Mataas ang sikat ng araw na nanggagaling sa bukas na bintana ng aking maliit na kwarto nang magising ako sa malakas na alingawngaw ng “karaoke machine” ng kapitbahay. Napakaaga naman nilang mangbulabog ani ko sa aking isipan. Kahit hindi na bago sa akin ang maalimpungatan sa ingay ng dulot ng mga impit, pumipiyok-piyok at sintunadong boses ng aking mga kapitbahay ay nagigising pa rin ako. Ilang beses na rin silang napagsabihan ng mga taga-baranggay hall ngunit hindi sila natitinag na para bang singkapal ng kongkretong pader ang kanilang mga mukha. Akala yata nila’y mala-anghel ang kanilang mga tinig ngunit ang katotohanan ay mas gugustuhin ng sinuman na making na lamang sa sirang plaka. Tumihaya ako at nabaling ang aking atensyon sa kisame na mukhang ilang buwan ko na ring hindi nalilinis. Puno na ito ng agiw at ang alikabok naman ay singkapal na ng diksyunaryo; napunta naman ang aking mga mata sa mga pader na unti-unti nang kumupupas ang kulay at hindi na maitatago ang mga nababakbak na bahagi. Ilang minuto ko ring pinagmasdan ang kabuuan ng luma at munti kong kwarto nang magawi ang aking paningin sa orasan na alas otso y medya ang ipinakikita nitong oras sa kulay ng mga pulang numero. Napabulalas na lang ako at bumangon mula sa aking pinakamamahal na kama nang maalalang may kailangan nga pala akong puntahan.
Ano nga bang pumasok sa utak ko’t ‘di ko manlang naalalang may interbyu nga pala ako mamayang alas dose, napakaimportante pa naman nito at maaring wala nang susunod na pagkakataong dumating para sa akin. Dali-dali akong pumasok sa banyong singliit ng “telephone booth” at agad binuhos ang napakalamig na tubig sa aking ulo na mas gumising sa aking natutulog na diwa. Dahil gahol na rin sa ako oras, hindi na ko nagtagal sa pamimili ng damit na maaaring suotin na magmumukha akong pormal at kagalang-galang kaya nagmadali ako at kinuha na lamang sa cabinet ang nakasabit na isang nakaplantsang bughaw na long-sleeve na may burda sa loob ng mga manggas, tinernuhan ko na rin ng itim na slacks para sa pambaba at nagsuot ng kulay itim din na balat na sapatos. Nakita ko ang repleksyon ko sa salamin, masasabi kong pormal at kagalang-galang na kong tingnan kahit may kalumaan na ang aking damit. Tiningnan ko muli ang orasan, isang maliit ngunit naghuhumindik na alas nwebe ang sinasabi nito. Tumakbo ako palabas ng bahay na tila ba may humahabol sa aking aso na gusto akong kagatin.
Humahangos akong dumating sa terminal ng dyip, ang mapusyaw na kulay ng aking suot ay parang dumilim na dahil sa pawis. Magulo at maingay ang terminal; maraming taong naghuhuntahan tungkol sa kung anu-anong mga bagay-bagay na para bang ilang taon na silang hindi nagkita, ang mga barker naman ay halos lumabas na ang litid sa pagtawag ng mga pasahero na dinaig pa ang gumagamit ng mikropono sa lakas ng boses at ang mga drayber ay malakas na nagtutuksuhan at nagtatawanan. Pumunta ako sa dulo ng pila ng dyip na patungong istasyon ng LRT. Sa sobrang haba ng pila ay aakalain mong may nagbebenta ng tiket ng isang “blockbuster” na pelikula. Dahil wala na rin silong sa aking kinatatayuan at malapit na rin ang tanghali, ang tirik na araw ay siya namang humahaplos sa aking kayumangging balat na tila diyamenteng nagnining.
Umalis ang dyip sa terminal; banayad ang biyahe sa simula tila ba walang sasakyan sa daan ngunit ng marating na namin ang EDSA ay parang bumalik kaming muli sa paradahan. Napaisip na lang ako na parang napagkasunduan ng mga sasakyan na magsagawa ng malawakang “mannequin challenge” sa gitna ng initan. Lulan ng dyip ang mga taong nanlilimahid sa pawis at langis sa mukha na dulot ng napakinit na sikat ng araw samantalang ako naman ay nagbubutil-butil na ang pawis dahil sa nerbyos at pag-aalalang baka mahuli ako sa aking pinaka-iintay na interbyu. Ilang minuto rin ang itinagal bago makarating sa istasyon ng LRT. Pagtigil na pagtigil ng dyip ay agad akong tumalon palabas, na para bang isang ibong nakalabas sa hawala at ngayo’y sabik na sabik lumipad kasabay ng hangin.
Tumingin ako sa aking relo, halos alas onse na ng umaga kaya nagmamadali akong umakyat sa hagdan patungo sa istasyon. Nagkalat ang mga pulubi sa hagdanan, mga madudungis na pulubing may hawak na lata habang nakapalad sa mga taong umaakyat at bumababa ng hagdan. Sa kabilang banda naman, ang mga taong nagmula at papunta sa istasyon ay tila walang nakikitang tao sa hagdan. Nang makarating ako sa pila upang bumili ng tiket, himalang walang pila rito. Hindi lamang iyon, kakaunti rin ang tao sa loob ng istayson. Ilang segundo lang ang lumipas at dumating na rin sa wakas ang tren, at laking gulat ko dahil kung anong iniluwag ng istasyon ay siya namang kinasikip ng loob ng tren. Isiniksik ko ang aking katawan sa gitna ng mga taong pawisan at init na init. Ang loob ng tren ay tila isang pugon at kami namang mga pasahero ang mga pandesal na nagsisiksikan sa isang tray habang niluluto. Tumigil na ang tren sa istasyong bababaan ko.
Hindi na kalayuan mula sa istasyon ang lugar ng interbyu ko kaya naman naglakad na lang ako. Habang naglalakad ay napansin ko ang mga nilalangaw na basura sa tapat ng isang pader na kung saan nakasulat ang mga katagang, “BAWAL MAGTAPON NG BASURA DITO,” sa malalaking letra at kulay pulang pintura. Sa kabilang banda naman ay may traffic enforcer na nangingikil ng pera sa nahuli niyang drayber na bumibyaheng hindi dala ang lisensya. Ipinagpatuloy ko ang paglalakad hanggang sa marating ko ang isang malaking gusali, puti ang pintura at may higit apat na palapag. Bago pumasok ay narinig ko ang mga nagpo-protesta sa labas, “Itigila ang Endo,” sigaw ng mga rallyista habang iwinawagayway ang mga karatulang nagsasabing “Ibasura ang Kontraktwalisasyon.” Umaalingawngaw ang malakas na tunog ng megaphone sa buong lugar. Nais ko mang manatili at pagmasdan sila ay hindi maaari sapagkat may interbyu pa akong dapat puntahan.
Matapos ang interbyu ay agad akong lumabas ng gusali. Sana nga ay tumawag sila at tanggapin ako dahil paulit-ulit na lang akong umaasang mapipili rin ako. Habang nagmumuni-muni ay nahagip ng aking mga mata na hindi pa rin pala umaalis ang mga nagpoprotesta, bagkus ay dumami pa ang kanilang bilang at masasabi kong hindi sila natitinag tulad ng mga kapitbahay kong hindi napipigil sa pagkanta. Ngayon hindi na lang basta pagsigaw sa halip ay mayroong nagdudula, mayroong nagsusunog ng mga maliit na bersyon ng mga pulitikong may malalaking ulo, may kumakanta’t sumasayaw pa nga at marami pang iba; para akong nasa bahay at nanonood ng isang pang-hapong variety show tuwing lingo. Para hindi na mapukaw ang aking atensyon ay nilagay ko ang aking earphones at nagpatugtog sa pinakamalakas na “volume” ng mga bagong labas na kanta nina Ed Sheeran, Drake, Fetty Wap, at iba pang sikat na banyagang mang-aawit.
Naisipan kong lakarin ang pinaka malapit na mall. Pagpasok ko sumalubong kaagad sakin ang malamig na hangin na nanggagaling sa mga air conditioner nito. Dumiretso agad ako sa loob ng department store upang tumingin ng maaaring bilhin sa aking dalang pera, ang daming damit – iba-iba ang kulay, iba-iba ang disenyo, iba-iba ang klase. Hindi lang mga damit ang naroon bagkus ay mayroon pang naggagandahang mga sapatos, mayroong sapatos para sa isports, panlakad, pang simba, pamasok at marami pang iba. Nabubusog ang aking mga mata sa aking nakikita ngunit wala naman akong sapat na pera para bilhin ang mga iyon. Nang mabagot ako sa pagtingin ay napagpasiyahan kong magkape sa isang sikat na kapehan. Puno ito ng mga taong di naman talaga umiinom ng kape at nagpunta lamang para mag-“selfie.” Pagkuha ko ng kape ay umupo ako sa sulok at sinumulang simutin ito. Nararamdaman ko na ang pagod kaya naman nagpagdesisyunan ko nang umuwi. Iniwan ko ang walang lamang lalagyan ng kape at umalis na ako ng mall.
Paglabas ko ng mall ay nabalot ako ng katahimikan. Tila ang kaninang maingay at magulong bayan na aking nakita ay nag-iba, wala na ang mga maiingay na tindera ng kendi, wala na ang malalakas na sigaw ng mga barker, at wala na rin ang umaalingawngaw na busina ng mga pampubliko at pribadong sasakyan sa kalsada. Sumakay na ko sa tren at bumaba sa istasyong pinanggalingan ko kanina. Madilim at tahimik na ang istasyon. Ang mga pulubing nakita ko kanina ay naroon pa rin, ang iba’y natutulog na sa gilid ng hagdan samantalang ang iba naman ay nanlilimos pa rin. Sumakay na ako ng dyip pauwi, buong akala ko’y magiging maluwag na ang kalsada sa mga oras na ito ngunit nagkamali ako. Halos di gumagalaw ang dyip na aking sinasakyan, ang mga katabi kong pasahero ay pikit na ang mga mata samantalang ako naman ay papungay-pungay na dahil sa sobrang antok.
Dumating na ako sa aming lugar; tahimik na ang kalsada at wala na halos katao-tao. Ang kaninang kalsadang puno ng tao ay napalitan na ng kalsadang puno ng asong tumatahol. Madilim na rin ang lugar at ang nagsisilbing liwanag na lamang ay ang nag-iisang poste ng ilaw sa gitna ng kalsada. Pagdating ko sa bahay, wala na rin ang mga kapitbahay kong kumakanta sa karaoke. Pumasok na ako sa bahay at nagbihis. Humiga ako sa aking munting kama at muling nagmasid sa loob ng kwarto, marumi pa rin ang kisame at makapal pa rin ang alikabok, bakbak pa rin ang pintura ng pader. Unti-unting pumikit ang aking mga mata kasabay ng bahagyang pagtulog ng aking bayan at bukas muli’y gigising upang ipagpatuloy ang nasimulan at sisimulan ang di pa nasisimulan.