LITERARY
FILIPINO
FILIPINO
Pakiramdam na Hindi Nauunawaan
By: Arianne Acampado
Hindi ko alam kung bakit gano’n na lang ang bigat na nararamdaman ko tuwing ibinabalik ang papel na may pulang marka sa itaas. Tila nagsusumigaw ng pagkukulang. Habang tumatawa ang iba, o di kaya’y simpleng nagsasabi ng “Okay lang ‘yan,” ako nama’y unti-unting nilalamon ng katahimikan.
“Score lang ‘yan,” sabi nila. “Hindi naman ‘yan sukatan ng talino.” “Hindi naman basehan ang mababang marka sa pagkatao mo” Totoo naman. Alam ko ‘yon. Pero paano kung para sa akin, sukatan ‘yon ng pagod ko? Puyat, kaba, at minsang pagtitiis na hindi ko maipaliwanag kahit sa sarili ko. Basta para sa akin, bilang estudyante, ang may mataas na marka ang bunga ng lahat ng pagsusumikap ko.
Kapag mababa ang marka ko, para bang kinekwestyon nila, maging ako ang kakayahan ko. Hindi dahil sa tingin ko’y ako ay bobo kundi dahil iniisip kong hindi sapat ang lahat ng ginawa ko. At mas masakit pa roon, ay ‘yung pakiramdam na wala namang tunay na nakakaintindi,
Kailangan ko lang ng kaunting unawa na sa likod ng bawat markang mababa, may estudyanteng pilit lumalaban at maipakita ang kakayahan.
10/07/25