Marahan siyang hinehele ng maugang tulay, at ang malamyang liwanag ng mga bituin at buwan ang kaniyang nagsilbing tanglaw sa matarik na dinaraanan. Palibhasa’y gabi na, ang dating tahimik na ilog ay nagwawala, sinasabayan ang agos ng luha sa kaniyang bilugan ngunit matatamlay na mga mata. Niyakap siya ng lamig at kung anong bigat ng kanyang kalooban ay siyang gaan ng kaniyang mga yapak. Wala nang maramdaman si Maria. Nakukubli ang kaniyang kasawian sa mahihinang hikbi na unti-unti’y lumalakas, pilit na sinasapawan ang tambol sa kaibuturan ng kaniyang dibdib. Sa huling pagkakataon ay sinamsam niya ang amoy ng Sampaguitang hangin, isa sa mga bagay na kaniyang mauulila sa kinalakhang baryo. Maingat niyang inapak ang hubad na paa sa isang malaking tipak ng bato, handang-handa ng talikuran ang kaniyang nakaraan. Akma na niyang tatalunin ang rumaragasang tubig nang saglit na sumilip sa kaniyang nalulunod na mata ang isang malamlam na ilaw, at siya’y nangiti.
Isang tahimik na gabi sa bayan ng Cabulihan, isinilang ang isang malusog na sanggol sa isang payak na pamilya. Siya ay unica ija ng isang mag-asawang magsasaka na bagamat hirap sa buhay ay sagana naman sa pagmamahal. Sa loob ng pawid at kawayan na kubo ay madalas ding mamamataan ang dalawa na nagpapasalamat sa kanilang mga diyos. Ika ng maybahay, kung pagbibigyan ng mga bathala’y nais niya na magkaroon ng anak na babae, kung kaya’t nang isilang ang kaniyang panganay ay labis na kasiyahan ang naghari sa kanilang tahanan. Sa kasamaang palad ay isang matinding digmaan ang sinapit at nagwasak sa naturang pamilya. Dala-dala ang mga bolo at itak ay nakipaglaban ang ama kasama ang iba pang magsasaka upang ipagtanggol ang kanilang bayan sa mga tulisan pero natalo sila at namatay na wala man lang kalaban-laban sa mga taong baril at granada ang gamit na armas. Nang mabalitaan ang nangyari ay hindi kinaya ng kanyang butihing asawa at tumalon sa bangin. Dahil sa kahalangang pagpapakamatay ay tila isinumpa ng mga bathala na kailanman ay hindi magiging masaya ang kanilang anak na babae.
Ang sanggol ay kinupkop ng isang bahay-ampunan sa pangangalaga ng mga madre. Isa lamang siya sa libu-libong naging ulila dahil sa naganap na digmaan. Isang batang walang identidad –walang pangalan, walang magulang, walang pinagmulan, wala ang lahat. Dinala niya ang pangalang “Maria” na ibinigay ng mga madreng sa kaniya ay nag-aruga. Siya na ngayon ay kinikilala bilang si Maria na isang batang ang tunay na pangalan, pinagmulan, magulang, araw ng kapanganakan ay nabaon kasama ng pagtatapos ng giyera laban sa mga mananakop. Dumating ang mga sundalo kasama ang mga naglalakihang tangke at tumulong sugpuin ang mga tulisang nagtangkang pagharian ang bayan. Bumaha ng dugo, maraming buhay ang nawala, marami ang nasayang, marami ang namatay, at walang panig ang gustong magpatalo, parehong ipinaglalaban ang kinikilalang prinsipyo ngunit sa huli katulad ng mga nasa teleserye ang bida ang nagwawagi; ang mga sundalo ang nagkamit ng tagumpay.
Lumaking masipag mag-aral si Maria kaya naman hindi na kataka-takang paborito siya ng kaniyang mga guro lalo na sa kanyang paboritong asignatura na Ingles, si Ginoong Dela Cruz. Labis na iniidolo ni Maria ang husay ng guro sa banyagang wika, labis naman na natutuwa si G. Dela Cruz sa sipag na kaniyang ipinamamalas. Naging malapit sa isa’t isa ang dalawa at halos ama’t anak na ang turingan nila. Hindi nagtagal ay nagpasya si G. Dela Cruz na ampunin si Maria na labis nitong ikinatuwa. Lalong pinagbuti ni Maria ang pag-aaral at ipinangako naman ng kaniyang amain na pag-aaralin siya sa magandang paaralan ng kahit na anong kursong kaniyang napupusuan. Ginawa ni Maria ang lahat para mas matuwa sa kanya ang amain, mas pinagbuti niya ang kaniyang pag-aaral at napabilang pa nga siya sa mga natatanging mag-aaral ng kaniyang paaralan. Hanggang sa mag hayskul siya ay pinag-igihan niya pa rin ang pag-aaral at nagtapos siya bilang balediktoryan. Tinupad ng amain ang pangako at siya ay pinag-aral sa isang magandang kolehiyo sa kursong kaniyang napupusuan.
Si Maria ay isang napakagandang dalaga, patunay nito ay ang napakaraming lalaking nahahalina sa kaniya, mga kasamahan sa simbahan at mga kakaklase sa eskwela man. Isa sa mga nangahas na manligaw ay isang nagngangalang Juan, kaklase niya. Si Juan ay isang mabait at pursigido na binata, ito marahil ang dahilan kung bakit nakuha niya ang loob ni Maria. Lumalim ang kanilang pagtitinginan hanggang sila’y naging magkasintahan. Nag-umpisa ang kanilang pag-iibigan ng maging magkagrupo sila sa tesis. Doon nagsimula ang pagkakaibigan ng dalawa at nabihag ng kabutihan ng puso ni Maria si Juan, paano ba naman – maalaga, maaalalahanin, mahaba ang pasensya, madali pakisamahan, simple pero nakakabighani ang kasimplehan.
Nag-alangan sa una si Juan kung tatanungin niya ba si Maria kung maaari siyang umakyat ng ligaw dahil ayaw niyang sirain ang magandang samahang nabuo nila . Nang mabuo ang pasya ay lakas loob niyang sinabi kay Maria ang balak. Hindi pumayag si Maria dahil magagalit ang kanyang amain at isa pa ay pinangako niya rin sa sarili na hindi muna siya papasok sa isang relasyon ng hindi pa siya nakakapagtapos ng pag-aaral at nakakahanap ng trabaho. Hindi nagpigil si Juan at tinuloy ang planong panliligaw dahil alam niya sa sarili niya na si Maria na ang babaeng inalaan ng Diyos para sa kanya. Naging mahirap sa umpisa pero pinagpatuloy pa rin ni Juan dahil naniniwala siyang kapag mahal mo, ipaglaban mo, kasi kapag mahal mo, gagawin mo ang lahat para maramdaman niya ang pagmamahal mo. Sa pusong hindi napapagod, hindi marunong magtanong ng kapalit, hindi inuuna ang sarili – ang klase ng pusong bumihag kay Maria at napasagot nga ni Juan si Maria. Inilihim nila ang relasyon sapagkat natitiyak niya na tututulan ito ng kinikilala niyang ama. Nanaig ang pagmamahal ng dalaga kay Juan kaya naman napagdesisyunan nilang magtanan.
Nagbunga ang pagsasama ni Juan at Maria na nagdulot sa kanila ng kasiyahan. Mahirap ngunit maligaya, iyan ang akala nila. Kalaunan ay hirap na lamang ang kanilang dinaranas. Naghahanap-buhay si Juan bilang kargador sa pamilihan ngunit hindi ito sapat para sa kanilang dalawa, paano pa kung daragdag ang sanggol na nasa sinapupunan ni Maria. Akala ni Maria, sa pagsilang ng kaniyang sanggol ay maiibsan kahit papaano ang kaniyang pighati ngunit kabaliktaran nito ang nangyari. Nawala ng parang bula ang kaniyang asawa. Walang liham, walang paalam, wala.
Ang pagkadurog ng babae ay nagsanhi ng kamatayan ng kaniyang kalooban. Mula sa pagkaulila’t kariktan, simula’t sapul ay inabuso si Maria. Isang batang kailanman ay hindi nakita ang mga magulang. Isang batang ang pagkakakilanlan ay nawala kasabay ng pagtatapos ng digmaan. At ngayon ay hindi na niya kinaya ang sakit, lahat na lang nawala pati ang taong kanyang pinakamamahal. Desidido na siyang tawirin ang ilog ngunit isang mahina at munting tinig ang tila nagligtas sa kaniya sa rehas ng pait at pighati.
“Nay, t-tara na po,” wika ng musmos habang inaabot ang maikling kamay kay Maria.