bit.ly/sibobpo


Bob Ong - bit.ly/sibobpo


Ako si Bob Ong, ang sumulat ng ABNKKBSNPLAko?! at ilang librong posibleng nabasa na ng ilan sa mga kakilala mo. Nagsimula ang mga kuwento ko sa website na Bobong Pinoy noong 1998 at kalaunan ay nagpatuloy sa mga libro, artikulo, pelikula, at dula na posibleng nabalitaan mo na rin. Sa ngayon ay masaya akong nakabuo ako ng dalawang pangungusap para ipakilala ang sarili ko na hindi ko alam kung paano dapat gawin kaya ayaw na ayaw kong ginagawa.

Binuo ko ang "website" na ito sa tanging dahilan na ito ay sira: May URL akong matatagpuan sa mga sulok ng internet na kasalukuyang tumuturo sa wala. Kaya pilit kong binuo ulit ang mga piraso ng dating website na ginawa ko noong uso pa ang mga pangit na website. Nalibang naman ako. At masaya ako na kahit paano ay pasimple kong nailusot ngayon ang disclaimer na hindi talaga ito website kundi reproduction ng dati kong ginawa kaya may anyo ito ng haluhalong kumpleto sa rekado kabilang na ang ilang hibla ng buhok. Sarap.

Hindi lahat ng libro ay nagawan ko noon ng webpage, at hindi lahat ng webpage ay may natirang katuturan para muli pang buhayin ngayon. Inaasahan ko na lang ang iyong pang-unawa sa kung ano man ang nabuo rito.

Salamat sa Wayback Machine na tumulong sa aking maghagilap ng lumang files, kay Rosscius para sa background pictures na dalawang dekada ko nang ginagamit, at sa lahat ng mambabasa ko noon at ngayon, offline at online, na nakipagkuwentuhan at naging bahagi ng mga libro at website ko. Kayo ang kayamanan sa baul na 'to.

Update: Dahil mahalaga ring makilala mo ako sa panahon na ito.

Goodreads · YouTube · Instagram · Facebook · Twitter · TikTok · Wattpad · Amazon · Bit.ly