Daan- daang taon na ang lumipas nang sakupin ng ibat- ibang dayuhang bansa ang ating mahal na bayan. Una na sa listahan ang mga Kastila, ang pinakamatagal na nanakop at umabot ng tatlong daan at tatlumpong taon sa bansa. Nagkaroon ng dalawang malaking epekto ang kanilang pamumuno sa Pilipinas. Una, ang halos malawakang pagsanib ng sinaunang mga tao sa Pilipinas sa Katolisismong Romano. Ikalawa, ang pagkalilikha ng mga piling tao na nag-aari ng mga lupain. Sumunod sa listahan ay ang mga Amerikano na halos kalahating daang taon na nanatili sa bansa. Kung relihiyon ang naging pamana ng mga Kastila sa Pilipino, edukasyon naman ang naging pangunahing ipinamana ng mga Amerikano. Matapos mapasakamay ng mga Amerikano ang Maynila noong Mayo 1898, sinimulan na ang pagtatatag ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Ang huling nanakop ay ang mga Hapones na bagamat tumagal lamang ng tatlong taon ngunit bakas pa rin hanggang ngayon sa mga kababaihang naalipusta ang alaala ng karumaldumal na kanilang sinapit. Mula sa ating mga sariling mata ay nasaksihan natin ang hindi mabilang na taon ng hirap, pagod, takot, pagmamalupit, at daing ng ating pinakatinatanging bayan.
Sa loob ng tatlong daan at tatlumpung taon, napasailalim ang Pilipinas sa pananakop ng bansang Espanya. Kaalinsabay ng kanilang pagdating ay ang hindi lubos maisip na kahirapan at pagmamalupit. Nang magpunta ang mga Kastila sa Pilipinas ay dala- dala nila ang isang relihiyon na lubos na lumaganap sa ating bansa. Ito ay ang Iglesia Katolika Apostolika Romana o sa madaling sabi ay ang Katolisismo. Ang Katolisismo ayon sa tanyag na Mirriam- Webster Dictionary ay ang pananampalataya, tradisyon, kultura, o sistema ng mga Katoliko at ito ay unang ginamit noong 1582. Upang lubusang lumaganap ang Katolisismo ay ipinatupad nila ng reduccion. Ito ay naglalayon na malipat ang mga katutubo na naninirahan sa malalayong lugar upang matiyak ang kanilang kapangyarihan sa kolonya. Nasakop ng relihiyon ang pag-isip at damdamin ng mga Pilipino kung kaya't mas madali silang napasunod ng mga Espanyol. Dahil ditto ay naging makapangyarihan ang mga pari at kura poroko at lahat ng may kinalaman sa pamamahala ay dapat dumaan sa kanila. Hindi ito nalalayo sa mga nangyayari sa kasalukuyan. Maging sa panahon ngayon ay malakaas parin ang kapangyarihan ng simbahan na minsan ay sobra na at wala na sa lugar. Masasalamin ito sa tahasan nilang pagkontra sa pag-aproba ng Same-sex Marriage, RH Law, at Death Penalty.
Napasailalaim din sa Espanya ang kapangyarihan sa pamamahala sa bansa. Nagpatupad sila ng ibat- ibang patakaran tulad ng tributo, polo y servicio, at monopolyo. Ngunit sa kabila ng mga patakarang ito ay ang hindi makailang pang-aabuso at pagmamalupit nila sa bansa. Iba’t- ibang lantarang kurapsyon at pagpatay ang nangyari noon. Mahigit dalawang taon na ang nakalilipas nang umalingawngaw ang mga salitang pork barrel scam, ang pangalang Janet Lim Napoles, at ang pagkakakulong kina dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, Sen. Bong Revilla, at dating Pangulo at ngayong Mayor na si Joseph Estrada. Ang bawat nabanggit ay may kinalaman sa kurapsyon nangyayari sa bansa sa kasalukuyan. Ayon sa pananaliksik ng Philippine Inquirer na nakalathala sa kanilang pook sapot na inquirer.net, umabot sa humigit kumulang 10 bilyong piso ang nanakaw sa kaban ng bayan. Tulad ng mga espanyol, ang mga politikong ito ay sinamantala at inabuso ang Pilipinas.
Sa pagpasok ng ika- 19 na siglo, nagsimulang magpalawak ng kaniyang teritoryo sa Asya-Pasipiko ang Estados Unidos. Isa ang Pilipinas sa mga lupaing nais nitong makontrol dahil sa istratehikong lokasyon nito. Noong una ay tinulungan ng mga Amerikano ang mga rebolusyunaryong Pilipino sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo na talunin ang mga Espanyol. Nanalo ang Estados Unidos at idineklara ni Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 subalit hindi pa lubos na nakalaya ng bansa dahil ito ay sumailalaim sa Estados Unidos- ang bansang itinuring na kaibigan. Tulad ng mga Espanyol ay kanila ring inabuso ang bansa. Bukod dito, nais din ng mga Amerikano na manatili ang kanilang impluwensya sa bansa upang maprotektahan ang kanilang mga interes matapos maipag- kaloob ang kalayaan nito. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin maikakaila na ang bansa ay nasa ilalim parin ng kapangyarihan ng Estados Unidos. Mistulan pa rin tayong puppet nila at dumedepende sa kanila.
Sa kabilang banda, nagpalabas din ang Estados Unidos ng mga batas na nagpipigil na maipamalas ng mga Pilipino ang kanilang damdaming nasyonalismo. Nagpatayo rin sila ng mga paaralan at ginawang libre para sa lahat ang mga ospital, kalsada, mga gusaling pampamahalaan, at pag- aaral. Ngunit sa kabilang banda, mas pinalawig nila ang paggamit ng wikang Ingles. Karamihan sa mga sulating inilalathala noong panahon nila ay nasa wikang Ingles. Ngayon sa kasalukuyan, isinusulong ang pag- aalis ng asiganaturang Filipino sa kolehiyo. Ayon sa kanila, tila hindi na kailangan ang Filipino sa kolehiyo kung kaya't dapat na itong tanggalin. Minsan nang nilimot ang wikang sariling atin at hanggang ngayon ay nangyayari parin ito ngunit hindi dahil sa mga Amerikano bagkus ay dahil sa kahangalan ng iba nating kababayan.
Ang panghuli ngunit hindi gaanong nagtagal ang panahon ng pananakop sa bansa ay ang bansang Hapon na tumagal lamang ng humigit kumulang sa tatlong taon. Mula 1942 hanggang 1945, napasailalim ang Pilipinas sa kamay ng mga Hapones pagkatapos makalaya sa pananakop ng mga Amerikano. Hindi pa natatamasa ng mga Pilipino ang kalayaang ay agad naman itong pinalitan ng batas militar. Ang lahat ng sumuway sa kanilang ipinag-uutos ay walang habas na ipinapapatay. Sa kanilang panahon umubong ang mga Comfort Women. Ang Comfort Women ay ang mas pinagaang tawag na tumutukoy sa mga babaeng parausan o nagbibigay- aliw sa mga sundalong Hapon noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig. Kasabay ng pananakop nila sa bansa ay ang pambababoy nila sa ating mga kababaihan. Hanggang sa ngayon, uso parin ang walang habas na panggagahasa at pagmamalupit sa kababaihan ng Pilipinas ngunit hindi na mga Hapon ang mga sumisira sa kanila kung hindi sila na mismo. Ang mga babaeng kung ituring ay Maria Clara ay ngayong naglalagay ng mga malalaswang larawan sa Facebook para makahanap ng asawang dayuhan.
Ilang taon na nga ang nakalilipas nang masakop ng ibat- ibang bansa ang Pilipinas. Hindi lang hirap at pasakit ang kanilang dala kundi pati limpak-limpak na pagdurusa ang nararanasan ngayon ng bansa dahil sa mga nangyari noon. Marami sa mga nangyayari noon ay nasasaksihan pa rin ngayon. Ilan na nga dito ay ang patuloy na pangingialam ng simbahan, ang kurapsyon, ang tila paglimot sa ating sariling lengwahe, at pang- aabuso sa kababaihan. Ang mga pangyayaring ito ay may signipikong epekto kung paano ang nangyayaring pamamalakad ngayon sa ating bansa. Karamihan sa mga nangyayari noon ay hindi maipagkakailang nasasaksihan hanggang sa kasalukuyan. Ganito na tayo noon, ganito pa rin tayo ngayon.