Ang bayan kong mahal, ang perlas ng silangan, ang lupain ng ginto’t bulaklak, ang lupang hinirang. Ang mga liriko mula sa mga kanta ay naglalarawan sa ating bansa bilang isang magandang lugar. Ngunit, tila nagsisinungaling ang mga kanta. Krimen ay lubos na laganap mula sa nilalakaran nating kalsada hanggang sa mataas na pamahalaan. Pangaraw-araw na tanawin ang usad pagong na mga sasakyan sa daanan. Patuloy na dumarami ang mga mahihirap. Patuloy sa pagsira ng buhay ang droga. At, tuloy rin ang katiwalian sa pamahalaan. Tila walang nagbabago sa katayuan ng bansa. At, tila lalo pa itong lumala. Ilang president na ang umupo sa pwesto ngunit lugmok pa rin ang Pilipinas. Ang Pilipinas na pinaglaban ng mga magigiting na bayani ay hindi pa rin malaya mula sa mga kanser ng lipunan na unti-unting pumapatay dito. Tila wala itong katapusan at hindi ito magbabago ngunit naniniwala akong may pag-asa pa ang bayang ito. Naniniwala akong magbabago ang bayang ito kung sisimulan natin sa ating sarili ang pagbabago. Hindi ito nagsisimula sa itaas kundi sa ibaba, sa pinakamaliit, sa pinaka-simple. Bawat isa sa atin ang simula. Tayo ang simula.
Sa lahat ng layunin, kailangan ng pagsasakripisyo. Kung gusto natin ang isang bagay, dapat ay handa tayong magsakripisyo o kung minsan pa ay magdusa. Kung talagang gusto natin ng pagbabago sa ating bansa, kailangan ay may isakripisyo tayo. Unang kailangan nating alisin sa ating sarili ay ang kawalan ng pakialam sa mga nangyayari sa ating bayan. Kailangan nating makialam dahil bayan natin ito. Kasama at kaisa ang bawat isang Pilipino sa pagkamit ng pagbabago kaya nararapat lang na may pakialam tayo. Kung lagi nga tayong una sa balita at mga nauuso sa social media, bakit hindi natin magawa sa tunay na buhay. Alam agad natin ang mga pinakabago at pinakamainit na eskandalo ngunit hindi natin batid kung gaano nagdurusa ang ating bansa ngayon. Simulan natin ang pagkakaroon ng pakialam sa maliliit na bagay. Hinihikayat ko ang bawat isa na maging vigilante, mapagmatyag at mapagsiyasat. Kapag may nakita tayong krimen o katiwalian, huwag tayong manahimik lamang at huwag magdalawang isip na isumbong sa awtoridad. Huwag tayong matakot na labanan ang mga mali sa lipunan bagkus ay mas matakot tayo sa kahihinatnan ng ating bansa kung hindi tayo kumilos. Huwag nating hayaang patayin ng mga kamaliang ito an gating bansa mismo sa harapan natin. Maliit o malaki man ang krimen o katiwaliang lalabanan mo, bayani kang maituturing dahil lumaban ka at nakialam ka. Nawa’y ang bawat Pilipino ay maging mata na magbabantay sa Pilipinas. Ang kaligtasan ng bayang ito ay nakasalalay sa mga mulat na mamamayan. Kasama ka, kaisa ka, may pakialam ka.
Ang pangalawang kailangang isuko ay ang takot. Kailanman, wala itong naidulot na tama ngunit batid ko na napakahirap nitong alisin. Mahirap nga naman alisin ang takot kung may kapalit itong mahalagang bagay o kung minsan, buhay. Kaya minsan, kung may kalaban tayo at natatakot tayo na baka tayo’y masaktan, masugatan o mamatay, mas pinipili nating hindi na lamang lumaban. Pinipili nating manahimik na lamang at panuorin ang kalaban na magtagumpay. Ngunit kung ang pagkatalo ay magdadala ng kamatayan, matatakot ka pa rin ba para sa buhay mo? Mabubuhay na lamang ba tayo sa takot. Walang mangyayari kung lagi na lamang tayong natatakot. Walang tsansang manalo ang hindi lumalaban. Kaya hinihikayat ko ang lahat na iwaksi ang takot sa loob nila. Hinihikayat ko ang bawat isa wasakin ang tanikala ng takot na gumagapos sa atin. Alam kong ang bawat isa ay may pangarap, kahit katiting, na magbago ang bansa, ngunit kung patuloy tayong matatakot, mananatili itong pangarap na lamang. Tuparin natin ang pangarap na ito sa pamamagitan ng walang takot na pakikipaglaban at pakikibaka laban sa krimen, korapsyon at lahat ng kanser ng lipunan. Simulan ang pagkamit sa pangarap na pagbabago sa mga simpleng paraan. Kapag may nakita tayong mali, wag tayong matakot na itama ito. Tayo ay nasa gitna ng rebolusyon laban sa mga sakit ng lipunan. Huwag tayong matakot na lumaban. Kapag mali labanan at kapag tama, ipaglaban.
Hindi aasenso ang isang kompanyang may mga tamad na empleyado. Gayun din ang bansa. Hindi uunlad ang isang bansa na may mga tamad na mamamayan. Ang katamaran ay isa sa nagpapalala sa sakit ng lipunan. Ang ating bansa ay lubog sa katiwalian. Alam kong bawat isa sa atin ay nais na itama ang bansa. Ngunit paano kung tamad tayo at hindi tayo kikilos. Hindi sapat ang pagkakaroon ng pangarap kung hindi ka magsusumikap para dito. Kung may pakialam ka at wala kang takot, dapat ay hindi ka rin tamad. May mangyayari ba kung tamad tayo? May progreso bang matatawag kung hindi tayo kikilos? Isipin sana natin ang kalagayan ng bansa. Umiiyak ngayon ang ating Inang Bayan. Lubos niya tayong kailangan at pagkatapos ay tatamad-tamad tayo? Hinihikayat ko ang lahat na alisin sa kanilang sarili ang katamaran. Walang naidudulot na maganda ang katamaran bagkus ay humihila ito sa atin pababa. Baguhin natin ang ating sarili. Kung kaya na nating gawin ang isang bagay, gawin na natin nang walang pag-aalinlangan at huwag na nating hintayin na gawin pa ng iba. Maraming simpleng paraan kung saan maipapakita mo ang kasipagan. Tandaan lang natin, lahat ng gagawin natin ay gagawin natin sa bansa. Sa simpleng kasipagan sa bahay, sa eskwelahan o kahit saan pa man, maituturing ka nang bayani. At tayo ang mga mga bayaning kailangan ng ating Inang Bayan, wala nang iba.
Sa puso ng bawat isa sa atin ay may pag-asang mababago pa ang bayan. Sa puso natin ay may pag-asa pang magamot ang sakit ng bansa. Ngunit kung tayo mismo ay may mga sakit, hindi natin magagamot ang bayan. Ano nga ba ang mga sakit na tinutukoy ko? Iyon ang mga nauna nang mabanggit. Ang kawalan ng pakialam, takot at katamaran ay ang mga pangunahin nating problema sa sarili. Ngunit bukod doon ay marami pa tayong hindi napapansin na sakit. Minsan, nagagawa natin ito pero pinapalagpas lang natin. Ang mga halimbawa ay pagsingit sa pila, pangungupit, pandaraya sa pagsusulit, atbp. Tila wala itong epekto sa bansa ngunit hindi dahil napakalaki ng epekto. Ang magnanakaw sa maliit na bagay ay magnanakaw din sa malaking bagay. Ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya din sa malaking bagay. Ang pagnanakaw ng piso at pagnanakaw ng milyon ay pareho lamang na pagnanakaw. Paano natin papaunlarin ang isang bansa kung ang ating sarili mismo ay hindi natin mabago. Lahat ng ginagawa mo ay ginagawa mo para sa bansa. Kaya gumawa lagi ng mabuti upang mapabuti ang bansa. Simulan natin ang pagbabago sa ating sarili at makikita nating unti-unting magbabago ang bansa. Itapon na natin ang mga maling gawain at simulang magtanim ng mabubuting gawain dahil ang aani nito ay tayo-tayo rin.
Nawa’y unti-unti na nating mapagtanto na mahalaga tayo at ang mga simpleng ginagawa natin para sa bansa. Nasa atin ang mga aksyon na babago sa lipunang ito. Ang susunod na katanungan ay kailan, kailan natin sisimulan ang pagtupad sa ating pangarap na pagbabago? Sa dinami-rami ng komplikasyon ng bansang ito, batid kong matatagalan ang proseso ng pagbabago. Hindi lang taon, hindi lang dekada, kundi siglo na ang lumipas at wala pa ring positibong pagbabago bagkus ay mas lumala pa ito sa paglipas ng panahon. Simulan na natin ngayon ang pag-kilos na dapat ay matagal na nating sinimulan. Ngayon higit kailanman nararapat na kumilos ang taong bayan. Kung hindi ngayon, kailan? Maiksi ang buhay, mabilis ang paglipas ng panahon. Nais niyo bang mabuhay sa lumulubog na bansa? Huwag nating hayaan na ubusin natin ang ating buhay sa isang sirang bansa. Huwag nating hayaang mamatay tayo sa isang sirang bansa. Iangat na natin ito sa lalong madaling panahon bago pa ito lubusang lumubog. May oras pa at ito ay ngayon, wala nang iba.
Ang pagliligtas sa bayan ay pagliligtas sa sarili. Ang pagliligtas sa sarili ay pagliligtas sa bayan. At ang pagliligtas sa bayan ay isang kabayanihan. Mga bayani ang kailangan ng bansang ito -bayaning magbabantay sa bayan, bayaning mag-aambag para sa ika-uunlad ng bayan, bayaning handang magsakripisyo para sa bansa. Ang mga bayaning ito ay tayo. Bawat isa sa atin ay kayang maging bayani sa ating mga simpleng paraan. Lahat tayo ay kayang maging bayani kung gugustuhin natin. Huwag nating kalimutan na Pilipino tayo at Pilipinas an gating inang bayan. Ang kinabukasan ng Pilipinas ay nakasalalay sa atin, wala nang iba. Hindi mga pangaral, hindi mga salita at hind imaging ang akdang ito ang makakapagpabago sa bansa kundi ang mga aksyon at pagkilos na gagawin natin. Buong bayan ang nakasalalay sa ating mga kamay at huwag sana natin itong biguin. Huwag natin hayaang mamatay tayo sa isang mahirap na bansa. Alam kong mahal natin ang ating inang bayan. Ibalik natin ang perlas ng silangan, ang lupang hinirang at ang lupain ng ginto’t bulaklak. Ngayon na ang oras. Tayo ang simula.
Mga Sanggunian: