarap, at pag-asa. Kahit simpleng pagbati ng Maligayang Bagong Taon, ramdam mo na para itong panibagong simula para sa marami. Para sa iba, ito ang pagkakataon para itama ang nakaraang pagkukulang at muling magsimula.
Marami ang nagtatakda ng mga resolusyon. Maging mas maayos sa oras, mag-ipon, o simulan ang isang bagong hobby. Ngunit madalas, sa paglipas ng buwan, ang ilan ay nakakalimot o nawawala sa landas. Ang totoo, ang bagong simula ay hindi nakasalalay sa petsa kundi sa ating desisyon na kumilos at baguhin ang sarili kahit maliit na hakbang lang. Isa sa pinakamahalagang aral ng Enero ay ang pagpapatawad sa sarili at sa iba. Lahat tayo ay may nakaraang pagkakamali. Sa halip na dalhin ito bilang pabigat, gamitin natin itong aral para mas maging matatag sa darating na panahon. Ang pagpapatawad ay hindi lang para sa iba kundi higit sa lahat para sa kapayapaan ng ating puso.
Sa Enero, may pagkakataon ding ayusin ang mga nasirang relasyon. Kahit simpleng paghingi ng tawad o pagbibigay ng pasasalamat sa mga taong naging bahagi ng ating buhay, malaking bagay na ito. Hindi kailangan ng engrandeng gesture. Minsan ang isang taos-pusong salita lang ang sapat upang magsimula muli. Hindi rin maikakaila na maraming pagbabago ang dala ng Enero sa trabaho, paaralan, o personal na buhay. Ang mahalaga ay huwag matakot sa pagbabago. Ang bawat bagong araw ay pagkakataon upang mas mapabuti ang sarili at mas malapit sa ating mga pangarap. Ang pagbabago, kahit mabagal, ay simula ng bagong kwento.
Sa kabila ng lahat ng hamon at pagsubok, Enero ay paalala na may pag-asa. Lahat ng mali at kabiguan noong nakaraang taon ay maaaring maging pundasyon ng tagumpay sa hinaharap. Ang bawat simula, gaano man kaliit, ay may potensyal na magdala ng malaking pagbabago sa ating buhay. Kaya sa Enero, maglaan tayo ng sandali upang huminga, magpasalamat, at magplano para sa mas mabuting bukas. Maligayang Bagong Taon, bagong simula. Huwag natin sayangin ang pagkakataong magsimula muli. Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa puso at sa determinasyon nating gumawa ng tama.
(01/09/2026)
Habang Nagpapaputok ang Iba, May Nagbabantay
By: Kent Narbonita
Sa papalapit na pagtatapos ng taon, iisa ang tanawin sa paligid. Trapik sa kalsada, mahahabang pila sa mga tindahan, handa sa mesa, at paputok na handang sindihan. Sa social media, sunod sunod ang litrato ng salu salo at masasayang mukha. Para bang iisang kuwento lang ang Pasko at Bagong Taon. Masaya, maingay, at puno ng selebrasyon. Ngunit sa likod ng ingay at liwanag, may mga taong tahimik na nagtatrabaho. May mga hindi agad nakakauwi at may mga hindi nakakasabay sa bilang ng oras bago mag alas dose. Habang abala ang karamihan sa pagdiriwang, may mga taong nananatiling gising at alerto. Habang nagpapaputok ang iba, may nagbabantay.
Nandiyan ang mga nurse at doktor na tuloy tuloy ang duty sa emergency room. May mga naaaksidente, nasusugatan ng paputok, inaatake ng altapresyon, at may dumarating na lasing na walang kasama. Walang pahinga ang sakit at walang bakasyon ang ospital. Kahit pista opisyal, kapag may nangangailangan ng tulong, kailangan pa ring kumilos. Kasama rin ang mga security guard na magdamag nakatayo at nagbabantay ng mga gusali, ospital, at komunidad. Tahimik man ang paligid o puno ng tao, nakaabang sila sa anumang maaaring mangyari. May mga janitor na naglilinis pagkatapos ng selebrasyon, humaharap sa kalat na iniwan ng saya ng iba. Kapag tapos na ang kasiyahan, trabaho pa rin ang naghihintay sa kanila.
May mga tsuper at crew na patuloy na pumasok at bumibiyahe kahit kulang sa tulog at kahit hindi kumpleto ang handa sa bahay. Hindi madali ang pagpiling magtrabaho sa ganitong panahon. Kadalasan, hindi ito dahil gusto nila, kundi dahil kailangan. Habang ang iba ay nagdiriwang, sila ang nagbabantay para sa kaligtasan at kaayusan ng lahat. Hindi sila madalas makita sa balita at bihira ring mabanggit sa pagbati. Walang countdown para sa kanilang pagod at minsan, wala ring simpleng pasasalamat. Ngunit sila ang dahilan kung bakit may bukas na ospital, may ilaw sa kalsada, at may serbisyong maaasahan kahit halos lahat ay nagdiriwang na. Ang kanilang sakripisyo, tahimik man, ay napakahalaga.
Kung may isang resolusyon bago pumasok ang bagong taon, ito na siguro iyon. Huwag nating gawing di nakikita ang mga taong laging nariyan. Sa gitna ng paputok at kasiyahan, alalahanin natin ang mga taong tahimik na nagbabantay para makauwi tayong ligtas at buo sa panibagong simula.
(01/16/2026)
Enero sa Parehong Pamahalaan
By: Kent Narbonita
Tuwing dumarating ang Enero, may kasamang pag asa. May bagong kalendaryo, bagong simula, at bagong pangako mula sa sarili at sa mga namumuno. Marami ang nagsasabi na sa bagong taon, magiging maayos na ang lahat. Pero habang lumilipas ang mga araw, unti unti nating napapansin na kahit nagbago na ang petsa, parang hindi naman talaga nagbago ang pamahalaan at ang sistema.
Sa gobyerno, pareho pa rin ang problema na matagal na nating nararanasan. Kahirapan, mataas na presyo ng bilihin, kakulangan sa trabaho, siksikan sa ospital, at mga serbisyong kulang o mabagal. Tuwing may bagong taon at tuwing may eleksyon, puno ng pangako ang mga talumpati ng mga opisyal. Sinasabi nilang uunahin ang mahihirap, aayusin ang ekonomiya, at lalabanan ang korapsyon. Pero paglipas ng ilang buwan, bumabalik lang sa dati ang sitwasyon ng karamihan. Marami pa ring pamilyang hirap sa araw araw na gastusin. May mga magulang na kahit dalawang trabaho ay kulang pa rin ang kita. May mga kabataan na nagtapos sa pag aaral pero hirap makahanap ng disenteng trabaho. Sa ganitong kalagayan, ramdam ng tao na parang hindi sapat ang ginagawa ng pamahalaan para sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.
Masakit din isipin na may mga isyu ng korapsyon na matagal nang naririnig, pero hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na resulta. May mga opisyal na nasasangkot sa maling paggamit ng pondo, sa panlalamang, at sa pang aabuso sa kapangyarihan. Pero sa halip na makulong, ang ilan ay patuloy pa ring nakaupo sa posisyon, nakakatakbo pa sa susunod na eleksyon, at minsan ay nananalo pa. Samantala, ang ordinaryong tao ay patuloy na sumusunod sa batas at nagtitiis sa hirap ng buhay. Kahit sa paggawa ng mga batas at programa, madalas ay maganda lang sa salita. May mga proyektong inilulunsad na para raw sa mahihirap, pero hindi naman talaga nararamdaman sa mga komunidad. May tulong na hindi sapat, may serbisyong mabagal, at may mga prosesong puno ng papeles at pila. Kaya kahit sinasabing may pagbabago, parang pareho pa rin ang pakiramdam ng mga tao taon taon.
Nakakapagod isipin na ganito na lang palagi. Papasok ang bagong taon na may pag asa, tapos matatapos ito na may parehong reklamo at sama ng loob. Para tayong nasa isang ikot na paulit ulit, nagbabago ang taon, pero hindi nagbabago ang sistema at ang paraan ng pamamahala.
Pero hindi rin natin pwedeng isisi lahat sa gobyerno at matapos na doon. Bilang mamamayan, may bahagi rin tayo. Kapag nanahimik tayo, kapag tinanggap na lang natin ang maling gawain, at kapag nasanay na lang sa mga pangakong hindi natutupad, mas lalo lamang tumitibay ang lumang sistema. Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pagiging mulat at sa tapang na magsalita at maningil.
Ang bagong taon ay hindi lang dapat tungkol sa personal na resolusyon tulad ng pag aaral nang mabuti o pagtitipid. Dapat kasama rin dito ang pagnanais ng mas maayos na pamahalaan at mas makatarungang sistema. Ang tanong ay hanggang kailan tayo papayag na manatili sa ganitong kalagayan. Hangga’t nananatili tayong tahimik at hindi kumikilos para maningil ng tama, mananatili tayong nakatali sa parehong sistema, Enero na naman, pero ang pamahalaan, pareho pa rin.
(01/23/2026)
Kapangyarihan sa Likod ng Bala: RPG sa Shariff Aguak
By: Kent Narbonita
Sa huling linggo ng Enero 2026, isang RPG ang tumama sa sasakyan ng mayor ng Shariff Aguak sa Maguindanao. Nakaligtas ang alkalde, pero ang pangyayari ay hindi lamang kwento ng isang matagumpay na ambush o swerte ng nakaligtas. Ito ay paalala na sa ilang bahagi ng bansa, ang pulitika ay maaaring humantong sa karahasan, at ang buhay ay nagiging kasangkapan sa kapangyarihan.
Ang Maguindanao ay kilala sa matinding political clan rivalry at ang mga ganitong insidente ay paalala na sa ilang bahagi ng bansa ang kapangyarihan at pulitika ay maaaring humantong sa literal na panganib sa buhay. Hindi simpleng krimen ito kundi simbolo ng sistema kung saan ang kapangyarihan ay sinasabayan ng karahasan at ang bala ay nagiging instrumento ng pananakot at impluwensya.
Habang nag-iimbestiga ang lokal na pamahalaan at kapulisan, nagdudulot ang pangyayari ng takot hindi lang sa opisyal kundi sa buong komunidad. Maraming tao ang nag-aalala kung ligtas ba sila sa kanilang mga kalsada at kung may sinumang haharap sa pananagutan. Ang bawat bala ay hindi lamang pisikal na banta kundi simbolo ng sistemang inuuna ang kapangyarihan kaysa sa hustisya.
Ang RPG na ginamit ay higit pa sa armas. Ito ay larawan ng lipunang puno ng karahasan, kakulangan sa hustisya at kapangyarihang nagmumula sa pera at impluwensya kaysa sa tama at mali. Sa likod ng bawat bala malinaw ang mensahe na ang buhay ay maaaring maging kasangkapan sa pulitika at sinumang humaharap sa lakas ng iilan ay ipapatumba.
Ang Shariff Aguak ay halimbawa ng mas malawak na problema dahil tahimik na umiiral ang karahasan sa pulitika kahit gaano kalakas ang balita. Ang RPG ay paalala na sa likod ng bawat bala may kapangyarihan at responsibilidad. Kapag hindi ito natutupad, may mamamayan na natatakot, may pamilya na nasasaktan, at may bayan na naghihintay ng hustisya. Ang bawat insidente ay hindi lamang balita kundi paalala na ang tunay na laban ay nasa puso at isipan ng bawat isa.
(01/30/2026)
Kalusugan ng Bayan: Handa Na Ba Tayo sa Susunod na Epidemya?
By: Kent Narbonita
Sa bawat panahon may bagong hamon sa kalusugan ng bayan. Mula sa simpleng trangkaso hanggang sa mas malalang sakit na kumakalat, lagi nating tinatanong kung handa ba tayo.
Hindi na bago sa atin ang pandemya. Natutunan natin sa COVID‑19 kung paano nagbago ang buhay, paano naapektuhan ang ekonomiya, at paano naapektuhan ang kalusugan ng bawat isa. Ngunit habang dumarating ang mga bagong virus tulad ng Nipah at iba pang zoonotic diseases, ang tanong ay hindi lamang kung may gamot o bakuna, kundi kung handa na ba ang sistema at ang bawat isa sa atin.
Ang kalusugan ng bayan ay hindi lamang nakasalalay sa ospital o sa gobyerno. Nakasalalay din ito sa ating kaalaman, sa ating responsibilidad, at sa simpleng disiplina sa araw-araw. Ang hygiene, tamang pagluluto, maayos na ventilasyon, at sapat na pahinga ay malaki ang epekto. Sa kabilang banda, kailangan ng mga ospital at klinika ng sapat na kagamitan, eksperto, at mabilis na sistema ng komunikasyon upang agad na makaresponde.
Hindi rin dapat kalimutan ang kahalagahan ng edukasyon sa kalusugan. Ang bawat tao ay dapat maging alerto at maalam hindi upang matakot kundi upang maipagtanggol ang sarili at ang komunidad. Ang susunod na epidemya ay maaaring hindi natin makita agad, pero sa pamamagitan ng kaalaman at paghahanda hindi tayo magiging biktima ng sorpresa.
Sa huli, ang kalusugan ng bayan ay bayan-bayan din. Ang paghahanda ay hindi tungkulin lamang ng gobyerno kundi tungkulin din ng bawat isa sa atin. Sa bawat maliit na hakbang mula sa simpleng paghuhugas ng kamay hanggang sa pagiging maalam sa tamang impormasyon, naiiwasan natin ang mas malaking sakuna.
Handa man o hindi ang susunod na epidemya ay darating. Ang tanong na dapat laging nasa isip natin ay hindi kung darating ba ito kundi kung ano ang ating gagawin bago pa man ito dumating.
(02/06/2026)