Ang araw ay sumisikat sa Silangan. Ang Pilipinas ay nasa bandang ibaba ng Silangan. Ibig sabihin ba nito, ang araw ay sumisikat sa Pilipinas? Kung pag-uusapan ng literal, ang sagot ay oo. Kung gagamitin naman natin ang araw bilang simbolismo ng kaunlaran, hindi. Kung ikaw ba ang tatanungin, masasabi mong maunlad ang Pilipinas? Maraming walang trabaho, maraming walang matirhan, maraming walang makain, maraming hindi makapag-aral, maraming mahirap. Hindi, hindi maunlad ang ating bansa. Pero makukuntento ba tayo rito? Ang sagot ay hindi rin dahil, gamit ang limang mga hakbang, maaari naman nating pasikatin ang araw sa Silangan – lalo na sa Pilipinas.
Unang hakbang, hindi mo kailangang manisi ng kapwa. Kung tatanungin kita ng bakit hindi maunlad ang Pilipinas ay maaaring isagot mo sa aking dahil sa gobyerno natin. Dahil ang mga tao sa pamahalaan ay puro korupsyon ang nasa isip. Oo, mayroon silang pagkakamali pero bago mo isisi sa kanila kung bakit mahirap ang Pilipinas ay siguraduhin mo munang ikaw ay isang tao na kahit kailan ay walang ginawang pandaraya sa buhay. Siguraduhin mo ring wala kang inaambag kung bakit nananatiling nasa ilalim ang ating bansa, intensyunal man o hindi. At kung sisisihin mo lang ba ang gobyerno ay matitigil na ang korupsyon? Hindi. Siguro nga malaya kang maghayag ng iyong opinyon pero kung puro pambabatikos lang ang alam mo ay tigilan mo na at ilaan mo na lang oras mo sa paggawa ng mga susunod na hakbang para sa ikauunlad ng Pilipinas.
Ikalawang hakbang, ngayong hindi ka na naninisi ng iba dahil sa kanilang mga pagkakamali ay panahon na para pagnilayan mo naman ang mga sarili mong kamalian. Hindi lang ang mga tao sa gobyerno ang nagkakasala kundi lahat tayo. Maaaring hindi mo lang alam pero may iniaambag ka rin sa kahirapan ng Pilipinas at 'yan ang kailangan mong isipin. Dinurumihan mo ba ang kalikasan sa pamamagitan ng pagtatapon ng kalat dito imbes sa basurahan? Pipiliin mo bang angkinin ang perang napulot mo kaysa ibalik ito sa may-ari? Mas tinatangkilik mo ba ang produkto ng ibang bansa kaysa ang sariling atin? Alin sa mga ginagawa mo ang pumipigil sa ating bansa para makamit ang inaasam niyang kaunlaran? Kahit ang mga maliit na aktibidad mo ay may epekto lalo na kung hindi lang ikaw ang gumagawa nito.
Ikatlong hakbang, kapag alam mo na ang iyong mga pagkakamali ay itigil mo na ito at simulan mo nang gawin ang kung anong tama. Imbes na isa ka sa mga taong humihila pababa sa Pilipinas ay maging isa ka sa mga mag-aangat nito pataas. Alamin mo ang mga pwede mong gawin para maging isang mabuting mamamayan. Pa'no ka makatutulong sa pag-unlad ng bansa? Kung tutuusin ay gasgas na ang tanong na katulad nito at parang ang simple lang sasagutin pero kung pag-iisipan mong maigi, ang tanong ay maganda at malalim. Paano nga ba? Kung isa kang estudyante, siguro dapat kang mag-aaral ng mabuti dahil isa sa mga salik sa kaunlaran ng isang bansa ay ang pagiging edukado ng mga mamamayan nito. Kung isa kang dukha, pwedeng magsumikap ka sa pagtratrabaho ng marangal at huwag matutuksong gumawa ng krimen para lang mabuhay. Kung isa kang magulang, baka dapat planuhin mong maigi ang bubuuing pamilya at siguraduhing kayang tustusan ang bawat myembro nito. Maraming mga posibleng plano para umunlad ang Pilipinas at naghihintay lang silang sumagi sa utak mo.
Ikaapat na hakbang, kapag napag-isipan mo na ang mga paraan na sa tingin mo ay magpapabuti ng lagay ng ating bansa, oras na para isakatuparan ang mga ito. Kung kaya mong isipin ay dapat kaya mo ring gawin. At ika nga nila, kung gusto ay laging may paraan. Gaano mo ba kagustong umunlad ang bansa mo? Sino bang may gusto ng hindi maunlad na bansa, diba? Pero ang pinakatanong dito ay kung sino bang handang gawin ang lahat para makamit ito? Maraming puro salita, puro isip, kulang naman sa gawa kasi mahirap. Oo, magiging mahirap ito dahil ang kaakibat nito ay ang salitang pagbabago--ititigil na ang mga nakasanayang pagkakamali para gawin ang kung anong tama. Pero wala namang mabuting bagay na hindi pinaghihirapan, diba? Kaya habang maaga pa, simulan mo na.
Ikalima na siyang pinakahuli at pinaka-importanteng hakbang sa lahat, ang pagpapanatili ng sinimulan mo. Hindi porket nagawa mo na ang tama ay sapat na. Ang tanong kasi ay hanggang kailan mo ito kayang gawin? Hanggang kailan mo kayang panindigan? Baka naman sa simula ka lang magaling at di kalaunan ay susukuan mo rin at babalik ka na naman sa dati. Kahit mapagtagumpayan mo ang mga naunang apat na hakbang ay wala rin kung hindi mo magagawa ang huling hakbang na ito. Para umunlad ang Pilipinas ay kailangang gumawa ng mabuti ang mga tao at panatilihin ang kabutihang ito.
Sa oras na makumpleto ang mga hakbang ay magiging dahilan na ito para umangat ang Pilipinas mula sa kahirapan. Pero maliban sa mga hakbang na ito ay may natatanging sangkap para sa tiyak na kaunlaran ng bansa. Walang iba kundi ang pagkakaisa. Kung lahat ng Pilipino ay magkakaisang gawin ang mgahakbang na nabanggit, kung lahat ay magkakaisang tigilan na ang kanilang mga pagkakamali at simulang gumawa ng tama ay walang dudang uunlad tayo. Hindi importante kung nasa kapangyarihan ka man o wala, kung mayaman ka man o mahirap, at kung matanda ka man o bata. Basta Pilipino ka ay may magagawa ka. Sundin lang ang mga hakbang at makikita na natin ang minimithing pagsikat ng araw sa ating bansa. Ang pagsikat ng araw sa Silangan.