Nobela mula sa Nigeria
Ang Nigeria ay isa sa mga bansa sa Afrika na may malaking ambag sa panitikan. Ang kanilang panitikan ay sadyang nakapagpataas ng kamalayan ng mamamayan sa bansa pagdating sa uri ng pamumuhay, kultura, tradisyon, at suliranin sa politika.
Sa modyul na ito, ating aalamin at uunawain ang isa sa mga nobela mula sa Nigeria na pinamagatang, “Paglisan” na isinulat ni Chinua Achebe at isinalin sa Filipino ni Julieta U. Rivera.
Sa araling ito, inaasahang ikaw ay magpapamalas ng malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa mga akdang pampanitikan ng Africa sa tulong ng mga pang-ugnay na ginagamit sa pagpapaliwanag at mabisang pagsusuri sa halaw ng isang nobela.
Sa bahaging ito ng aralin ay mapapanood mo ang buod ng isang nobela mula sa Nigeria na pinamagatang, “Paglisan”
Paglisan (Buod)
Mula sa Ingles na Things Fall Apart ni Chinua Achebe
Isinalin sa Filipino ni Julieta U. Rivera
Batis ng Impormasyon tungkol sa Afrika
Binibigyang-pagpapahalaga ng mga Afrikano ang kanilang mga tradisyon at paniniwala. Ipinakikita nila ito sa pamamagitan ng sayaw, sining, musika, at palamuti. Ang pag-unawa sa mga bagay na ito ay mahalaga upang mabuhay sa kanilang lipunan. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga magagandang katangian ng lugar at ng mga taong naninirahan dito:
• Ang Afrika ay pangalawang pinakamalaking kontinente sa daigdig at pangalawa sa pinakamataong populasyon pagkatapos ng Asya.
• Malaki ang naging impluwensiya ng
heograpiya sa pamumuhay ng mga sinaunang Afrikano. Dahil ditto, natuto silang makibagay sa pabago-bagong klima ng kanilang kapaligiran.
• Ang tradisyonal na pagsasayaw ng mga Afrikano ay isa sa kanilang mahahalagang kultura, ginagamitan nila ito ng iba’t ibang kilos, maskara, costume, pintura sa katawan, at iba pang bagay upang lubos na maunawaan ng manonood ang tema nito.
• Ginagamit din sa pagsasayaw ang mga likhang-sining tulad ng maskara na may relihiyoso at seremonyal na pinagmulan. Ang pintor ng maskara ay kailangang magbigay ng panalangin sa kaniyang mga ninuno upang humingi ng gabay sa paggawa nito. Ang maskara ng mga Afrikano ay sumisimbolo sa mga kaluluwa ng kanilang mga ninuno na maililipat sa mananayaw na may suot nito.
Karagdagang Kaalaman:
Ang nobela ay isang mahabang kathang pampanitikan. Naglalahad ito ng mga pangyayaring pinaghahabi sa isang mahusay na pagbabalangkas. Pinakapangunahing sangkap nito ang pagpapalabas ng hangarin ng tauhan at ng hangarin ng katunggali sa kabila. Ito ay isang masining na pagsasalaysay ng maraming pangyayaring magkakasunod at magkakaugnay. Ang mga pangyayaring ito ay nakatutulong sa pagbuo ng matibay at kawili-wiling balangkas na siyang pinakabuod ng nobela.
Mga Hakbang sa Pagsusuri/Ebalwasyon ng Iskrip at/o Pelikula
Ayon sa aklat na Trip to Quiapo Scriptwriting Manual ni Ricky Lee, may mga bagay tayong dapat bigyang-pansin sa epektibong pagsusuri o ebalwasyon ng isang iskrip. Ito ay ang mga sumusunod:
1. tukuyin at alamin ang konseptong pinag-uusapan;
2. unawain ang major concepts ng materyal; at
3. tukuyin ang magkakaugnay na detalye sa istorya upang malaman ang pangunahing paksa nito.
Samantala, makakamit naman ang maayos na paghahanda ng iskrip kung bibigyang-tuon hindi lamang ang pagkakaugnay ng mga pangyayari kundi maging sa pagbuo ng diyalogo. Malaki ang maitutulong ng mga pang-ugnay sa pagbuo ng mga diyalogong ito.
Sa pagsusuri naman ng pelikula, bumuo ng pagpapaliwanag sa mga detalyeng nais bigyang-pansin. Maaaring ipaliwanag ang magandang detalye at kahinaang nakita sa iskrip at/o ng pelikulang pinanood.
May tatlong paraan upang maipaliwanag ang argumento o punto ayon sa aklat na Gramatikang Pedagohikal ng Wikang Filipino ni Vilma M. Resuma:
1. pagpapalawak at/o pagpapaliwanag ng kahulugan;
2. pagbibigay ng mas tiyak, detalyado, at higit na maliwanag na deskripsyon, kabilang na sa puntong ito ang mga paggamit ng pang-ugnay, pagtutulad, at pag-iiba-iba; at
3. pagbibigay ng halimbawa.
Makatutulong nang malaki ang paggamit ng pang-ugnay upang maging mabisa ang pagpapaliwanag. Ilan sa mga ito ay ang pang-angkop na na, -ng, at -g. Ginagamit ang na kapag ang salitang aangkupan ay nagtatapos sa katinig, ang -g namn ay ginagamit sa salitang nagtatapos sa n at ginagamit naman ang -ng sa mga salitang aangkupang nagtatapos sa patinig.
Maliban dito, ang mga pangatnig na bagamat, upang, at, tulad ng, kapag, kung, at iba pa ay magagamit din sa mahusay na pagpapaliwanag.
Teoryang Pampanitikan
Ang teoryang pampanitikan ay ang sistematikong pag-aaral ng panitikan. Mayroong iba’t ibang teorya para sa pag-aaral na ito.
• Humanismo - Sa pag-aaral at pagsusuri ng akda sa pananaw ng humanismo, pinaniniwalaan na ang tao ang sukatan ng lahat ng bagay kaya’t kailangang maipagkaloob sa kaniya ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin sa pagpapasiya.
• Realismo - Ipinaglalaban ng teoryang realismo ang katotohanan kaysa kagandahan. Karaniwang nakapokus ito sa paksang sosyo-politikal, kalayaan, at katarungan para sa mga naaapi.
• Pormalismo - Ang pagpapaliwanag sa anyo ng akda ang tanging layunin ng pagsusuri; samakatuwid, ang pisikal na katangian ng akda ang pinakabuod ng teoryang pormalismo. Ang layunin ng teoryang ito ay matukoy ang nilalaman, tema, kaanyuan, o kayarian, at paraan ng pagkakasulat ng akda.
• Eksistensyalismo – Hinahanapan ng katibayan ang kahalagahan ng personalidad ng tao at binibigyang-halaga ang kapangyarihan ng kapasyahan laban sa katuwiran.
• Kultural - Tumutukoy sa mga kuwentong batay sa isang kulturang pinaghanguan ng kuwento, tula, o nobela.
• Marksismo- Ipinakikita ang pagtutunggalian o paglalaban ng dalawang magkasalungat na puwersa; malakas at mahina, mayaman at mahirap, kapangyarihan at naaapi.
• Historikal- Ang akdang susuriin ay nagpapakita at nagpapaliwanag ng kasaysayan sa pamamagitan ng mga pangyayaring nakapaloob sa akda.
OUTPUT #7: Basahin at Suriin
Panuto: Suriin ang papanoorin na excerpt ng isang isinapelikulang nobelang, “Ang Munting Prinsesa” (A Little Princess) gamit ang grapikong pantulong sa ibaba. Kopyahin at gawin ito sa hiwalay na document file. Ilagay ang output sa naturang drive na makikita sa MGA SANGUNIAN .