"Ang Pilipinas, kilala sa opisyal na katawagan na Republika ng Pilipinas, ay isang kapuluang bansa sa Timog-Silangang Asya na matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Karagatang Pasipiko. Ito ay binubuo ng 7,641 pulo na hinahati sa tatlong kumpol ng mga pulo na: Luzon, Kabisayaan (kilala rin bilang Visayas) at Mindanao. Ang kabisera nito ay ang Maynila at ang pinakamataong lungsod ay ang Lungsod Quezon; pawang bahagi ng Kalakhang Maynila.
Matatagpuan sa pagitan ng 116° 40' at 126° 34' S. longhitud, at 4° 40' at 21° 10' H. latitud ang Pilipinas. Pinapalibutan ito ng Dagat Pilipinas sa silangan, ng Dagat Luzon sa kanluran, at ng Dagat ng Celebes sa timog. Matatagpuan ang bansang Indonesia sa katimugang bahagi ng bansa habang matatagpuan ang bansang Malaysia sa timog-kanluran. Sa silangan matatagpuan ang bansang Palau at sa hilaga matatagpuan ang bansang Taiwan.
Malaking ambag o pagbabago sa wika at kinaugalian ng Pilipinas ang naidulot ng pagsakop ng mga bansang Espanya (mula 1565 hanggang 1898) at Estados Unidos (mula 1898 hanggang 1946). Ang pananampalatayang Katoliko o Katolisismo ang pinakamalaking ambag na naibahagi ng mga Kastila sa kaugaliang Pilipino.
Tanyag ang bansang Pilipinas sa mga kalakal at yaring panluwas at sa kanyang mga OFW o Overseas Filipino Workers (mga Pilipinong Manggagawa sa Ibayong-Dagat). Kasalukuyang nakararanas ng pag-unlad ang bansa sa mga remittances na ipinapadala pauwi ng mga OFW. Isa sa mga pinakaumuunlad na bahagi ang teknolohiyang pangkaalaman sa ekonomiya ng Pilipinas. Marami ring mga dayuhan ang namumuhunan sa bansa dahil sa mataas na palitan ng dolyar at piso. Kasalukuyan ding umaangat ang bahagi ng pagsisilbi na dulot ng mga call centers na naglipana sa bansa.
Katiwalian sa pamahalaan, pagkasira ng kapaligiran, basura, kawalan ng hanapbuhay, labis na bilang ng tao at extra-judicial killings o pagpatay sa mga taong bumabatikos o kumakalaban sa pamahalaan ang mga pangunahing suliranin ng Pilipinas. Nagdudulot din ng suliranin sa bansa ang mga pangkat na Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa katimugang Mindanao at Bagong Hukbong Bayan."
sanggunian: https://tl.wikipedia.org/wiki/Pilipinas