Pag-unlad, ang salitang tila inaasam na makuha ng bawat isa sa atin at ang pamahalaan ang isa sa mga nagpapalakad ng sariling mekanismong upang masiguro nito ang tiyak na pag-angat ng ating ekonomiya. Ang pamahalaan rin ang isa sa mga sumasalo ng salu’t-salong pambabatikos at pangsisisi sa oras na hindi naramdaman ng mga mamamayan ang kaunlaran na kaantabay ng bawat batas na kanilang pinapatupad. Sa mga oras na ito, alam nga ba natin ang tunay na kahulugan ng pag-unlad? Tanging ang pamahalaan nga lang ba ang may kakayahan upang matamo ang kaunlaran? Bakit nga ba maraming tao ang nagtatamad-tamaran at naghihintay ng mga biyaya galing sa pamahalaan? Kaya ba natin, bilang isang indibiduwal ang makatulong sa kaunlaran ng ating bansa? Alam nga ba natin ang iba’t ibang proyekto at batas na inululunsad ng pamahalaan? Nasusunod nga ba natin ang mga patakaran na ito? Maling pamamalakad ng pamahalaan o maling disiplina ng mamamayan? Kulay pula, dilaw o purong kayumanggi?
Karamihan sa Pilipino ay walang pakialam sa kanilang kapwa. Kung saan-saan tumatawid ang mga tao, ang mga sasakyan ay nakikipagunahan sa isa’t-isa, kung saan-saan nagtatapon ng basura, at nakawan kahit saan. Pinipilit ng mga taong gawin ang gusto nila kahit ito ay hindi na nakabubuti at nakatutulong sa pag-angat ng Pilipinas. Kaliwa’t kanan ang mga ilegal na gawain at sa oras na hindi makita ang pag-unlad na kanilang hinahangad ay pamahalaan ang kanilang unang sinisisi. Bakit nga ba ganito ang mentalidad ng halos lahat sa atin? Isipin na lang natin ang Pilipinas, kung gaano kaganda at kaunlad kung lahat tayo ay magkakaroon ng disiplina sa bawat gawi na ating ginagawa. Ang solusyon sa problemang kinakaharap ng Pilipinas ngayon ay hindi ang pagkakaroon ng bagong pinuno, kung hindi ay ang pagkakaroon ng disiplina. Wala sa kulay ng estado ang magdidikta kung nasaan tayo ngayon, pula ng kamatayan, puti na kabutihan, dilaw na katarungan o itim sa pansariling inam, dapat natin tandaan na ang mga ito ay nagbibigay daan lamang papunta sa kaunlaran at hindi maglalakad papunta sa kaunlaran dahil ang dapat na maglakad sa daang binuksan ng mga kulay na ito ay walang iba kung hindi ang bawat isa sa atin. Patuloy na nga lang ba natin kakapitan ang mga kulay na ito sa lahat ng bagay? O ang estado ang kakapit sa atin patungo sa pagsulong? Naniniwala ako na mas magiging maunlad ang Pilipinas kung ang lahat ng mamamayan nito ay nagkakaisa at nagtutulungan.
4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) isa ito sa napakaraming proyekto ng pamahalaan at ito ay isang hakbang para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan. Layon nito ang makatulong-pinansyal upang pabutihin ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon ng maraming mahihirap na Pilipino. Ang 4Ps ay ang pamamahagi ng halagang P500 sa bawat pamilya buwan buwan, o kabuuang P6000 taon taon. Ito ay isang malaking tulong na para sa ating pamilya ngunit bakit tila marami pa rin ang mga taong naghihirap? At ang mas malala pa ay ito ay isinisisi pa nila sa pamahalaan. Sa halip na ipandagdag nila ito para sa pampuhunan nila o pang-umpisa para sa kanilang trabaho, mas pinipili nila ang pag-aaksaya ng oras na nakatunganga sa kalye at nanglilimos ng tingi-tinging limang piso para mabuhay. Ayon sa statistiko, 58.1% ang Poverty Rate ng mga benepisyaryo ng 4Ps at 28.7% naman ay ang Extreme Poverty Rate, ang statistikong ito ay nagpapakita lamang na marami paring mga Pilipinong mahihirap ang mga nakakakuha ng 4Ps. Ipinapaliwanag lang nito na hindi na pamahalaan ang may pagkakamali kung hindi ay nasa sa atin rin, imbis na maging produktibo sa mga nakukuha natin ay mas pinipili nating maging tamad na walang ibang ginawa kung hindi ay ang tumanggap at mag-aksaya.
Marami pang dahilan kung bakit kaya nating mga mamamayan na maging independe sa aspeto ng pag-unlad kahit na hindi nakakatanggap ng tulong galing sa gobyerno. Isa na rito ang mga NGO’s, sila ang mga non-governmental organization na gustong tumulong para sa kapanan ng bansa ng walang hinihinging kapalit. Isa sa nagawa nila ay ang kasalukuyang implementasyon ng mga proyekto, sa pamumuno ng Japan Fund for Poverty Reduction, na nagbibigay ng mga inobatibong pamamaraan sa pagsugpo o pagbawas ng bahagdan ng kahirapan, sa pamamagitan ng mga pinagkukunang yaman sa pilipinas. Bilang pagpapatunay ng kanilang pagtaguyod ng kapakanang pang-madla, tumayo ang FATE o Filipino Alliance for Transparency and Empowerment, at kanilang kinuwestiyon ang kapasidad at integridad ni Francis Tolentino, dating MMDA chairman, ukol sa isyu ng hindi pagbibigay ng mga ‘relief goods’ sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda, kanila itong inihantong sa persekusyon ng naturang kwestiyonableng pangyayari. Isa rin ang Third World Movement Against the Exploitation of Women, at ang kanilang layunin na protektahan ang mga babae at mga bata mula sa mga pag-abuso. Hindi lamang ito, kanila ring binibigyang pansin ang pagbibigay ng mga trabaho at mga mapagkakakitaan, sa pamamagitan ng mga livelihood programs, halimbawa ang paggawa ng kandila, pagluluto, at iba pa.
Mga iba’t ibang batas na kasalukuyan pinagbabatayan o inaalinsunuran kung paano pinamamahalaan ang isang bansa o estado ang isa pang dahilan kung bakit kaylangan natin sisihin ang sarili natin. Mga batas na pilit ini-implimenta para sa pag-unlad ngunit hindi maisakatuparan dahil sa hindi maayos na disiplina ng ibang mamamayan. RA 7183, isa sa mga batas na matagal ng naipatupad ng pamahalaan at naglalayon na ipagbawal ang paggamit ng mga delikadong paputok tulad ng piccolo, five star, super lolo at iba pa. Ngunit sa kasalukuyang taon na ito ayon sa istatistika, 630 ang bilang ng mga kaso ng paputok na kung saan ay 192(31%) dito ay sanhi ng piccolo, na kasalukuyang pinagbabawal sa ating bansa. 89(14%) ay bikitima ng kwitis, 38(6%) sa luces, 32(5%) sa five star, at ang natitirang 44% ay nasa kategorya ng hindi tukoy na mga paputok. Batas republika 9211 tabacco regulation act of 2003, na nagnanais na ipagbawal ang paggamit ng Tabako(sigariyo) sa pampublikong lugar kagaya ng ospital, paaralan at iba pa upang masigurado ang isang kapaligiran na nakabubuti sa kalusugan ng isang tao. Ang batas na kung saan ay naglalayon na protektahan ang mga mamamayan laban sa masamang epekto ng paninigarilyo ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nasusupil ng gobyerno dahil sa patuloy na paglago ng mga tao na gumagamit dito. Ayon sa statistiko 28.3 % o 17.3 milyong Filipino ang patuloy na naninigarilyo sa ating bansa na patuloy pang tataas sa mga susunod pang taon. Mga mamamayang matitigas ang ulo at hindi pinapansin ang maaring masamang maidulot nito. Ang mga statistikong ito ay nagpapahiwatig lamang na kung hindi natin maitatalima ang mga batas na naipatupad ng pamahalaan, paano pa kaya tayo makakaramdam ng kahit isang kusing ng pagunlad sa pilipinas. Paano magbubunga ang mga pagtutulungan ng ibang mga tao na paunlarin ang pilipinas kung hindi natin ginagawa ng tama ang parte natin at patuloy lang na hinihila sila pababa?
Ang pagtanggap sa extrajudicial killings – mga pagbitay na walang pahintulot ng batas – bilang lehitimong gamot sa kalupitan at krimen ay pinsala sa ating mga pamilya at lipunan. Ito ay paanyayang linlangin at yurakan ang ating mga sarili, na sundin ang huwad na pangangatwiran at nagbubulag-bulagang pagpipilit; na ang may pagkakasala lamang ang mamatay, na hindi natin kailangan ang hukuman upang malaman kung sino nga ba ang nagkasala, na kung iyon lang naman ang pag-uusapan, aba, ay buo naman nating kayang pagkatiwalaan ang mga parak at mga tanod, na mabali man o maabuso ang tiwalang iyan ay OK lang, sapagkat kaunting tiis lang naman ito habang may binubunot na bulok ang pamahalaan sa ating katawan. Lilipas din ang bangungot at kirot sa budhi, at babangon tayo sa bagong umaga, sa isang makintab at mabangong pagkakataong magbagong buhay. Sa totoo lang, walang wakas ito kung hindi natin hihilingin na wakasan. Hindi natin sukdulang pasya kung ang lahat na mga napaslang o mapapaslang ay tunay na nagkasala. Duterte?
Ang mga proyekto at batas ng pamahalaan ay ang isa sa pinakamahalagang elemento sa pagkamit ng kaunlaran ng ating bansa, kaya naman ay patuloy ang pagdagdag ng mga proyekto at pagpapatupad ng iba’t ibang batas ng pamahalaan upang maisakatuparan ito. Sa kabilang banda naman, tayo ay walang ibang ginawa kundi isisisi sa pamahalaan ang kaunlaran na ni minsan ay di natin naramdaman. Bakit ba ang hirap para sa atin ang umintindi na wala sa pamahalaan ang pagkakamali kung hindi sa disiplina natin? Kung sa tutuusin ay hindi natin kailangan na magkaroon ng maraming batas upang umusad dahil KUNG lahat tayo ay magtutulungan, KUNG magiging mapagmatyag tayo sa bawat kilos ng ating kapaligiran, KUNG lahat tayo ay magbibigay ng atensyon at pagsunod sa mga batas, naranasan na sana natin ang pinakamimithi nating lahat, ang KAUNLARAN. Bilang isang mamamayan sa ating bansa marapat lamang na gawin ang parte, papel at tungkulin natin sa lipunan. Lagi nating isaisip na ang simpleng pagtulong at pagsunod sa batas ay nagbibigay ng napakalaking epekto na magtutungo sa ating pag-angat. Tandaan natin na ang mga tao sa gobyerno ay nakaupo sa pwesto nila upang TULUNGAN tayo at hindi para IBIGAY ang lahat sa atin, matuto tayo maging independe ng hindi umaasa sa kakayahan ng ating pamahalaan. Hindi ba’t mas marami tayong mga ordinaryong mamamayan kaysa sa mga tao sa gobyerno? Kung nakaya nilang magbigay ng ambag sa ating pag-unlad, paano pa kaya kung nagtulong-tulungan ang libu-libong tao patungo sa isang layunin, ang pagunlad. Walang imposible sa taong may sikap at determinasyon, maging imahe tayo sa mga kabataan, hindi natin alam na ang pinakaaasam nating kaunlaran ay napakalapit na sa atin at handa ng yumakap sa ating bansa.
MGA SANGGUNIAN: